Tigilan na natin ang pagmamaang-maangan. Ikaw sa pakunwaring pagtatanong ng opinyon ko sa mga bagay, at ako sa pagkakailang di ko pa buko ang motibo mo sa pangungumusta. Tatanungin mo kung ano ang pagtingin ko sa ginagawa mo, at sasabihin kong may mga mas dapat pang unahing pag-usapan. Pero mangungulit ka; ipagpipilitan ang katwiran sa itinutulak mong charter change (cha-cha).
Ang kwento mo, masyadong mahigpit ang Konstitusyon ng Pilipinas kaya hindi malayang makapagnegosyo ang mga mayayamang dayuhan sa bansa. Kumbensido ka na tiyak ang paglago ng ekonomiya kapag naipasa ang cha-cha. Dahil paniwala mo, kung papayagan na higit sa 40 porsyento ang ariin ng mga banyaga sa likas na yaman, lupa, serbisyong pampubliko, midya, edukasyon, at iba pang industriya, makakabangon mula sa epekto ng pandemya ang mga Pilipino.
Ngunit hindi lang naman nakabatay ang pagpasok ng foreign direct investments (FDI) sa higpit o luwag ng bansa pagdating sa mga dayuhang kapital. Sa isang pag-aaral ng Bangko Sentral ng Pilipinas tungkol sa FDI ng Pilipinas at iba pa nitong kalapit na bansa, nakitang higit sa pagbabawas ng buwis sa mga korporasyon at pagluwag ng limitasyon sa kanilang pagpasok, mas malaki ang epekto sa pagpasok ng kapital sa bansa ang pagkakaroon ng paborableng kondisyon sa pagnenegosyo.
Samakatuwid, wala pa ring maaakit na kapital ang Pilipinas hayaan man nating ariin ng mga dayuhan ang mga industriya. Nananatili kasing batbat ng burukratikong proseso ang pagnenegosyo sa bansa, walang sapat na teknolohiya at iba pang kailangang imprastruktura, at higit, mababa ang kalidad ng mga empleyado.
Walang kasiguruhan na uunlad ang mamamayan kung daragsa sa bansa ang mga dayuhang mamumuhunan. Ano pa’t ang bawat mangangalakal ay may isa lang namang pakay: pataasin ang tubo. Sa ganang ito, hindi prayoridad ng mga kumpanyang paunlarin ang ekonomiya ng Pilipinas at mga Pilipino. Bagkus, maaari pang maging salungat sa kapakanan ng mamamayan ang mga kaparaanan nila sa pagkamkam ng kita.
Namuhunan ng bilyon-bilyon sa pagtatayo ng pagawaan ang Intel, para sa kanilang microchip, at ang Hanjin, para sa mga barko, nang pumasok sila sa Pilipinas. Sa kabila nito, bigo pa ring lumikha ng lokal na industriya ang bansa. At nang umalis sila sa Pilipinas, ang iniwan nila ay latak para sa mga manggagawa—kakarampot na sahod, mga pabrikang napabayaan, at kawalan ng trabaho.
Kita sa mga tangka ng pag-amyenda sa Saligang Batas na mas matimbang ang kapakanan ng mga banyaga kaysa mga Pilipino. Mga malalaking transnasyunal na korporasyon ang pinahintulutan magbayad ng mas maliit na buwis at mas madaling pagproseso ng mga papeles. Kasabay nito, nananatiling walang suporta ang mga lokal na prodyuser at maliliit na negosyo. Pinaglilimian mong bigyan ng karapatang mag-ari ng lupa ang mga dayuhan, ngunit hindi ang mga maliliit na magsasakang ilang dekada nang nililinang ang lupain.
Malinaw na hindi para sa ganansya ng ordinaryong Pilipino ang cha-cha. Hindi mo rin naman ikinakaila na hindi lang pang-ekonomikong probisyon ang maaaring mabago kapag nagsimula na ang proseso. Hindi rin isinaad sa itinutulak na reporma kung anong mga parte lang sa konstitusyon ang pwedeng baguhin. Bukod sa pagtanggal ng limitasyon sa dayuhang kapital, malaon na ring itinutulak ang pagpapahaba ng termino ng mga nakaupo sa pwesto, maging pagbabago papuntang sistemang pederalismo ng gobyerno.
Ito ang katotohanan: sa pagpupumilit mong baguhin ang Konstitusyon, binabawi mo ang lahat ng naipanalo ng taumbayan matapos mapatalsik si Ferdinand Marcos Sr. at ang kanyang pamilya. Binabawi ang tagumpay na nagsisigurong walang labis na kapangyarihan ang mga nakaupo, at hindi sa dayuhan at ahente nitong pulitiko konsentrado ang yaman ng bansa. Desidido ang estadong burahin ang lahat ng bakas ng tagumpay laban sa diktador, gayong sa pagpapakalimot dito nagagawang baluktutin ang karahasan at kadiliman ng Batas Militar.
Pero lagi namang iba ang sinasabi mo sa kung anong inaasal mo. Sinasabi ni Marcos Jr. na wala siyang pakialam sa cha-cha dahil kaya naman niyang makapang-akit ng mamumuhunan sa marami niyang state visit. Ngunit wala naman siyang ginagawa para kontrolin ang alyadong kalakhan sa Kongreso na bumoto para baguhin ang Saligang Batas.
Kaya tigilan na natin itong pagmamaang-maangan. Ipilit mo mang baluktutin ang kung anong sarbey para ipakitang gusto ng taumbayan ang cha-cha, o ibahin ang pagbasa sa mga pag-aaral para bigyang katwiran ang iyong pag-amyenda sa Konstitusyon, alam natin parehas ang tunay mong motibo.
Kung totoo mang gusto mong paunlarin ang mamamayan, haharapin mo muna ang batbat na krisis sa bansa. Ang nagtataasang bilihin na humahadlang para makakain nang maayos ang mga nagtatrabaho, nakapapagal na transportasyon na nagpapahirap sa atin makakilos nang may dignidad. Bakit di mo na lang unahin sa listahan ang pagpapanukala sa pagtaas ng sahod, pagbibigay ng suporta sa mga lokal na prodyuser, pagpigil sa mga angkang ginawa nang negosyo ang pamumulitika, at siguruhin na pantay nating pakikinabangan ang yaman ng bansa.
Ito naman ang esensya ng kasalukuyung Konstitusyon, na hindi pa nga buong nagmamateryalisa ay gusto mo nang baguhin.
Alam mo na alam kong marami naman talagang may ayaw sa cha-cha, kaya nga tinatago mo ang tunay mong motibo. At sa lalong papalapit na posibilidad ng cha-cha, alam ko na alam mo ang kayang gawin ng taumbayan sa mga may-kapangyarihang naglalabis, gaya ng nangyari sa mga nakaupo sa pwesto bago mabuo ang kasalukuyang Konstitusyon. ●