Mahirap paniwalaan ang mga pangako kung taliwas ang salita sa kinikilos. Kung kaya hindi maaasahan ang pangakong pag-unlad ni Marcos gayong ang itinalaga niya sa posisyon ay mga taong walang kapasidad na tumugon sa isyu ng iba’t ibang sektor.
Matapos ang halos isang taong pagkakabakante, itinalaga ni Marcos ang kontroberysal na si Teodoro Herbosa, dating undersecretary ng Department of Health, bilang kalihim ng kagawaran. Kaalinsabay nito ang pagbabalik ni Gilbert Teodoro bilang kalihim ng Department of National Defense, na kanya rin pinanungahan sa ilalim ng madugong termino ni Gloria Arroyo. Itinalaga rin si Larry Gadon, na kamakailang tinanggalan ng lisensya bilang abogado, bilang Presidential Adviser for Poverty Alleviation.
Malaking salik ang pagkakaroon ng isang gobyernong may malinaw na landas sa nais nitong tahakin upang maging epektibo ang pamamahala ng mga nauupo sa pwesto, ayon sa pag-aaral ni Raul De Guzman at Ma. Aurora Carbonell. Mahalagang konsepto ang “merit and fitness” sa mga itinitalaga sa gabinete kung saan lahat ng nagsisilbi sa gobyerno ay umaayon sa partikular na pamantayan—napatunayan na dapat ang kanilang kaalaman at kapasidad upang tumugon sa pangangailangan ng kanilang posisyon.
Ngunit kita sa mga kamakailang pagtatalaga sa gabinete ang paglihis ng administrasyon sa landas ng kaunlarang nais nitong tahakin.
Lumikha ng maraming kontrobersiya si Herbosa nang maupo siya bilang special adviser sa task force ng pamahalaan kontra COVID-19. Halimbawa ang paglalathala niya ng maling impormasyon tungkol sa pagkalat ng COVID na pinabulaanan mismo ng DOH at ng mga dayuhang eksperto. At maging noong nagsilbi bilang kawani ng DOH sa termino ni Aquino, pinaburan na ni Herbosa ang pribatisasyon ng pampublikong Philippine Orthopedic Center. Kita sa mga aksyon ni Herbosa na taliwas siya sa kahingian ng kanyang posisyon na magbigay ng abot-kayang programang nakabatay sa siyensiya at epektibong pamamahala sa sistema ng kalusugan.
Palaisipan din ang pagkakatalaga kay Gadon lalo pa’t wala sa kanyang propesyon o karanasan ang nagtatatag ng kanyang kredibilidad sa pagresolba sa kahirapan. Mas nakilala pa si Gadon sa lantaran niyang pang-iinsulto sa mga Muslim, kababaihan, mamamahayag, at kapwa pulitiko.
‘Pagkat malayo sa inaasahang serbisyo ang binibigay ng mga itinalaga ni Marcos, gayundin ang lalong paghihirap ng taumbayang dapat na nakikinibang dito. Higit, kita ang pag-orkestra ng gobyerno upang atakihin ang mamamayan.
Taliwas na sa siyensya, lantaran rin ang pagkamuhi ni Herbosa sa mga manggagawang medikal na nangangalampag para sa akmang benepisyo at sahod. Aniya’y hindi dapat kilalaning bayani ang mga nagproprotestang nars at doktor. Kinikilala rin si Teodoro na responsable sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa ngalan ng kontrainsurhensiya ni Arroyo.
Maging ang kasalukuyang oryentasyon ng Kagawaran ng Edukasyon sa pamumuno ni Sara Duterte ay malayo sa kahingian ng mga estudyante’t guro. Bukod sa kakulangan ng maayos na reporma upang resolbahin ang krisis sa edukasyon, at bilyon-bilyong confidential fund, patuloy na lumalala ang red-tagging sa hanay ng mga unyon ng mga guro tulad ng Alliance for Concerned Teachers. Malinaw sa pag-upo ni Duterte bilang vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict ang tunay na prayoridad ng administrasyon: Patahimikin ang mga gurong lumalaban para sa karapatan, gawing baog ang edukasyon upang pigilang maging kritikal ang mga estudyante.
Katuwang ng administrasyon ang mga ahensya at kagawaran nito sa pagpapatakbo ng bansa at pagsisigurong lapat ang mga programa at palisiyang ipinapatupad ng gobyerno sa pangangailangan ng taumbayan. Kung kaya hindi na nakapagtatakang patuloy ang paghihirap ng bayan dahil sa hindi malinaw na landas na nais tahakin ng administrasyon at sa pinamumunuang ahensya ng gabinete.
Sa pagkakataong hindi na naisasakatuparan ng mga may-kapangyarihan ang kanilang mandatong magsilbi sa bayan, higit na esensyal na isaalang-alang muli ni Marcos ang pagpili sa kanyang gabinete. Dahil ang pananatili ng mga maling tao sa pwesto ay nangangahulugan lamang ng lalong paghihirap ng nakararaming hindi natatamasa ang kinakailangan nilang serbisyo.
Ang pagresolba sa mga isyu ng bansa ay maaaring magsimula sa pagkakaroon ng mga lider na tunay na maglilingkod sa interes ng taumbayan. Kung mananatiling walang ginagawang pagbabago ang mga nakaupo, magpapasyang magbigkis ang nakararami upang kunin sa mga sarili nilang kamay ang marapat na nilang matamasa. ●