Nagluluwal ng pagbalikwas ang bawat krisis. Ito ang napatunayan ng Philippine Collegian sa higit dalawang taong nakalipas.
Nang pwersahin ng pandemya ang marami sa atin na magsarili, magkulong sa kanya-kanyang mga espasyo—bumalikwas ang Kulê. Bagaman sa una ay nahirapang ipagpatuloy ang operasyon, kalakhan dahil sa marami sa amin ang kinain ng pangamba, pinilit ng mga natitirang miyembro noon na gisingin ang sarili. Alalahaning may mas malaki pang mga gampaning dapat gawin.
Bagaman binibigyang primarya ang pag-uulat, kinilala rin ng mga nagdaang editorial board ang limitasyon ng bawat miyembro ng Kulê, at siyempre, ang kondisyon ng paglalathala ng publikasyon. Kung kaya dumaan sa maraming transisyon at pagbabago ang Philippine Collegian.
Noong Marso 2020, tinigil ang pag-iimprenta ng pisikal na kopya ng mga dyaryo. Sa halip, inilabas ang lahat ng balita, artikulo, at graphics sa aming social media. Nagpasya rin ang dating editorial board na itulak ang pagbuo ng website ng Kulê. Nagkaroon ng holdover term, ngunit dalawang isyu mula nang magsimula ang unang semestre sa ilalim ng online learning, napagpasyahan naming itigil ang paggawa ng digital na tabloid.
Sa puntong ito, napatunayan na hindi na gagana ang nakasanayan. Bumalikwas ang Kulê sa tradisyunal nitong produksyon at sirkulasyon. Abril ng taong 2021, opisyal nang binuksan ang website ng Kulê, at nagsimula ang aking termino. Sa website, mas nabigyan kami ng kalayaang magsulat nang mas mahaba, mas kumprehensibo.
Ngunit matapos ang ilang buwang walang issue—printed ni digital—at sa website lang naglalathala, naintindihan naming hindi pa rin ito sapat.
Sa mundong permanente nang binago ng pandemya, naging mas laganap ang disimpormasyon, nakatuon ang lahat sa social media, mas mabilis na ang news cycle, higit, madaling makalimot ang mga tao. Ang mga isyung nagpagalit sa kanila kahapon ay matatabunan ng ibang isyung mas ikagagalit nila ngayon—ganyan naman ang kondisyong inilatag ni Duterte, palala nang palala ang mga bagay.
Kaya sa pagtunggali sa ganitong kondisyon, bumalikwas ang Kulê. Sinimulan noong Setyembre ng 2021 ang pagsasakonsepto ng pagbabalik namin sa printed na format. Ngunit alam naming hindi na uubra ang nakasanayan. Kung kaya, nagkontra-agos ang Kulê.
Ang bagong Kulê ay sumuong sa tereno ng magazine at slow journalism. Kontra ito sa mabilis at nagtatabunang mga balita. Kontra sa agarang pagbuo ng mga opinyon. Ang Kulê sa bago nitong itsura ay nag-alok ng bagong karanasan—kung saan ang mga mambabasa ay may pagkakataon at oras na maglimi at mag-usisa.
Binabalikan ng bawat artikulo sa magazine ang natabunan ng news cycle—mga isyung nalimutan, nakaligtaan, ngunit esensyal sa mas malawak na pag-intindi sa nangyayari sa lipunan. Ito ang naisip na paraan ng Kulê para manatiling may kabuluhan, may bisa at silbi sa mambabasa.
Maraming krisis ang pinagdaanan ng lipunan, gayundin ng Kulê—dumating ako sa puntong napansin kong tila bawat hakbang na sinusubukan naming gawin ay laging sinasalubong ng suliranin. Ngunit naisip naming ganoon talaga kapag sinusubukang bumalikwas—laging may humahadlang, tumutulak sa’yo pabalik sa nakasanayan at komportableng status quo.
Ito siguro ang pinakamahalagang aral ng Kulê sa nakalipas na dalawang taon: ang krisis ay nagsisiwalat. Nalalaman natin ang mga kahinaan, ang matagal at natabunang mga suliranin, ngunit ito ay hindi upang ilugmok ang bawat isa sa atin. Ang krisis ay nagbubunyag ng kabulukan, hindi upang manatili tayo sa antas ng pagkaagnas—bagkus upang kumilos tayo, subukang baguhin ang kinagigiliwan.
Mula rito, umuusbong ang pinakamalikhaing mga ideya ng pagbalikwas. Mula rito, napipilitan tayong magdalumat at bumuo ng harayang di nagpapakulong sa kasalukuyang pag-iral ng mga bagay—sa madaling salita, maging rebolusyonaryo.
Malaki ang gampanin ng susunod na patnugutan ng publikasyon—nakaupo si Marcos Jr., umiigting ang tensyon sa iba’t ibang nagdidigmaang mga bansa, sumasailalim sa mga pagbabago ang lipunan. Di maikakailang iigting at darami ang mga krisis, ngunit handa tayong bumalikwas.
Ngayong nasa posisyon tayo ng pagbabago ng mundo, kritikal ang bawat hakbang. Ang gampanin ng Kulê ay tiyaking tinatahak natin ang landas ng pagpapalaya. ●
Talumpati ng pagtatalaga ng tungkulin sa susunod na punong patnugot ng Philippine Collegian. Ipinahayag sa Affirmation at Turnover Ceremony noong Setyembre 30 2022, Student Union Building, UP Diliman.