Sa pakikipagtuos ng mamamayan sa mga pwersang patuloy ang panggigipit sa karapatan at kalayaan, tatanganan ng Kulê ang gampaning maging radikal at mapanuri.
Sa muling pagbubukas ng akademikong taon sa UP, sasalubong sa mga iskolar ng bayan ang mga salabid na isyung matagal nang suliranin ng pamantasan. Hanggang ngayon, ipinagkakait ng gobyerno ang nararapat na subsidyo para sa pamantasang nag-aanak ng mga problema tulad ng kakulangan sa mga klase at permanenteng posisyon, at akmang benepisyo sa mga kawani at manggagawa.
Nakaambang aabot sa P2.9 bilyon ang kaltas sa pondo ng UP sa susunod na taon, ayon sa panukalang badyet ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Sa ganitong lagay, manganganib na mawalan ng suporta ang mga programa at proyekto ng pamantasan, lalo na ang pagpapatayo ng mga kinakailangang pasilidad tulad ng mga dormitoryo at pabahay sa mga kawani.
Buhat ng pagtalikod ng gobyerno sa responsibilidad nito sa edukasyon, ginagawang katwiran ng administrasyon ng UP ang kakulangan ng pondo upang ipihit ang oryentasyon ng pamantasan palayo sa mandato nitong magsilbi sa mamamayan.
Pumapasok ang UP sa mga pribadong proyekto, at nilalako ang mga lupain nito sa mga negosyante. Kabalintunaan ding maituturing ang pagtawag sa Student Union Building bilang espasyo ng mga mag-aaral kung kalakhan ng mga silid ay inilaan para sa mga opisina ng UP.
Mananatili ang paninindigan ng pahayagan na ang tugon sa kakulangan ng pondo ay hindi pagtalikod sa pampublikong karakter ng pamantasan. Bagkus, ang solusyon ay patuloy na singilin ang pamahalaan para sa nararapat na subsidyo, at panindigan ang katungkulan nitong itaguyod ang karapatan sa edukasyon. ‘Pagkat nakatali ang mga isyu sa loob ng pamantasan sa mga pambansang suliranin, hinihingi sa atin na makialam at kumilos laban sa katiwalian at mga kontra-mamamayang palisiya ng administrasyong Marcos.
Sa pamamahalang ipinamamarali ni Marcos, lalo lamang nasasadlak sa walang humpay na paghihikahos at karahasan ang mamamayan. Sa kanyang pagratsada sa Maharlika Investment Fund, pagtutulak na maipasa ang Mandatory Reserve Officers Training Corps sa gitna ng krisis sa edukasyon, paglalaan ng labis na pondo para sa confidential at intelligence funds sa kabila ng kuripot na suporta sa mga serbisyong panlipunan, at pagpapahintulot sa mga kaso ng pandarahas at pagpatay, tuwiran ang panggigipit at pambubusabos ng administrasyon sa ating buhay at karapatan.
Layon ni Marcos sa mga palisiya nito na lumikha ng kondisyong makapagpapanatili ng kanyang kapit sa kapangyarihan. Upang itaguyod ang ganitong ambisyon, pandarahas ang kanyang tugon sa mamamayang tumututol—patuloy ang pan-re-red-tag, pamamaslang, at pandurukot sa mga inosente. Maging ang mga estudyante ng pamantasan ay pilit na sinisindak ng estado sa pamamagitan ng panghihimasok ng mga militar at kapulisan sa mga kampus. Nitong taon lamang, higit 60 kaso ng panghihimasok sa UP ang naitala ng Defend UP Network.
Sa harap ng tumitinding represyon sa ating mga espasyong ginagalawan, higit na kinakailangan ang kolektibong pagbalikwas. Hamong tatanganan ng Kulê ang paglikha ng balangkas na makapagpapamulat at makapagpapakilos ayon sa kahingian ng mamamayang tagapaglimbag nito. Idiriin ng Kulê ang radikal na tradisyon ng pamamahayag—mananatiling matalas ang pagsusuri at walang pasubaling pumapanig sa interes ng mga estudyante at batayang sektor ng lipunan.
Sapagkat kahingian ang puspusang paglalathala upang tapatan ang mga panlilinlang at atake, panghahawakan ng Kulê ngayon ang hamon na tiyaking naipapaabot ang mga ulat nito sa kamay ng mga mambabasa sa lalong madaling panahon. Kung gayon, susuong muli ang pahayagan sa lingguhang paglalathala ngayong taon.
Dahil may mga naratibong kailangang iulat nang kagyat, marapat lang lalong palawakin ng pahayagan ang presensya nito sa mga pisikal na espasyo—kung saan naroroon ang mga mambabasang estudyante, manininda, at drayber. Pagtitiyak ito ng Kulê na ang dyaryong laging bitbit ng mga mambabasa ay nagsisilbing lunsaran ng mga boses ng kabataan, kababaihan, manggagawa, magsasaka, at iba pang inaapi.
Ang ganitong pagsisikap ay tungo sa pagpupukaw ng damdamin para bumalikwas at makipagtunggali—tungo sa paghubog ng kolektibong lakas ng mamamayan na wawasak sa tagibang na kasalukuyang kaayusan. Ito ang babalang bitbit para sa mga nagkakait ng ating kalayaan at karapatan. Ito ang prinsipyadong tindig ng Kulê. ●