Kakalat ang liwanag na parang flash ng camera sa papel. Maiiwan ang mga kinopyang letra at imahe sa panibagong papel at mainit-init pang iluluwa ng makina ang bagong imprentang pahina. Ang bubuo sa antolohiya ng mga pahina ay dalawang bala ng stapler, o pagtatagpiin ng mga hibla ng sinulid. Laman ng bawat manipis na kopya ng zine, nabuo ang makapal na kasaysayan ng sariling paglikha.
Kabilang sa nagpupunyagi ng mga alternatibong palimbagan ang Better Living Through Xeroxography (BLTX), isang taunang small press expo kung saan nagsasama-sama ang mga maliliit na palimbagan at mga manunulat upang magbenta ng kanilang mga likhang akda. Idinaraos tuwing Disyembre, naging espasyo ang BLTX para sa mga manunulat na igpawan ang nananaig na kontroladong sistema ng palimbagan sa panitikan.
Sa pag-iral ng alternatibong espasyo para sa mga manunulat, nakikibahagi sa pagpapaunlad ng panitikan ang manunulat, ang mga naratibo na nais ikwento ng akda, at ang mambabasa. Sa ganitong uri ng sama-samang paggana, napagbibigkis ang kolektibong diwa ng panitikan.
Pinagtagpi-tagping Palimbagan
Maimamapa ang progresibong panitikan na nagsisiwalat sa pakikibaka ng mamamayan sa pamamagitan ng pagbabalangkas sa kasaysayan ng produksyon ng panitikan. Sapagkat sumasailalim sa kumpas ng estado, patago ang paglikha at distribusyon ng mga akdang nagsisiwalat at tumutunggali sa laganap na pang-aabuso sa bayan.
Kinasangkapan ng mga propagandista ang Duplo, isang sagutan ng tula mula sa dalawang panig, upang maipalaganap sa kamalayan ng mga Pilipino ang paglaya ng bansa mula sa kamay ng kolonyalistang Espanya. Lumaganap naman ang underground na panitikan tulad ng mosquito press upang lakas-loob na isiwalat ang katotohanang nangyayari sa bansa sa ilalim ng diktaturya ni Ferdinand Marcos Sr.
Magpahanggang sa ngayon, nananatiling makitid ang espasyo at mapanghamon ang pagpapaunlad ng mga progresibong sulatin. Dahil nananatili sa iilan ang kontrol ng malalaking palimbagan, kung ano ang maililimbag at sa kung hanggang kanino ito makaaabot upang ariin, nananaig pa rin ang pagtingin sa panitikan bilang hiwalay sa panlipunan at pampulitikang pagdidiskurso.
Itinanim at ipinalaganap na sa ating kultura ang pag-iral ng kapitalismo, isang ekonomikong sistema kung saan ang yaman at negosyo ay nasa kamay ng pribadong sektor, ayon sa “Capitalist Realism” ni Mark Fisher, isang Pilosopong Briton. Kung kaya maging sa panitikan, ipinagkakait ang kakayahan ng indibidwal na kumatha para sa pagbabago, at ang tanggapin na lamang ang kasalukuyang sistema bilang natatangi at realistikong opsyon.
Gayunpaman, kung may ipinapakita ang kasaysayan, ito ang kakayahan ng manunulat na lumikha ng sariling espasyo at payabungin ito kasama ang kolektibo. Taong 2010, sa maliit na espasyo sa Tomas Morato, unang naitatag ang BLTX.
Naunang sumibol ang BLTX sa Maynila upang tipunin ang mga indibiwal, organisasyon at kolektib ng mga artista at manunulat. Sa tulong ng xerography, isang proseso ng paggawa ng kopya ng isang dokumento o larawan gamit ang isang photocopy machine, naipatatampok ang malikhaing pag-aakda sa mas mabilis at murang paraan.
Bukod sa pagbebenta ng mga zine, nakagawian na rin ang zine trading o pakikipagpalitan ng mga manunulat ng mga zine at iba pang sining. Kung minsan, maaaring basahin sa mismong lamesa o libreng makakukuha ng zine mula sa mga manunulat.
Zine Scene
Itinatampok ng mga alternatibong palimbagan ang kakayahan ng artista na lumikha ng sining na hindi natatali sa kumpas ng malalaking palimbagan. Sa proseso ng ‘Do-It-Yourself’ o DIY ng zine, may pagkakataon ang artista na kumatha ng sariling akda at magtalakay ng iba-ibang paksa na maaaring tungkol sa bitbit na adbokasiya o batay sa personal na karanasan.
Nakita ang katangian ng zine, karaniwang maninipis at ginagawa nang mano-mano, bilang alternatibo sa magastos na produksyon ng libro. Dahil sa walang iisa o tiyak na pormang sinusunod ang zine, malaya rin nitong napalilitaw ang nais na sabihin ng manunulat, ayon sa papel na “Zine/Thesis” ni Jokkaz SP Latigar hinggil sa kultura ng paggawa ng Zine.
Sa mga maliliit na press expo kadalasang nagtitipon-tipon ang mga zinemakers. Kaiba sa book fair ng mga malalaking palimbagan, umaabot lamang ng halos isang araw ang event dahil sa limitasyon sa pinansya at pangangailangan upang makapag-operate. Sa magkakatabing lamesa, nakalatag ang mga akda ng mga indibidwal at organisasyon—libreng masilip ang itsura at maaaring makapagtanong sa manunulat ukol sa nilalaman ng akda na pupukaw sa atensyon ng mambabasa.
Sa mga pagtitipon tulad ng BLTX, nabibigyang pagkakataon ang mga baguhang manunulat na maipakilala ang sariling likha. Nakabatay sa kanila kung ilang pahina ang akdang gagawin, nasa kanila ring kapasidad kung ilang kopya ang ipamamahagi o ibebenta. Liban dito, ang pangunahing tunguhin din ng mga artista na kumita ay upang masustena ang kanilang paglikha, o kung hindi man ay pondohan ang adbokasiya ng mga sektor na kanilang sinusuportahan.
Pagtatagpi sa Kasalukuyan at sa Kinabukasan
Isinusulong ng taunang pagsasama-sama ng mga manlilikha ang paglalaan ng espasyo para sa alternatibong moda ng paglilimbag. Higit dito, kanila ring kolektibong pinaghuhusayan ang paglikha na malay sa tungkulin ng sining bilang midyum sa pagbalikwas sa umiinog na kalakagayan ng lipunan.
Hudyat ang unti-unting pagpapalawak ng espasyong inuokupa ng alternatibong palimbagan sa pagpihit sa tinatahak na landas ng panitikang mas may panlipunang kamalayan. Isang halimbawa ang Gantala Press, isang peminista at independent na palimbagang nagtatampok ng mga naratibo ng kababaihan mula sa iba-ibang sektor ng lipunan.
Nagiging lunsaran rin ang mga small press expo para sa mga organisasyon na lumikha ng sining at ipalaganap ang kanilang mga panawagan. Sa paglalangkap ng mga panawagan sa sining, naitataguyod ng mga organisasyon ang mga naratibo at pakikibaka ng mga sektor tulad ng kababaihan, pesante at maralitang lungsod.
Sa pamamagitan ng pagkalas sa sistema ng pagsasailalim sa mga malalaking palimbagan, napayayabong ang pagpapahusay sa sariling likha, ayon kay Adam David, manunulat at isa sa tagapagtaguyod ng BLTX. Nabubuo ang mga komunidad ng mga manunulat na sumusuporta sa likha ng bawat isa, at nagiging magkatuwang rin sa pagpapahusay ng mga akda.
Itinataguyod sa mga alternatibong palimbagan ang kakayahan ng manunulat sa sariling pamamahala sa kanyang panulat at pulitika—bagay na maging sa dominanteng produksyon ng panitikan, inaagaw ng may kontrol sa takbo ng lipunan. Sa sining man o sa aling bahagi ng kultura, ang kapangyarihan ng kolektibong pag-iral ay indikasyon sa pagkalas sa mga gapos ng kasalukuyan.
Sa pag-iral ng BLTX at iba pang mga alternatibong palimbagan, napatutunayan ang kakayahan ng mga manunulat na umigpaw sa produksyon ng panitikang lipas, nakupot sa toreng garing, at iwas sa pagtalakay sa mahahalagang usapin ng lipunan.
Bubunga ang pagpupursiging mapalago ang kasalukuyang panitikan kung patuloy itong magiging kritikal sa nilalaman at paraan ng pag-aakda. Ipinapakita ng paglitaw ng mga alternatibong palimbagan ang kakayahan ng literatura na lumihis sa kasalukuyang daloy nito—malayang nakatatawid mula sa mas progresibo at kritikal at handang magsilbi upang mapaunlad ang mundo. ●