Ni LOUISE VINCENT B. AMANTE
May mga taong kinaiinisan ang Lunes. Tinatamad pa silang bumangon dahil bitin ang gimik at pahinga ng nakaraang weekend. Makasasagupa na naman sa araw na ito ang mahabangpila sa MRT/LRT at ang buhol-buhol na trapiko. Kaya naging regular na ang rush hour tuwing sasapit ang Lunes.
Idagdag pa rito ang mga holiday o pista-opisyal na tumatama sa Martes, Miyerkules, o Huwebes. Nabibitin tuloy ang trabaho at pag-aaral, pati ang pahinga at gimik.
Pinirmahan ni Pangulong Gloria Arroyo noong Hulyo 21, 2007 ang Republic Act (RA) 9492, o ang “Act Rationalizing the Celebration of National Holidays,” upang magdulot ng 3-day weekend at hindi maantala ang pagtatrabaho’t pag-aaral sa linggong iyon. Nililipat ng RA 9492 sa Lunes ang mga pambansang pista-opsiyal na tatama sa mga araw ng Martes, Miyerkules, o Huwebes.
Dayuhang Mamamayan
Ngayong taon, apat na pambansang pista-opsiyal na ang nailipat sa Lunes. Naging Abril 7 ang Abril 9 na Araw ng Kagitingan. Naging Hunyo 9 ang Hunyo 12 na Araw ng Kasarinlan. Naging Agosto 18 ang Agosto 21 na Araw ng Pagkamartir ni Ninoy Aquino. At Agosto 25 ang Agosto 31 na Pambansang Araw ng mga Bayani.
Ang ganitong paglilipat ng mga pista-opisyal sa pinakamalapit na Lunes, o ang tinatawag na holiday economics, ay nakaangkla sa Medium-Term Philippine Development Plan (MTPDP) ng administrasyon. Bago pa naging batas ang holiday economics, nagsimula na ito noong 2001 bilang mga administrative order. Layon diumano nitong palakasin ang turismo sa bansa. Dahil dumarating lang ang mga dayuhan sa peak seasons tulad ng summer at Kapaskuhan, mahina ang turismo sa karaniwang mga araw.
Ayon sa National Statistical Coordination Board, katumbas ng 3.5% na pagtaas ng GDP ang malilikom sa turismo dulot ng holiday economics. Kaya’t naglabasan ng holiday packages ang mga airline at shipping companies sa alinmang lugar sa bansa. May promo silang P7,000-10,000 na biyahe papunta’t pabalik sa Cebu, Davao, at iba pang destinasyon.
Gayundin ang ginawa ng mga hotel at resort para makaengganyo ng mga turista. Ayon sa inilabas na ulat ng mga lugar na ito noong 2006, punong-puno ang kanilang accommodations dulot ng holiday economics. At karamihan sa mga ito’y lokal na mga turista. Islogan nga ng Department of Tourism, “Huwag maging dayuhan sa sariling bayan.”
Iminumungkahi ng holiday economics na huwag magpahinga ang tao at lumabas sa kanilang mga bahay, ani Dr. Roland Tolentino ng Congress of Teachers and Educators for Nationalism and Democracy (CONTEND-UP). “Pero, nagke-cater lang ito sa mga middle at upper classes. Dahil sila ang may kakayahang pampinansya na lumibot sa Boracay, Dakak, at iba pang lugar,” dagdag niya.
Dahil hindi lahat ay may kakayahang libutin ang buong Pilipinas, nangeenganyo ang mga mall na dito magpalipas ng oras ang mga tao kapag may 3-day weekend. Hinahatak na mamili’t mamasyal sa mall ang mga tao sa pamamagitan ng mga sale at kung anu-anong promo. Noong Hunyo 9-12, bilang paggunita sa Araw ng Kalayaan, makikita sa SM ang kanilang advertisements na nagsasabing “Exercise your freedom to shop.” Ngunit binabaluktot ng SM ang ibig sabihin ng kalayaan mula sa mga naging mananakop tungo sa kalayaang mamili sa mall.
Dayuhang Pamahalaan
Bukod sa mga empleyado, nawawalan din ng pasok ang mga estudyante tuwing nauurong sa Lunes ang pistaopsiyal. Sa kaso ng UP, ginawa nang rest day o “research break” ang Lunes mula sa Miyerkules upang hindi matamaan ng holiday economics ang mga klase. Puna ni Tolentino, naging hectic ang iskedyul ng mga estudyante. “Imbes na makalahok sila sa mga forum at educational discussions, mas pinipili na nilang gawin ang academics. Kaya nakakahon na ang estudyante sa mga turo sa klasrum,” sabi niya.
Dahil din nalipat sa Lunes ang mga pista-opsiyal, nawawalan ng importansya ang tunay na araw na dapat ay ipinagdiriwang ito. Puna nga ni Dr. Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, na sa Hunyo 12 ang sinasabing pagsilang ng Unang Republika ng Pilipinas — bagay na nakamit ng bansa matapos mapaalis ang mga kolonyalistang Espanyol — pero hindi na ito maalala ng mga tao, lalo na ang mga bata. Hindi naman kasi signipikante ang Hunyo 9 kung ihahambing sa Hunyo 12. Ang nasa isip na lang ng mga tao’y dagdag na araw ito sa kanilang pagpapahinga.
Hindi naman nililipat ng gobyerno ang seremonya sa mga nasabing pista-opisyal. Nagsasagawa pa rin sila ng wreath laying at flag raising sa mga araw na nabanggit. Subalit wala namang ibang nakasasaksi nito maliban sa kanila, dahil karamihan ng mga tao’y nasa trabaho at paaralan na. Bukod pa rito, nalulunod sa mga hungkag na talumpati ang ilan sa mga araw na ito. Matatandaang nangako si Pangulong Arroyo noong Disyembre 30, 2002 na hindi na siya lalahok sa pambansang halalan ng 2004.
Pero hindi laging nagwawagi ang RA 9492 sa paglilipat ng mga pista-opisyal. Tinangka ng gobyernong ilipat sa Abril 28 ang paggunita sa nakaraang Mayo 1, Araw ng Paggawa. Tumutol ang mga grupo ng manggagawa dahil signipikante sa kanila ang araw na iyon. Mamamalas sa holiday economics ang pagpapalabnaw ng gobyerno sa diwa ng mga makasaysayang pista-opisyal.
Lunes ang simula ng mga araw na kumikilos ang tao para sa kanyang kapakinabangan. Titigil siya kapag may araw na mahalagang gumugunita sa pagkakaisa ng kanyang bansa. Dahil nililipat ang mga pista-opisyal sa ibang araw, inuudyok ang tao na gumawa ng ibang bagay bukod sa magpahinga. At ang nangyayari’y ipinalilimot nito sa tao ang kahalagahan ng mga pangyayari sa mga araw na iyon. Sa madaling salita, pinalalabnaw nito ang mga nosyon ng tao sa kasaysayan. Waring nagiging mga simpleng petsa na lang ang mga pambansang alaala—nyutral at pabago-bago. ●
Inilathala sa pahayagan ng Philippine Collegian noong ika-29 ng Agosto 2008.