Saksi ang mga jeep sa bawat milyang tinatahak ng mga iskolar sa loob ng UP. Mula sa pag-abot ng bayad at sukli, pag-ulit ng sigaw na "para" sa drayber na hindi nakarinig, hanggang sa pagmumuni habang nakikinig sa musika, parte ito ng ating byahe. Nandyan ang dagliang pagrereview para sa long exam, saglit na pakikipagdaldalan sa kasabay na kaklase, at kung palarin, makatabi ang crush mula sa ibang kurso o programa. Patunay ito na bahagi ng araw-araw na pamumuhay ng mga estudyante ang mga jeep sa loob ng pamantasan.
Katulad sa malawak na bahagi ng bansa, pampasaherong jeep din ang pangunahing moda ng transportasyon ng mga mag-aaral sa loob ng UP. Sa halagang P10, ito na ang pinakamurang behikulong bumabagtas sa mga rutang Ikot at Toki, Katipunan, Philcoa, Pantranco, at SM North Edsa.
Saksi ang lansangan sa kasaysayan ng pakikiisa ng mga estudyante ng UP sa mga isyu ng drayber. Kasamang umabante ng mga drayber ang mga estudyante mula Welcome Rotonda hanggang embahada ng Estados Unidos para tunggaliin ang pang-aabuso ng kapulisan noong 1970. Nagkapit-bisig naman sa loob ng pamantasan ng UP ang mga estudyante at drayber upang tutulan ang pagsirit ng presyo ng langis noong Sigwa ng Unang Kuwarto. At nitong Marso, kaisa ang kabataan nang magsagawa ng nationwide strike ang mga drayber laban sa Jeepney Modernization Program ng pamahalaan.
Ngunit maging sa loob ng UP, unti-unti nang tinatanggal sa daan ang mga jeepney. Dagdag sa hindi makatarungang patakaran ng pamahalaan sa modernisasyon ng jeep, gradwal na ring inookupahan ng mga pribadong kotse ang mga espasyo ng pamantasan.
Nananatiling lubak ang dinadaanan ng mga drayber tungo sa kaginhawaan at maunlad na paghahanap-buhay. Ang pagkawalang mga jeep ay hindi lang suliranin ng mga estudyante para sa abot-kayang transportasyon. Panganib din ito para sa tuluyang paglaho ng mga drayber—sektor na kinikilalang isa sa bumubuo at nagpapayabong ng komunidad sa UP.
Kaya sa pagpasok sa pamantasan, mahalagang makiisa ang mga bagong iskolar ng bayan sa mga jeepney drayber ng UP, at mga sektor na bumubuo sa komunidad ng UP. Dahil lulan ng parehong sasakyan, nasa iisang paglalakbay ang mga drayber at estudyante kung saan makararating lamang tayo sa inaasam na kaunlaran kung patuloy nilang tatahakin ang daan sa pakikibaka. ●