Itinuturo sa bawat Kristiyano ang pangaral na tumalima sa mga utos ng Panginoon, siyang alituntuning tangan ng lahat sa araw-araw na buhay. Sandigan natin sa mahabang panahon ang katuruan ng simbahan, na nagsisilbing gabay sa ating pag-iral sa mundo.
Ngunit may aral ding mapupulot sa pagtalikod ng Simbahang Katoliko noong Marso sa bisa ng Doktrina ng Pagkatuklas—na ayon sa mga katutubo sa Hilagang Amerika ay paniwalang nagbigay-katwiran sa mga dayuhan na kamkamin ang mga lupang ninuno. Sa pagtakwil sa gayong daantaong doktrina, muling umugong ang pag-uudyok sa Simbahang Katoliko na balikan ang Salita ng Diyos.
Sabay sa nasabing pagbabago sa pagbasa’t pagkilos ng simbahan, kaakibat ang pangangailangan na talikdan ang mga lipas nang kaugalian na kumikiling lamang sa panghahamak ng kapwa. Gamit ang muling pagtataya sa isinaling interpretasyon ng Bibliya, posibleng isulong ang pananampalatayang makakapagpalaya sa mga inaaping uri.
Basbas ng Krus
Matagal nang magkasangga sa kapangyarihan ang pamahalaan at simbahan. Sa pagbagsak ng Imperyong Romano at sa paglugmok ng lipunang Europeo, lumaganap ang espiritwal at pulitikal na impluwensya ng Kristiyanismo. Pumatong pa rito ang paglagda sa papel ng Doktrina ng Pagkatuklas sa bisa ng “papal bull,” o kautusan ng santo papa sa pananakop ng mga dayuhang Espanyol at Portuges.
Saad sa doktrina na anumang lupaing madiskubre ng mga dayuhan, nakatiwangwang man o hindi, ay maaari nilang angkinin para sa kanilang sarili. Isa ang mga doktrinang ito sa nagbigay-katwiran sa Portugal at Espanya upang mapanatiling nasa kanilang pag-aari ang mga sinakop na lupain mula sa kalahati ng ika-15 hanggang ika-18 siglo. Paglaon, ang Doktrina ng Pagkatuklas ay kinasangkapan din ng Estados Unidos (US) sa pag-okupa ng ibayong bayan.
Magpahanggang sa kontemporaryong panahon ay nanatili ang bisa ng mga doktrinang ito. Bagaman itinatanggi ito ng Simbahang Katoliko sa kadahilanang hindi na umano ito angkop sa kasalukuyang panahon, ito ang iniharap ng US at Canada sa kanilang hukuman bilang panangga sa mga kasong isinasampa ng mga katutubo.
Dagdag pa rito, nagsisilbing instrumento ang proteksyon ng Doktrina ng Pagkatuklas sa mga korporasyon ng pagmimina at pagtotroso upang maging legal ang pagpapaalis ng mga kumpanya sa mga katutubo sa kanilang lupang ninuno, ayon sa ulat ng Assembly of First Nations noong 2018.
Halimbawa na lamang ang kaso ng Oneida Indian Nation sa korte ng US noong 2005. Bagaman may sapat na ebidensya upang paboran ang mga katutubo, ang paggamit ng Korte Suprema ng US sa doktrina ang nagpatalo sa petisyon nila upang bawiin ang kanilang lupang ninuno sa New York City.
Pruweba ang patuloy na paggamit ng estado sa Doktrina ng Pagkatuklas na nananatiling pagkamal ng kita ang motibasyon sa pangangamkam ng lupang ninuno, ayon kay Asafa Jalata, isang propesor ng sosyolohiya sa US.
Sa lipunang laganap ang dominanteng katuruan ng simbahan at estado, patuloy na minamaliit ang kairalan ng mga katutubo, saad ni Jalata. Kaya maging ang epekto nito ay mababakas sa Pilipinas.
Rosaryo at Plakard
Sa bisa naman ng Doktrinang Regalyan, pinapaniwalaang lahat ng mga teritoryong sinakop ng mga Kastila noon ay pribadong pag-aari ng hari ng Espanya. Ang mga lupaing ito ay kalaunang inangkin ng mga Amerikano sa kanilang pananakop sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, nananatiling walang sariling titulo ang mga lupang ninuno ng mga katutubo sa Pilipinas. Noong 2020, kabilang ang bansa sa may pinakamataas na bilang ng pagpatay sa mga katutubo at indigenous rights advocate. Gayunman, patuloy ang pakikipagtunggali ng mga katutubo sa inhustisyang kanilang nararanasan—kasangga ang ilang progresibong organisasyon na panrelihiyon.
Sa siyam na alay-lakad ng 300 katutubong Dumagat bilang pagkundena sa itinatayong Kaliwa Dam sa probinsya ng Quezon, isa ang Rural Missionaries of the Philippines sa nakiisa kasama ng mga katutubo. Noong 2018, nagpahayag din ng pagsalungat sa proyektong dam ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Kaiba sa giya ng estado, punla ng Kristiyanismo ang aktibismong nakikibahagi sa proseso ng pagsusulong ng mga panlipunang pagbabago, ayon kay Padre Gustavo Gutiérrez. Sa ganitong lente ng pagtingin sa pananampalataya, ganap na nagagapi sa sistematikong pang-aabuso sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Pananalig sa Pagbabago
Hakbang pasulong ang pagbawi ng Simbahang Katolika sa Doktrina ng Pagkatuklas, lalo na’t maaari nitong pahinain ang bisa nito sa mga korte.
Sa pagkamit ng tatlong lebel ng kalayaan ng liberation theology, unang hakbang ang pagkalag sa kadena ng panlipunang pananamantala, saad ni Gutiérrez. Mula rito, magkakaroon ng paglaya mula sa mga maling paniwala ang kapasyahan ng isang tao. Dahil ang pananampalataya ay nakatali sa pagkilos ng tao, mahalagang idiin na kakabit ng pananalig ang adbokasya para sa panlipunang pagbabago.
Isa ang relihiyon sa gabay natin sa pagtitimbang ng kawastuhan ng mundo, tulad ng palaging pangaral tuwing misa. Kaakibat nito ang pagkakaroon ng pakialam sa mga sistemang pahirap sa lipunan. Kinikilala, sa gayon, ng mapagpalayang pananampalataya ang rebolusyonaryong pangangailangan patungo sa paglaya mula sa pang-aapi ng kapwa.
Hindi lamang nagtatapos ang mga pangaral sa simbahan sa pagpapabuti ng sariling konsensya. Mababakas ito sa ating pagtindig kasama ng mga biktima ng inhustisya, partikular ang mga katutubong nawalan ng kanilang sariling tahanan. Dahil tungkulin ng kahit sinong Kristiyano na tularan si Hesus upang iusad ang pagbabago sa mapagmalupit na lipunan. ●