Maraming naitalang kakatwang kaganapan sa bansa ngayong taon—mula pagputok at pag-alburoto ng mga bulkan hanggang sa iba pang sakunang hindi natin kontrolado. Bilang ang mga natural na delubyo ay nilalangkapan ng siyentipikong paliwanag pagkatapos nito, ang sanhi ay madalas nating ikinakawing sa mga tulad ng ‘paghihiganti ng kalangitan’ o di kaya’y ‘kaka-share mo yan ng remix ng dasal.’
Maraming kabataan sa social media ang naaaliw sa Ama Namin Remix, at iba pang awiting simbahang nilangkapan ng tonong hiphop o lofi. Ngunit bilang ang Pilipinas ang natatanging kristyanong bansa sa Timong-Silangang Asya, hindi pinalampas ng mga relihiyoso ang pagpuna sa nasabing tugtugin.
Nakitaan ang remix ng kawalang respeto sa maylikha at nagmistulang atake ito sa mga mananampalataya. Gayunman, hindi lang ito basta masisipat sa kawalanghiyaan at kawalang-respeto; binabagtas nito ang malaon nang atrasadong kulturang dulot hindi lamang ng sistematikong pagpihit ng lipunan, kundi maging ng pagpurol ng pagpapaunlad ng porma at nilalaman.
Sambahin Ang Ngalan Mo
Maging sa bibliya mismo, hindi iisa ang bersyon ng pamosong dasal sa ebanghelyo ng mga apostol. Minsan na rin itong ginamit ng mga propagandista sa Pilipinas upang magmulat laban sa kasakiman ng mga prayle.
Sa Bagong Tipan, mayroong dalawang bersyon ang Ama Namin: Una, bahagi ito ng diskusyon na naganap sa kabundukan na makikita sa Mateo, habang ang ikalawa naman ay ang hiling ng isang disipulo ni Hesus na maturuan silang magdasal, na nasa librong Lukas naman.
Sa dalawang bersyon ng Panalangin ng Panginoon sa bibliya, tinurol ni Mateo na matutugunan lamang ang mga materyal na pangangailangan kung uunahin ang pagsamba sa Diyos. Banggit naman sa ebanghelyo ni Lukas na ang paghingi ng makakain sa araw-araw ay hindi lamang limitado sa mga materyal na bagay.
Noong 1888, kasagsagan ng pananakop ng Espanya sa bansa, mayroong katawa-tawang bersyon ng Ama Namin na mababasa sa Dasalan at Tocsohan—koleksyon ng mga dasal na isinulat ni Marcelo H. Del Pilar. Lihim itong ipinamigay nina Del Pilar sa mga taong nagsisimba; dahil dito, naging mahalaga ang gampanin ng sining at literatura upang itaas ang antas ng mga nalalaman ng mamamayan ukol sa pananamantala ng mga prayle.
Noong panahon naman ng kolonisasyon ng mga Amerikano, salimbayan ang paggamit ng mga Amerikano sa edukasyon at dahas upang sakupin ang Pilipinas. Mula rito, mas umigting pa ang paggawa ng mga propaganda upang makaalpas mula sa kamay ng mga mananakop.
Walang pag-aalinlangang niyakap ng mamamayan ang Dasalan at Tocsohan. Napaigting nito ang kamulatan at napakilos ang mamamayan dahil inuuyam nito ang relihiyon bilang instrumento ng mga kolonisador sa pananamantala, baguhin ang tradisyon ng bansa at tuluyang mangamkam. Patunay lamang na masidhi at matagumpay na naisalaysay ang mga kaganapan sa lipunan gamit ang satiriko.
Sundin Ang Loob Mo
Sa usapang eksaherasyon at panunuya, hindi nagkakalayo ang Ama Namin Remix at Ama Namin sa Dasalan at Tocsohan. Maraming relihiyosong Pilipino ang nadismaya nang mailabas ang Ama Namin Remix dahil hindi umano nito inirerespeto ang mga paniniwala ng mga Kristiyano.
Binubulabog ng Ama Namin Remix sa pamamagitan ng satirikal at mala-hiphop nitong tono silang nagnanais maging “in” sa kulturang lumalaganap sa kasalukuyan. Pagkat malaon nang itinuturing ng henerasyon ngayon ang dinaranas ng mga inaapi bilang katatawanan, lumalabnaw ang tingin ng karamihan sa mga isyung karapat-dapat na bigyang-pansin at pag-usapan.
Nabigyan ng sobrang kalayaan ang paggawa ng ganitong uri ng awitin—naririnig mismo mula sa bibig ng presidente na binabastos ang Diyos at iniinsulto ang mga mananampalataya. Naging delikado ang pag-usbong ng Ama Namin Remix higit lalo nang inilabas ito ngayong kasagsagan ng pandemya—kung kailan kabi-kabilang karahasan at inhustisya ang ipinalalaganap ng administrasyon.
Sa kabuuan, iba’t ibang relihiyon ang hindi nakaligtas sa pang-iinsulto at nagiging banta ito sa buhay ng mga nananampalataya. Nawawalan ng pagpapahalaga ang kasalukuyang henerasyon dahil lingid sa kanilang kaalaman ang bigat at dahas na dinaranas ng mga nananampalataya sa kamay ng mga nananamantala.
Marami ang nakararanas ng pang-aabuso at pamamaslang dahil sa pananampalataya. Kung babagtasin at magpapakain ang mga dominante sa kadiliman ng makabagong henerasyon, maaari nitong mapawalang-bisa ang paghihirap ng mga minoryang matagal nang lumalaban upang makamtan ang hustisya at kalayaan.
Umusbong ang ganitong mga uri ng hindi kanais-nais na katatawanan dahil na rin sa epekto ng kasalakuyang klimang pulitikal. Kadalasan, ang mga kasalukuyang kaganapan ang siyang pinaghalawan ng mga nilalaman nito. Nagkakaiba ang reaksyon ng mamamayang nakakakita, nakababasa o nakaririnig ng mga katatawanang dahil sa paraan ng pag-presenta at ng mga nahinuhang layunin ng mga ito.
Bukod dito, nagkakaiba rin ang reaksyon ng mamamayan dulot ng hindi pagkakapantay-pantay at karahasang lumalaganap sa lipunan. Kasabay ng pagyakap sa opensibang kulturang ito ay ang pagpapalawig nito sa opresyon maging sa iba pang porma ng pandarahas. Maaari itong madala hanggang sa susunod pang henerasyon kahit pilit pang lumalaban upang iwaksi ang hatian sa lipunan.
Kapangyarihan at Kapurihan
Base sa suri ni Allice Guillermo, historyador sa larangan ng sining, ang bawat likha ay umuugnay sa materyal, paksa, tema, interes, isyu at ideolohiya sa kasulukuyang kalagayan ng lipunan. Dahil tayo ay kabilang sa makabagong henerasyon, pumapatok ang mga banal na awitin sa porma ng “rock” at “pop” “lo-fi” o “hiphop.”
Upang mapanatili at mapabatid ang mga kaganapan sa kasaysayan, marapat na tukuyin ang pagkakaiba-iba ng mga likhang sining, banggit ni Guillermo. Mula sa elemento, porma, kabatirang-pangmadla, pamamaraan at estilo sa pagkakalahad ng isang likha; tasahin ang kahulugan ng mga materyal o simbolismong gagamitin upang matagumpay na maihatid ang mga mensaheng nais sabihin.
Malaman, mapagmulat at mapagpalaya ang sining. Iba’t ibang porma ng sining ang naililikha at nakadepende ito sa lagay ng lipunan. Ang pinakalayunin ng mga tradisyunal na manlilikha ng sining ay matugunan ang kasalukuyang pangangailangang pangkultura sa isang bansa.
Kasabay ng pagbabago ng porma ng sining ay ang pagbabago ng konteksto at ng pinaglalaanan nito. Mas magiging madali ang pagbibigay-pansin sa tradisyunal na kulturang pinaghalawan ng modernisadong likhang-sining kung mabibigyan ng pagkakataon na maisalin ang mga ito sa makabago at napapanahong anyo.
Hindi nagtatapos sa pagpreserba ng makabagong porma o estilo ng pagpepresenta sa tradisyunal na likhang-sining. Upang mapanatili ang tradisyunal na pagkakakilanlan ng mga bagay, itinuturing na katuwang ang mga museo, lalo kung makikipamuhay habang nag-aaral kasama ang mga katutubo at miyembro ng iba’t ibang pangkat etniko, at pambansang minorya.
Upang makasabay sa pagbabago ng kultura, kailangang isaalang-alang ang pag-aaral at pag-intindi sa konteksto ng tradisyunal o orihinal na gawang nais paghalawan. Hindi dapat inihihiwalay ang mga karahasang dinanas ng sinaunang henerasyon dahil ito ang magsisilbing gabay sa mga elementong maaaring maging gamitin sa pag-modernisa ng isang likhang-sining.
Mapagtatagumpayan ang pagpapanatili sa nilalaman ng kasaysayan at pagtulong sa pagpapataas ng antas ng kamulatan ng mamamayan, kung sisimulan ito sa pagsusuri ng lagay ng lipunan noon at ngayon. Malaki ang posibilidad na maging kaagapay ng mamamayang inaapi ang mga modernisadong likhang sining. Makatutulong din ito upang mapalakas pa ang matagal ng mga panawagan ng mamamayan. ●
Unang inilathala noong Agosto 25, 2020.