By MARK VERNDICK CABADING
Mag-iisang taon na mula noong una kong tanggapin ang aking sarili.
Alas dose ng hating-gabi, nakaupo ako sa hapag-kainan kaharap si Mama. Pinakiusapan ko siyang samahan ako dahil hindi ako makatulog. Hindi naman nagtaka si Mama dahil madalas namin iyong gawin sa tuwing umuuwi ako ng probinsya. Hinihintay naming makatulog ang mga bata tapos magtitimpla akong kape para mayroon kaming maiinom habang nagkukuwentuhan.
Ang hindi alam ni Mama, kalakip ng bawat kwentong naibahagi ko na ay ang mga katotohanang pilit kong itinatago dahil sa takot na matagal ko nang dinadala. Takot akong hindi ako tanggapin ng sarili kong pamilya. Takot akong mabahiran ng poot at pagpupuyos ang bawat ala-alang pinagsamahan naming pamilya. Takot akong mag-isa.
Noong gabing iyon, hindi ako nagsimula sa pangungumusta. Nagsimula ako sa pagpapakilala.
“Ma, hindi ako gaya ng iniisip niyo. Hindi po ako straight.”
Nagpabilisan sa paglabas ang mga luha at salita sa pagkakataong iyon. Sa huli, namayani ang mga luhang matagal ko nang pinipigilan. Ganun pala ang pakiramdam na lumaya mula sa sarili.
Takot akong tumingin kay Mama na hindi agad nagsalita noong pagkakataong iyon. Gayunpaman, agarang naglaho ang namumuong takot nang yakapin niya ako. Sabay kaming lumuha at noon ko napatunayan na wala naman pala akong dapat ikatakot.
Malaking tagumpay para sa akin ang gabing iyon. Tila nakalipon ako ng lakas na harapin ang takot na pumaralisa sa buong buhay ko. Noong gabing iyon, naging handa na akong magpakilala—sa mga nag-aakalang kilala na nila ako buong buhay at sa mga taong makikilala ko pa.
Malaki ang naging takot kong mahusgahan ng ibang tao dahil lang sa aking sekswalidad. Hindi na bago sa maraming indibidwal na kabilang sa LGBTQA+ community ang mamuhay nang may takot at pagkukunwari. Gayunpaman, mayroong ilan na pinipiling maghayag at magpatunay na hindi takot ang dapat na tugon sa mga suliraning kinahaharap ng LGBTQA+ community ngunit patuloy na pamamayagpag at pagpapatunay na hindi tayo iba sa ibang bahagi ng lipunan.
Sinabi sa akin ni Mama na iisa lang naman ang ikinatatakot niya. Hindi lahat ay kagaya niya o ng mga kaibigan kong nakakakilala sa akin, na hindi lahat ay tanggap ang mga kagaya ko. Noon ko napagtanto ang kahalagahan ng pagtanggap sa sarili, na dito nagsisimula ang tuluyang paglaya. Ang pagtanggap sa sarili ay paghanda sa anumang ibabato sa’yo.
Malayo na rin ang narating ko mula sa puntong iyon. Hindi naging madali sa akin ang pagtanggap at pagkilala. Dalawang taon ko ring iniwasan ang bawat pag-imbita ng high school best friend ko na magpunta sa mga pride march at mga pride month celebration. Noon, sa blogs at mga tulang isinusulat ko lang naibubuhos at naipapamalas noon kung sino nga ba ako. Ngayon, bitbit ko na sa bawat salitang sinasambit at sinusulat kung sino nga ba ako.
Ito na ang ikalawang pride month matapos kong tuluyang matanggap ang sarili ko. Gayunpaman, hindi ko pa rin limot ang unang pagkakataong naramdaman ko ang suporta ng mga taong aking pinahahalagahan. Mula noon, hindi na ako mag-isa. Kasama ko ang mga mahal ko sa buhay at ang mga kagaya kong LGBTQA+ na tumitindig para sa aming karapatan.
Sa loob ng isang taon, marami pa akong napagtanto matapos kong iwanan ang lahat ng takot na matagal kong pinanghawakan. Hindi natatapos ang laban sa paglaya sa sarili. Lalong hindi tayo dapat magpakulong sa pansariling laban.
Sa isang komunidad na nakakaramdam ng opresyon gaya ng LGBTQA+, tanging ang pagtindig ang makakapagpabago ng kasalukuyan nitong kalagayan. Para sa kagaya kong lumaya na sa sarili, nagsisimula pa lang ang laban. Mas malaki ang laban na naghihintay sa atin—sa kanayunan, sa lansangan, at kung saan pang may kagaya nating nakakaramdam ng opresyon sa kasalukuyang lipunan.●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-8 ng Hunyo 2018.