Tila paglalakbay sa isang time machine ang karanasang handog ng UP Repertory Company (UP Rep) sa kanilang unang live na pagtatanghal sa entablado mula noong pandemya. Bilang pagdiriwang sa kanilang ika-50 taong pagkakatatag, nagbalik-tanaw ang UP Rep sa ilan sa mga obra maestrang isinadula nila sa nagdaang panahon.
Isang engrandeng tapiseryang teatrikal ang itinanghal ng anim na magkakaibang istorya, mga sipi mula sa mga natatanging eksena sa mga nagdaang dula ng UP Rep na kanilang pinili at pinagsama-sama sa iisang pagtatanghal.
Lahat ng mga dulang ito, bagaman ay mukhang magkakaiba ay may kanya-kanyang kinukuwento na pinag-uugnay ng isang tema: tunggalian at aktibismo. Itinampok sa Ginintuang Repleksyon ang mahabang kasaysayan ng Pilipinas; relihiyon laban sa aktibismo; konserbatibong paniniwala laban sa malayang pamumuhay; ang bayan laban sa mga dayuhang mananakop; kababaihan laban sa patriyarkal na lipunan; mga aktibistang mag-aaral laban sa pamahalaang burgesya; at ang pandemya laban sa masang Pilipino.
Isinangkapan ng UP Rep sa mahabang kasaysayan nila ng pagtatanghal ang teatro bilang paglalahad ng paghihimagsik at tuloy-tuloy na paglaban ng sambayanan sa kabila ng mga krisis at unos sa mga nagdaang panahon.
Unang ibinidang dula ng UP Rep ang obrang “Pagsambang Bayan” na isinulat ni Bonifacio Ilagan noong dekada ‘70, kasagsagan ng malawakang pagkilos laban sa rehimeng Marcos Sr. Mapagmulat ang pagtampok nito sa relasyon ng simbahang Katoliko sa pakikibaka ng mga pesanteng Pilipino. Bagaman bahagi lamang ng dula ang ipinakita ay mahusay pa rin ang pagkakalahad sa kahalagahan ng liberation theology, o ang paggamit sa mga aral ng bibliya upang maiangat ang naaaping sektor.
Sa orihinal na dula ng UP Rep na “Mabini Girls” ay itinampok ang naratibo ng mga kababaihang nagta-trabaho bilang entertainer ng mga Amerikano at kung papaanong sinira ng Kanluraning materyalismo ang moralidad ng Maynila. Ngunit hindi gaanong kahimok-himok ang paglalarawan nito sa banggaan ng mga konserbatibo at liberal na pananaw. Patunay ito sa ilang mga tagpo kung saan bahagyang lumabo ang linya sa pagitan ng pagpuna sa di-makataong institusyon ng prostitusyon at sa di-makatarungang pangmamaliit ng mga babaeng bayaran bilang mga imoral na tao.
Umikot namang ang ikatlong dula na “Teatro ng Bayan” sa karaniwang naratibo ng kolonyalismong Kanluranin sa Pilipinas. Sa halip na simpleng pagsalaysay ng paniniil ng mga banyaga ay mahusay silang gumamit ng mga anti-imperyalistang alegorya. Halimbawa nito ang eksena kung saan sinubukang barilin ng mag-asawang Tanggulan at Karangalan ang uwak na masiba, na simbolo ng pagtaboy ng mga sinaunang Pilipino sa mga Kastila.
Nakakapanindig-balahibo naman ang “Damas de Noche” ni Joi Barrios, isang peministang dula na inilahad ang mga paghihirap ng kababaihan magmula ng panahon ng kolonyalismo. Ipinakita rin sa dula ang kalakasan ng kababaihan at malaya nilang pagpapasya sa sariling katawan. “Kilala ko ang aking katawan at ipinagkakapuri ko ito. Sa bawat dangkal ng katawang ito, ako lamang ang magpapasya.” Mas naging makapangyarihan ang mensaheng ito dahil sa kanilang pagsambit nito habang umiikot sa isang bilog, mistulang mga babaylan na nagsasagawa ng isang ritwal. Malikhain itong paraan upang ilahad sa mga manonood ang progresibong panawagan ng peminismo.
Matapos ang kahanga-hangang pagganap ng mga kababaihan ay sinundan ito ng dulang “Lean” ni Gary Granada. Kuwento ito ng dating aktibista ng UP na si Lean Alejandro at ang mga pagsubok sa aktibismo ng mga kabataan mula noong rehimeng Marcos Sr. hanggang sa mga administrasyong matapos ang EDSA. Maaari pang mapabuti ang pagpapakita ng tema dito. Ngunit makapukaw-isip ang pagpapakita nila kung reporma ba o rebolusyon ang pinakamainam na paraan tungo sa radikal na pagbabago. Inilahad sa dulo ng dula na hindi lamang ito kuwento ni Lean, kung hindi ay kuwento rin ng lahat ng mga aktibistang hindi pa rin napapagod na makibaka hanggang sa kasalukuyan.
Panghuli ay ang “Frontliner” ni Edward Perez na tungkol sa mga karanasan ni Boni Ilagan habang naka-confine na ospital dahil sa COVID-19; at kung bakit sa gitna ng isang pandaigdigang krisis pangkalusugan ay tuloy ang laban sa mga tiwaling opisyal na sumasamantala sa sitwasyon. Sa pamamagitan ng pagpapakita ng palitan ng kuro-kuro sa pagitan ng pasyente at nars ay nailahad nila na ang paglaban sa COVID ay politikal. Nakakatuwa rin ang ipinamalas na kasanayan sa pag-arte ni Boni Ilagan, sapagkat sa personal na pagkakakilala ko sa kaniya ay lingid sa aking kaalaman ang kaniyang talento sa teatro. Kung mayroon siyang angking galing sa pagsulat ng dula ay hindi rin kataka-takang may ibubuga rin siya sa entablado.
Kahanga-hanga ang dedikasyon ng UP Rep sa kanilang pagganap ng sari-saring karakter sa mga magkakaibang eksena. Sinubok at ibinida ng Ginintuang Repleksyon ang kanilang taglay na kasanayan, kakayahan, at talento, kung saan sila ay mistulang nagiging ibang tao sa bawat pagpalit ng kanilang kuwento.
Ipinapakita rin ng pagtatanghal na ito ang kasaysayan ng pag-usbong at ebolusyon ng teatrong rebolusyonaryo na pinasikat ng UP Rep. Itinatag ang naturang organisasyon bilang tugon sa Batas Militar ni Marcos Sr. noong 1972 upang magsilbing paraan ng pagkontra sa inhustisya sa pamamagitan ng sining sa kabila ng peligro na mapagbintangan ng subersyon.
Masasabing dalawa ang kahulugan ng salitang repleksyon sa kalipunan ng mga dulang ito: sa konteksto ng salamin at pagmumuni-muni. Tumingin tayong mga Pilipino sa ating salamin at tanungin ang sarili, “Ano ba ang natutunan natin sa ating nakaraan? Saan ba tayo patungo? Bakit tila walang nangyayaring tunay na pagbabago?” Sa repleksyong nakikita natin ay dapat nating pagnilayan ang ating mga sagot.
Bilang ika-50 anibersaryo rin ng deklarasyon ng Batas Militar noong ginanap ang pagtatanghal at bumalik na ang pinakakontrobersyal na pamilya sa kasaysayan ng bansa, mahalaga ang mensahe ng dulang ito na ang laban para sa tunay na kalayaan at pagkakapantay-pantay ay perpetwal. Nararapat din na magpatuloy ang ating kagustuhan na mapabuti ang kalagayan ng lipunang Pilipino sa pamamagitan ng pagsulong ng mga radikal na pagbabago. Mabagal man ang progreso ay magpapatuloy lamang ang pagsulong kung hindi tayo titigil sa pagsasalita at pagkilos, at nawa’y makita iyon lahat ng mga Pilipino sa kanilang mga repleksyon. ●