Nalalapit na ang pagsara ng ikasandaang taon ng Philippine Collegian at sa puntong ito, mahalagang balikan ang dahilan kung bakit tayo naririto bilang pagbibigay diin sa paninindigan nating ipagpatuloy ang radikal at mapanuring tradisyon ng pamamahayag.
Matapos ang halos tatlong taong pagkakahiwa-hiwalay at pagsasarili, muling nagbalik ang kalakhan ng mga estudyante sa pamantasan. Unti-unti na ring sumisigla ang mga silid at espasyo ng UP. Maging ang opisina ng Kulê ay bumalik na sa pisikal na presswork at mga pagpupulong.
Ngunit hindi maipagkakailang hindi pa lubusang nanunumbalik ang kasikhayan ng dating Kulê bunsod ng kahirapan sa paggaod sa dating operasyon ng publikasyon. Hanggang ngayon, pasan pa rin ng Kulê ang kahirapang dulot ng mga nagdaang krisis: maraming mga kasaping kailangang umalis buhat ng mga materyal na kahingian, ang sanga-sangang disposisyon sa pag-aaral, pamilya, pinansya, at pangkalusugan.
Mahalagang mabatid na umiiral ang lumalalang kondisyong ito sa ibang mga pangkampus na pahayagan, at maging sa mga organisasyon sa UP. Buhat ng mga sunud-sunod na mapanghamak na pagpapasya ng nagdaan at kasalukuyang administrasyon sa pamamahala ng bansa–ang kapalpakan ng parehong rehimeng Duterte at Marcos na tugunan ang krisis ng ekonomiya at kalusugan–natulak ang karamihan sa atin na mangamba; mangapa nang mag-isa sa kawalang-tiyakan ng panahon.
Ngunit tulad ng sinabi ng nakaraang patnugutan: ang krisis ay nagsisiwalat at nagluluwal ng pagbalikwas. Mula sa mga kahirapang ito, lumilinaw sa atin ang pangangailangan na kumilos—nang magkakasama, nang may mahigpit na tiwala at pagsandig sa posibilidad ng panlipunang pagbabago.
Muling tinatawag ng panahon ang ating pagbabago at patuloy na pagbangon bilang pahayagan, di lamang para sa komunidad ng UP kundi pati na rin para sa mga malawak na hanay ng sektor na ating pinagsisilbihan. Magsisimula ang publikasyon sa pagkilala sa kung anong mga naratibo ang mas matimbang; lilinawin ang dahilan ng ating pagsusulat, pagdidibuho, pag-aanyo, at paglilitrato; iintindihin kung bakit pinili nating makialam at magmulat.
Muling ididiin ng Kulê ang paninindigan nitong itaguyod ang alternatibong uri ng pamamahayag: ang buong tapang na pagbabalikwas sa nakasanayan at ang walang paumanhing pagpapanig sa mga estudyante at sektor na inaapi. Itatakwil nito ang ilusyon ng obhetismo ng peryodismo o pagpapagitna sa mga usapin. Tutuligsain nito ang mga pandarahas at pang-aabuso ng estado. Sisiguruhin ng bagong Kulê ang pagpapatuloy ng radikal na tradisyon ng pamamahayag—na nagsisilbi sa sektor ng kabataan, kababaihan, manggagawa, magsasaka, at iba pang inaapi.
Kahingian ang ganitong prinsipyadong pagtindig—higit lalo ngayong aktibong nanlilinlang ang estado upang mairatsada ang mga palisiyang walang ibang dulot kundi kapahamakan sa buhay ng ordinaryong Pilipino at kaginhawaan para sa mga maykapangyarihang iilan. Ngayong naitulak na ng estado ang Maharlika Investment Fund, at patuloy na itinutulak ang iba pang mga iskemang nagpoposturang para sa ikabubuti ng buhay ng nakararami, marapat tapatan at basagin ang mga panlilinlang na ito ng puspusang paglalathala ng mga artikulong isinisiwalat ang katotohanan.
Tatalab ang pagpapalabas ng mga artikulo’t dibuho kung naisisigurong tatagos ang mga ito sa iba’t ibang espasyo at mababasa ng mga estudyante, guro, kawani, manininda, at drayber sa lalong madaling panahon. Upang matupad ito, liban pa sa pagpapaunlad ng nasimulang platapormang digital ng mga nagdaang patnugutan, babalik sa pag-iimprenta ng lingguhang tabloid ang Kulê.
Pag-alpas mula sa kinagisnan at pag-aayon sa hinihingi ng kondisyon ang pagsuong muli ng Kulê sa lingguhang publikasyon. Ngayong may kakayahan nang bumalik sa pisikal na presswork ang mga kasapi nito, kaya na ring igaod ng pahayagan ang lingguhang operasyon ng pagpapalabas ng dyaryo. Pagsisiguro ito ng ating presensya sa mga pisikal na espasyo. Pagsisiguro ito na ang dyaryong bitbit ng mga mambabasa ay lagi’t laging nagpapatambol ng mga isyung kasalukuyang dumadaluyong sa lipunan–ito ang dyaryo ng Kulê.
Dahil malaki ang inaasahan mula sa Kulê, marapat lang na ialay ng pahayagan ang serbisyo nito higit pa sa sapat. Sa panahon ng disimpormasyon at patuloy na pag-atake, lalo na sa mga karapatan ng mga estudyante’t mamamahayag, hindi na lamang simpleng tagapagtala’t tagapag-ulat ng mga pangyayari ang pahayagan. Bagkus, aktibo itong kikilos at sasama sa mga kampanya at laban ng mamamayan.
Kung tutuusin, ano pa ba dapat ang gampanin nitong institusyong nabubuhay mula sa mga naratibo ng pakikibaka ng mamamayan, kundi ang magiging kasangkot sa paglikha ng kasaysayan at sa pagpanday ng kinabukasan ng bansa? Kaya ngayong taon, igigiit ng Kulê ang paninindigan nitong ipagpatuloy ang radikal na tradisyon ng pamamahayag; sapagkat ito ang dahilan kung bakit tayo naririto.●
Talumpati ng pagtatanggap ng tungkulin bilang susunod na punong patnugot ng Philippine Collegian. Ipinahayag sa Turnover Ceremony noong ika-01 ng Agosto 2023, Student Union Building, UP Diliman.