Sa P250 na budget araw-araw, P50 lang madalas ang ginagastos ng isang iska para sa pananghalian. Yung natitirang P200 ay hindi para sa pagtitipid kundi para sa kape. At dahil malaking halaga na yun para sa isang college student, at nakakahiya na wala pa sa kalahati ng ginastos mo ang makuhang marka sa klase, susulitin mo talaga ang pamamalagi pagtapak sa cafe. Sulit na sulit ang aircon at mga komportableng upuan kapag dito ka nag-aaral, magdamag pa kung minsan ang akses sa wifi.
Hindi na bago ang pambabatikos ni Dale Philip, isang banyagang vlogger, sa paggamit ng mga Pilipino sa mga coffee shop. At ngayong dumarami na ang mga estudyanteng nagtutungo sa espasyo ng mga coffee shop para mag-aral, nagliparan rin ang diskusyon ukol sa sinasabing paglabag sa “tamang” paggamit sa espasyo ng mga cafe.
Sa mundong walang libre, may kaukulang presyo ang mga espasyo bago natin maokupa ang mga ito. Anumang pag-ookupa nang hindi nakapagbabayad sa halagang idinikta rito ay paglabag na umano sa ayos at diktang gamit sa ating paligid. Sa mga mapanghati na diskusyon ukol sa paggamit ng mga coffee shop upang maging produktibo, ibinabaon ang inuugatang krisis sa pag-usbong nito: ang pumapait na kalagayan ng mga pampulikong espasyo na lalong nagpapasikip sa mga espasyong maaari nating galawan.
Pangatlong Espasyo
Dati’y puntahan ang coffee shops upang makipagkita sa mga kaibigan o kasamahan, isang lugar na hiwalay sa buhay sa tahanan at sa trabaho. Labas sa buhay sa tahanan at sa trabaho, ang mga lugar na third place ay nakatuon upang makapagtipon ang mga tao bilang isang kolektibo, ayon sa sosyologong si Ray Oldenburg. Bilang pampublikong lugar, nagsisilbi ang third places bilang lunsaran para sa mas matibay na samahan ng komunidad at pagkakataon upang makapag-organisa, at makabuo ng diskurso ukol sa mga usapin na umiinog sa kanilang lipunan.
Bagaman pakikilahok sa komunidad ang pangunahing layunin ng third places, naging lugar na rin ito pantrabaho dahil sa kawalan ng maayos na kapaligiran sa trabaho at sa tahanan. Nang kinailangang manatili sa loob ng mga tahanan noong pandemya, isiniksik na rin ang mga gawain sa pag-aaral at trabaho sa loob ng mga tahanan na nagpalabo sa hangganan ng gawaing pantrabaho at pahinga.
At nang manumbalik sa pisikal na setup, pumapasok ang coffee shops bilang alternatibong lugar kung saan maaaring dalhin ng mga customer ang kanilang mga gawain upang maging produktibo. Sa mga cafe, maaliwalas ang setup at magdamag na bukas para sa mga all-nighter. May sari-sariling mesa, bangko, at Wi-Fi rin ang kalakhan sa mga gusaling ito kung saan maayos na makapagtatrabaho. Ngunit limitado lamang sa may kakayahang gumastos ang palagiang pamamalagi sa ganitong mga espasyo.
Dahil pribadong sektor na ang nagmamay-ari ng mga coffee shop, ang paglaki ng kita ang pangunahing tulak kung paano pa mas pauunlarin ang kanilang negosyo. Kapalit nito ang mas mataas na halaga sa serbisyo at produkto upang makapasok sa mga gusali. At dahil nananaig ang pagsasapribado at pagpapalit-gamit sa lupa para sa komersyo sa bansa, napababayaan ang pagpapaunlad ng mga pampublikong espasyo na higit makamasa at aksesible para sa mas nakararami.
Pribadong Espasyo
Maituturing din na third places ang mga lugar na nakalaan para sa pampublikong serbisyo tulad ng mga silid-aklatan. Estado ang dapat humahalili sa pagpapaunlad ng mga pampublikong espasyo bilang pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan. Ngunit ang pampublikong serbisyo pa ang madalas ding mahirap puntahan, at kung hindi man luma ang pasilidad, malaki ang singil sa bawat serbisyo dahil nasa kamay ng pribadong sektor.
Ganito ang mukha ng kasalukuyang pampublikong serbisyo sa kontrol ng iilan: tubo kaysa serbisyo ang ipinapairal kaya mahal ang pambayad sa pagpapagamot, mababaon sa milyong utang ang mga drayber at operator para sa modernong jeepney, at limitado sa iilang kabataan ang kalidad na edukasyon dahil sa nagtataasang matrikula.
Hindi nalalayo ang kawalan ng espasyo na kinahaharap ng komunidad sa UP. Habang hindi pa rin nabubuksan ang main library para sa mga estudyante, siya namang espasyong inilalaan para sa GyudFood at DiliMall na ipaparenta sa mga malalaking kumpanya. Hindi na rin aksesible ang mga silid-aklatan sa UP dahil sa limitadong oras ng pagbubukas, at kung may 24/7 man ay limitado ang kapasidad na magpapasok ng maraming estudyante.
Marami pa rin ang walang kakayahang makibahagi sa mga pampublikong espasyo dahil inaaari ito ng pribadong sektor, ayon sa sosyologong si William Whyte sa kanyang naging pag-aaral tungkol sa pamumuhay sa syudad. Dahil limitado lamang ang nakatatamasa at nakakapaghalubilo rito, mas pinaiigting sa pagsasapribado ng mga espasyo ang di pagkakapantay-pantay ng mga uri sa lipunan.
Pagkamkam ng Espasyo
Sa mundo ng mga dapat, wala dapat na nagmamay-ari sa lupa. Bagkus, kolektibo itong pinapaunlad para sa lahat. Ngunit dahil tali sa daloy ng pagkamal ng kalabisan, kadikit ng pribatisasyon ang pangangamkam sa lupa at panghahamak sa karapatan ng mga komunidad na nasasagasaan nito.
Matutunghayan maski ang mapanghamak na pangangamkam ng espasyo sa mismong loob ng unibersidad. Madalas, sinasangkalan ng administrasyon ng UP ang kapakanan ng mga lokal na manininda at magsasaka sa huwad na pangakong makikinabang sila sa gagawing pagpapaunlad ng espasyo sa pamantasan. Gayundin, ang patuloy na pagliit ng espasyong pang-estudyante kapalit ang gusali para sa komersyo.
Habang lalong ipinagkakait sa atin ang karapatan para sa maayos at malayang pag-iral, lalong pinapalabo ang linya sa pagitan ng personal, trabaho, at maging puwang para sa pagkilos.
Sa pagbitaw saglit sa trabaho at paglaan ng panahon sa pagpapahinga at pakikisalamuha, magsilbing paalala sana sa atin na hindi natin kailangan pahintulutan ang kumikipot na karapatan para sa malayang paggalaw.
May pait man sa umpisa, sana’y maging pampagising sa ating diwa ang pagkamulat sa ipinagkakait ng kasalukuyang hubog ng mundo. Mula rito, ating tunggaliin at isulong ang pag-okupa para sa espasyong maayos at matiwasay para sa lahat. ●