Kasalukuyan nang walang akses ang website ng ilang mga grupo at midyang isinasangkot ng gobyerno sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA). Ito ay matapos magpadala ng liham ang National Security Council (NSC) noong Hunyo 8 sa National Telecommunications Commission (NTC) para pigilan ang mga grupong idinadawit sa CPP-NPA sa paglalathala ng mga “propaganda at misinformation” laban sa gobyerno.
Kabilang sa mga grupo at midyang pinatatanggalan ng akses ay ang mga website ng Bulatlat, Pinoy Weekly, Save Our Schools Network, Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), at iba pa.
“They have established a pervasive online presence through their websites that they continually use to publish propaganda and misinformation campaigns in order to malign the Philippine government, recruit new members, and to solicit funds from local and international sources,” ani National Security Advisor Hermogenes Esperon sa liham nito sa NTC.
Bagaman hinihiling ng NSC na gumamit ang NTC ng mga ligal na instrumento para harangin ang akses sa mga nasabing website, walang ligal na batayan ang dalawang ahensya para ipag-utos ito sa mga Internet Service Providers (ISP). Ang tanging naging basehan ng NSC sa pagtanggal ng akses ay ang pagtatalaga sa CPP-NPA at National Democratic Front of the Philippines bilang mga teroristang organisasyon sa ilalim ng Anti-Terror Law.
Walang nakasaad sa Anti-Terror Law na may kapangyarihan ang NSC o NTC na tanggalan ng akses ang mga website ng mga grupo o indibidwal na kanilang idineklara bilang terorista. Gayundin, nadadawit lamang ang mga ligal na organisasyon at midyang nasa listahan ng NSC bunsod ng sunod-sunod na red-tagging.
Bago pa man ang hakbang ng NSC at NTC, matagal nang nakatatanggap ng atake ang mga alternatibong midya mula sa mga hacker at ahente ng gobyerno. Ayon sa imbestigasyon ng Qurium Media Foundation, isang digital forensic group, matutunton ang mga atake sa alternatibong midya noong Disyembre 2021 sa Pinoy Vendetta, isang grupo ng hacker na sinusuportahan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Natukoy din na mula sa server ng Department of Science and Technology at Philippine Army ang mga naitalang atake sa mga alternatibong midya noong Agosto 2021.
“Bulatlat, the longest-running and award-winning online media outfit and the authority in human rights reporting in the Philippines, condemns this brazen violation of our right to publish, and of the public’s right to free press and free expression. It is downright unacceptable as it is based on Esperon's mere hearsay,” anang Bulatlat sa isang pahayag.
Hindi rin makapagbigay ng rason o batayan ang Department of Justice kung bakit hinaharang ang akses sa mga website, ayon sa isang panayam. Nananatiling iwas ang kagawaran na magkomento hinggil sa hakbang subalit maaari umanong umapela ang mga grupo at midyang apektado ng desisyon ng NTC at NSC.
“The orders show how arbitrary the use of terrorist-labelling and red-tagging have become. No due process, no evidence. Guilt by association,” ani Renato Reyes, secretary-general ng BAYAN. “The last-minute orders come less than a month before the end of Duterte’s term. The regime is desperately trying to silence all opposition to its reign of tyranny.”
Bagaman wala nang akses ang website ng ilang grupong nasa listahan sa ilang ISP, maaari pa ring bisitahin ang mga website sa pamamagitan ng Virtual Private Network, at ang Bulatlat sa kanilang mirror site.
Nagpadala na ng liham ang Bulatlat sa NTC at Department of Information and Communications Technology noong Hunyo 20 para imbestigahan ang pangyayari subalit wala pa ring nagiging tugon ang mga ahensya.
“What we feared, and what the government assured would not happen, has happened,” anang National Union of Journalists of the Philippine sa kanilang pahayag. “We call on the members of the journalist community, on press freedom and freedom of expression advocates, and on the public to join us in condemning this blatant violation of press freedom and of the basic idea of the free flow of information and of ideas.” ●