Kung magbabalik-tanaw sa mga espasyong inokupa ng kabataan noong panahon ng Batas Militar, higit sa mga barikadang gawa sa pinagdikit-dikit na upuan ang matatagpuan. Mapagmamasdan ang lansangang tila kalmado ngunit ligalig sa dagundong ng mga paang nagmamartsa. Aalingawngaw ang mga sigaw, mga panawagang hindi naiiba maging sa kasalukuyan.
Mahigit limang dekada na ang nakalilipas mula nang ideklara ni Ferdinand Marcos Sr. ang Batas Militar. At ang malagim na kasaysayan ng kanyang diktadurya ay muling ginugunita ng taumbayan. Dadaluyong silang muli sa mga lansangan, harap ang parehong panunupil, ngunit sa pagkakataong ito, sa termino naman ng kaniyang anak na si Ferdinand Marcos Jr.
Malaki ang naging gampanin ng kabataan sa pagpapatalsik kay Marcos Sr. Habang nililinang sila ng iba-ibang ideolohiya sa loob ng pamantasan, tinunggali at pinaunlad nila ito batay sa kahingian ng panahon.
Nagbabadyang Unos
Esensyal ang ideolohiya sa pagbibigay katarungan sa pag-iral ng mga gahum sa lipunan. Sa ilalim ng Estados Unidos (US), naging aparato ang edukasyon upang ihulma ang kaisipan ng kabataan na manatiling nakapanalig sa dayuhan. Itinatag ng US ang UP noong 1908 upang hasain ang mga estudyante na maging murang lakas-paggawa sa mga dayuhang korporasyon.
At nang maupo bilang pangulo, kinasabwat ni Marcos Sr. ang US upang gawing makinarya ang mga paaralan. Isinabatas niya ang National College Entrance Examination upang salain ang mga estudyanteng makakapasok sa kolehiyo, nagpatupad ng mga kurikulum na nakatuon sa mga kursong teknikal at bokasyunal. Pinanghimasukan din ng US ang mga itinuturong kaalaman sa loob ng mga pamantasan. Kapalit ng ipinautang na pondo ng World Bank (WB), ginamit sa pamantasan ang mga librong aprubado ng WB at ng mga kasosyo nitong dayuhan.
Ipinusturang pagmomodernisa at pag-aayon sa pamantayang internasyunal ang mga reporma sa sistema ng edukasyon. Katuwang ang Japan International Cooperation Agency, pinaghusay magturo sa wikang Ingles ang mga guro para sa bagong kurikulum.
Gayunpaman, habang nililimitahan ang kabataan ng imperyalistang plano ng US at ni Marcos Sr., naguumpisa na nilang matuklasan ang mga aral na taliwas sa pinapalaganap ng pamahalaan.
Taong 1958 nang magkaroon ng akses ang kabataan sa mga librong sinulat ni Karl Marx, isang pilosopo sa Alemanya, sa loob ng UP Main Library. Kalaunan, pinalaganap ng Student Cultural Association ng UP (SCAUP) ang mga study circle upang mapagaralan ng mga estudyante ang mga sulatin ni Marx.
Sa kaparehong dekada rin nagkaroon ng akses si Jose Maria Sison, ang nagtatag ng SCAUP, sa mga sulatin ni Mao Zedong nang siya ay nag-aral sa Indonesia. Ang mga sulatin ni Mao ay nakaabot sa Indonesia at naging manwal ng Partido Komunista ng Indonesia.
Nagsisilbing gabay sa mga lider-estudyante at iskolar noon ang mga turo ni Mao upang madalumat ang tunay na kondisyon ng Pilipinas bilang isang lipunan. Sa kanilang pag-aaral, partikular ang kanilang pagsusuri sa materyal na kondisyong iniinugan ng bansa. Dito, napagtanto ng kabataan ang inhustisya dulot ng mapagsamantalang dayuhan, mapang-abusong kondisyon ng paggawa, at pagpapahirap sa mga magsasakang pinagkakaitan ng sariling lupa.
Sa gayong kamalayan naging matalas ang suri ng kabataan sa kabi-kabilang suliranin na kinaharap ng bansa sa ilalim ni Marcos Sr. Dito, lalong lumakas ang kilusang estudyante na hindi nagmaliw maging sa pagdeklara ng Batas Militar noong 1972.
Kontra-Ideolohiya
Matatagpuan sa lipunan ang ibaibang uri ng pagtutunggali—tagisan ng mga ideya, kaisipan, adhikain, maging ng pampulitika na interes. Isa ang paggamit sa ideolohiya upang tunggaliin ang mga radikal na kaisipan upang mapanatili ng mga naghaharinguri ang pananamantala, ayon sa kritika ni Epifanio San Juan Jr., isang Pilipinong manunulat, sa kasaysayan ng kilusan sa bansa.
Noong Batas Militar, sa umiigting na paglaganap ng mga radikal na kaisipang nagsusulong sa pagpapalaya ng bansa, pinakawalan ng diktadurang Marcos Sr. ang mga babasahing nagpahayag ng alinlangan sa lumalakas na kilusan ng mamamayan. Gayundin ang mga batas na nagbawal sa mga kritikal na sulatin at ulat laban sa administrasyon. Umusbong din ang pagbandera sa mga hungkag na pagnanais ng pamahalaan sa mapayapang pakikipag-ayos.
Ngunit sa kasaysayan ng Pilipinas, dagdag ni San Juan Jr., ang pangkat na higit na makapangyarihan ay may angking dahas na ginagamit upang maghari ang ipinapalaganap nitong ideolohiya. Sa pagtindi ng pandarahas at paglabag sa karapatang pantao, kinilala ng kabataang aktibista noon ang pangangailangan ng mas mahigpit na pagkapit sa prinsipyadong pagsulong sa pagpapalaya ng bansa.
Matapang nilang tinunggali ang mga mapanghamak na pananaw ukol sa rebolusyon. Masusi nilang bibigyang pansin ang mga ibinabatong problema sa kilusan at puna sa kanilang pamumuno.
Isang halimbawa si Lean Alejandro, lider-estudyante sa UP Diliman, sa mga aktibong lumalahok sa mga debate upang tunggaliin ang mga batikos sa pambansang demokratikong lente ng kilusang estudyante sa unibersidad. Pinaigting din ng mga lider-estudyante ang pag-iimbita sa lahat ng mga estudyante na makilahok sa mga discussion groups at study circles upang paunlarin ang kanilang mga pampulitikang edukasyon.
Kolektibong Pananaw
Kasabay ng mga atake ng estado ang "student apathy" na umiiral hanggang sa ngayon. Hindi madaling talikdan ang mga nanaig na pananaw sa lipunan. Itinatanim ito sa kultura at patuloy na binubuhay ng mga panlipunang institusyon tulad ng mga paaralan. Minsan, kahit ideolohiyang kontra sa ating interes ay dala-dala na natin nang hindi natin namamalayan, ayon kay San Juan Jr.
Bahagi ng mga mapanghamak na pananaw na ito ang pagpapalaganap sa indibidwalistikong pag-uugali, ang pag-sasarili at pagtalikod sa pangangailangan na makilahok sa kolektibo. Nagreresulta rin ito sa paglayo o pag-iwas na lamang sa mga masusing pagdidiskurso at debate.
Gayundin, tanging sa mga kaparehong pananaw na lamang binubuksan ang mga talakayan. Kung gayon, nagiging sarado sa kontradiksyon at puna ang diskusyon kaya nauuwi lamang sa mga echo chambers ang pakikipagtalastasan.
Kinakailangang buhayin muli ang kolektibong pagdidiskurso— hindi lamang sa mga espasyo ng pamantasan, kundi maging sa labas at sa mga komunidad na nakapalibot sa UP. Kawangis ng Batas Militar ang kasalukuyang rehimen ni Marcos Jr., at pangambang titindi pa ang pagpapakipot ng estado sa mga espasyong malaya tayong makapagpahayag ng pagtunggali sa pang-aabuso at inhustisya.
Higit sa hamon, tinatawag nang huwag nating talikdan ang kolektibong pagkilos at pag-ibayuhin ang kagyat na pakikisangkot. ●