Isang malalim na buntong-hininga na lang ang narinig ko kay Nanay habang pinapanuod sa telebisyon ang muling pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa aming lugar. Pinatay na lang ni Nanay ang TV; sawa at sanay na sa mga naririnig sa palasyo.
“Ang daming buhay na ang nawala sa kapabayaan niyo. Matagal na kaming walang pag-asa sa inyo,” bulalas niya. Sa mas mabigat niyang buntong-hininga, habang binabaklas ang maliit naming stall ng turon at iba pang miryenda sa labas ng bahay, nararamdaman kong bibigat din ang pasanin namin sa darating na mga araw. Maging ako ay napabuntong-hininga na lang.
“Bumangon ka na riyan, Daryl. Mahihirapan ka na namang sumakay,” paalala sa’kin ni Nanay mula sa kusina. Dahil tanging lamesa lang ang nagsisilbing divider ng kusina at sala na tinutulugan ko, hindi na kinakailangang sumigaw ni Nanay para magising ako. Hindi rin naman ako makatulog dahil sa kabang nararamdaman. Mahirap na ngang rotational kami sa trabaho ngayon, baka magkaroon pa ng tanggalan kapag nagtagal pa ang ECQ.
“May pasok ka pa naman ‘di ba?” May pag-aalangan sa tanong ni Nanay. Hindi ko tiyak kung saan siya nag-aalangan: sa pangangailangan niyang itanong ito o sa magiging sagot ko. “Meron po,” sabi ko, hindi ko na rin batid kung pampalubag-loob ba ito o paninigurado.
Isang taon na rin ang lumipas mula nang magbago ang lahat. Ngunit parang walang nagbago sa eksena noong nakaraang taon sa nakikita ko ngayon. Halos puno ng mga pribadong sasakyan ang mga kalsada, habang iilan lang ang mga jeep o bus na dumadaan sa ruta ng grocery na pinagtatrabahuhan ko. Bagaman may suot na face mask at face shield, kabado ko pa ring ipinakita ang ID sa kumpol ng militar na nakaabang sa checkpoint, natatakot sa paraan ng pagtutok nila ng thermal scanner sa aking noo.
“Nabakunahan na karamihan ng mga tao sa ibang bansa, e. Tingnan mo ‘to!” Habang hinihintay ang tiyak na dagsaan ng tao sa grocery, kinahiligan ni Abel, kapwa ko staff dito, na manuod ng mga video sa Facebook. Sa totoo lang, diskumpyado ako sa mga ibinabalita sa akin ni Abel dahil kalahati sa mga napapanuod niya ay fake news. Pero sa balitang ito ni Abel, hindi na ako nagtaka. Ang layo na rin nang inunlad ng ibang bansa sa pagsugpo ng COVID—o kahit paano, magkaroon man lang nang maayos na normal sa new normal.
Kung ikukumpara sa Pilipinas, hanggang ngayon ay nangangapa pa rin ang karamihan ng mga Pilipino kung papaano igagapang ang araw-araw. Abala na ang ibang bansa sa pagbawing muli ng buhay na ipinagkait sa kanila nitong pandemya. Ngunit ngayong palala nang palala na naman ang kaso ng COVID sa bansa, guguho na namang muli ang normal na ngayon pa lang namin natututunan.
“Nasaan nga pala si Jenny?” Tanong ko kay Abel habang nagre-restock kami ng delata.
“Natanggal na, pre. Kahapon lang. Nagbabawas na si boss e, malulugi raw ang grocery kung maraming pinapasahod,” ani Abel. May anak si Jenny na ngayon ay nasa ospital. Dahil sa biglaang pagtaas ng mga kaso ng COVID sa bansa, agad ding napuno ang mga ospital. Isang mirakulo na kung maituturing na napa-admit ni Jenny ang anak pagkatapos tanggihan ng maraming ospital.
“Paano niya mababayaran ang gastusin ng anak niya sa ospital?” Hindi siya umimik; tinitigan lang ako ni Abel. Para bang napakahirap ng sagot sa tanong ko. Kung sa bagay, bahagya nang nagkakasya ang sweldo ko at kita ni Nanay sa pagtitinda para sa gastusin namin buwan-buwan, minsan kulang pa. Nakakatakot na sa isang iglap, katulad ni Jenny, maaaring mawala ang primaryang kinakapitan namin ngayong pandemya upang mabuhay. Habang sinusundan si Abel tungo sa stockroom, mahigpit kong binitbit ang mga karton ng delata.
Papalabas na sana ako nang tawagin ako ng supervisor, magpaiwan daw muna ako. Nanlamig ang katawan ko’t mabilis na tumibok ang aking puso—sana hindi ito, sana hindi itong iniisip ko ang mangyari. Ngunit walang nagawa ang pag-uulit ng mga salita sa isip, ni mabilisang pagdarasal.
“Inabisuhan na kita agad dahil naging masipag ka sa trabaho. Magsipag ka lang at makahanap ka agad ng mapapasukan, Daryl,” tapik niya sa’kin, at marahil iyon na ang paraan niya para ipabatid sa akin ang awa’t lungkot niya. Wala naman siyang magagawa. May boss din siya, pareho kaming empleyado, parehong nasa bingit ng peligro. Huling buwan ko na raw sa trabaho. Biglang dumilim at sumikip ang stockroom noong mga oras na iyon. Hindi ko na maalala paano ako lumabas sa kwartong iyon, kung nakapagtrabaho pa ba ako.
Nakita ko na lang ang sarili kong naglalakad pauwi. Malalim na buntong-hininga ang binibitawan ko sa bawat umaarangkadang sasakyan na nilalampasan ako, nagmamadaling makauwi dahil sa curfew. Kailangan ko na ring makauwi upang makausap si Nanay, pampalubag-loob na lang siguro na may isang buwan pa ako sa trabaho. Tanaw ang mabilis na pagtakbo ng mga sasakyan, habang ramdam ko ang pagdanak ng mainit na dugo sa paltos ng aking mga paa, sa ganitong mga pagkakataon, ramdam na ramdam ko nga ang distansya namin sa kanila.
Mamaya sa balita, maririnig namin ang sermon mula sa mga opisyal ng gobyerno. Sisisihin na kasalanan namin—nina Abel, Jenny, at Nanay—kung bakit patuloy na dumadami ang may sakit. Ngunit sa patuloy nilang pagkibit-balikat at paglabag sa aming mga karapatan, araw-araw kinakailangan naming isaalang-alang ang kaligtasan, hindi lang ng sarili ngunit pamilyang nakakasama, para lang may maihain sa hapag. ●
Basahin ang unang parte.