Alas nuwebe na ng gabi nang maghanda si Mang Allan paalis sa kanilang bahay para pumalaot. Umaasa siyang ngayong gabi ay susuwertehin na siya ng maraming huli. Ilang linggo na rin kasing matumal ang kanyang huli kaya nag-aalala na sila ng asawa niyang si Christine kung makakapagbayad ba sila ng tubig at kuryente ngayong buwan.
Sa katunayan, kailan nga lang ay may bahagyang alitan pa silang dalawa tungkol sa pera. Nagpaalam na siya sa kanyang mga anak na pahiga pa lang sa kanilang papag upang matulog, at humalik sa noo ng asawa kahit mayroon silang kaunting tampuhan dahil sa hindi pagkakaintindihan.
Pagsampa sa bangka ay napangiti na lamang siya sa laman ng kanyang bag. Hindi pa rin nakalimot ang kanyang asawa na pabaunan siya ng extrang damit, tatlong biskwit, 3-in-one na kape, thermos, at flashlight. Kahit papaano ay napanatag siyang hindi gaano kagalit si misis.
Pinaandar na niya ang motor ng kanyang bangka na medyo uubo-ubo ang makina at pumalaot sa gitna ng look, sabay hagis ng kanyang lambat. Bilang pampalipas-oras, gumagawa siya ng isang bracelet yari sa mga naipon niyang maliliit na kabibe na nahahagip sa lambat niya. Nais niyang ibigay iyon sa kanyang asawa pag-uwi upang magkaayos na sila. Tamang-tama rin dahil ilang araw na lang at araw na ng mga puso.
Inabot na siya ng pagsikat ng araw at dismayadong tiningnan ang laman ng lambat niya. Mangilan-ngilang tamban, sapsap, at mackarel lang ang huli niya. Hindi pa nga sapat upang makapuno ng kalahating timba. Pinaandar niya muli ang bangka patungo sa mas malayong bahagi ng look. Baka sakaling doon ay makatsamba na siya.
Tanghali ang normal na uwi ni Mang Allan sa kanilang bahay, kaya sabay-sabay silang nagtatanghaliang mag-anak. Kaya hindi na mapakali si Aling Christine dahil lumipas na ang tanghalian at wala pa rin ang kanyang mister. Sari-sari rin ang mga nababalitaan niya sa daungan tungkol sa sinasapit ng ibang mga mangingisda. Mayroong ibang hinuhuli ng mga coast guard dahil sa paggamit ng dinamita. Kamakailan lang ay bali-balitang pinalubog ng isang barkong pangisda galing China ang bangka ng isa sa mga kasamahan ng kanyang asawa. Wala siyang ideya kung ano ang tunay na nangyari. Hindi rin naman niya matawagan dahil walang signal sa gitna ng dagat.
Lumapit na siya sa mga ibang mangingisda upang hanapin ang kanyang asawa. Ngunit wala rin silang nakitang Allan na dumating sa daungan. Patakip-silim na at hindi pa rin dumarating ang kanyang asawa. Tuliro si Aling Christine na naghihintay sa fish port habang hawak ang rosaryo at paulit-ulit na bumubulong ng Aba Ginoong Maria. Ipinagpasataas na lamang niya ang hiling na siya ay umuwi nang ligtas.
Hanggang sa mayroon siyang naaaninag na bangkang paparating mula sa malayo. Si Mang Allan! Nasiraan lamang pala siya ng motor sa gitna ng dagat, at hindi pa niya kayang bumili ng panibago.
Masaya niyang hinagkan ang kanyang asawa at humingi ng tawad dahil sa alitan nila kagabi. Dagdag pa sa magandang balita na anim na timba ng tamban at mackarel ang kanyang nahuli. Sa kanyang bag ay may dinukot si Mang Allan sa kanyang bulsa. Inabot niya ang gawa niyang seashell bracelet, sabay bulong na, “Maligayang araw ng mga puso, mahal.” Sa mga sandaling iyon, tila mas lalong minahal ni Aling Christine ang kanyang mister. ●