Ilang oras na lang bago ang itinakdang deadline ng editor ko sa binigay niyang lineup sa akin. Nagsasara na kasi ng dyaryo ngayong gabi para ipasa raw ang PDF file nito sa printer. Ngunit nandito ako, nakatunganga lang sa blangkong word document, pinipiga ang utak sa kung ano ang pwedeng pagdramahan upang mapunan ang espasyong binabasa niyo ngayon.
Paano ba naman kasi, matapos ang higit sampung personal na kolum ko rito sa Kulê, nauubusan na rin ako ng mga pwedeng ikwento, ng mga karanasang may social relevance. Napataas na lang ng kilay ang editor ko noong sinabi kong wala na akong maisip na problema sa buhay na pwedeng masulatan. Tanong ba naman niya, maayos na ba ang lipunang ginagalawan ko para masabi ko ang mga iyon. Ngunit batid ko namang hindi lang kawalan ng ideya ang problema ko. Nariyan yung pag-aalinlangan at takot na magkamali.
Marahil itong kasalatan ng mga ideya ay nagmula sa hilaw ko ring karanasan sa buhay–mapa-pag-ibig, pamilya, pangkalusugan, pag-aaral, o usaping pinansya man. Para sa akin, halos nagalugad na ng mga manunulat ang lahat ng anggulo ng mga maiinit na isyu ngayon, kahit ang mga usaping malapit sa aking puso. Kung susulatan ko lang din ang mga isyung iyon, baka masasayangan lang din ang mga mambabasa dahil hindi kasing-kritikal at kasing-lalim ng suri ng iba ang maisusulat ko.
Bagaman sinabihan naman akong ayos lang na hindi laging seryoso ang isinusulat ko sapagkat may politikal na dimensyon naman lagi ang personal na danas, nandiyan pa rin ang pressure na lumikha ng 400-word column na may isyu at diskurso; na madali at magaan basahin bagaman may kaakibat pa ring mabigat na pagsusuri.
Ngunit wala ako sa maayos na kalagayan upang magawa ito ngayon. Nasa sukdulan na siguro ako ng pagod kaya sa punto pa ring ito ng aking kolum ay wala pa rin akong malinaw na gustong sabihin. Bahala na kung may mahihinuha pa bang politikal sa sobrang personal kong pag-iinarte.
Ngayong linggo, kaliwa’t kanan ang mga gawain sa pag-aaral at labas na trabaho. Sumisingit na ang maraming gawain sa nalalabing mga araw bago ang dalawang linggong break. Kahit ilang beses man akong magyosi at magkape, at kahit dilat ang mata ko sa galit sa roommate kong di naman nagigising sa alarm clock niyang bawat oras sa madaling araw tumutunog, hindi na rin sapat ang mga ito na gisingin ang diwa ko.
Hindi pa naman ako sumusuko. Patuloy ko pa ring hinahanap sa gitna ng aking pagtitipa kung may kabuluhan pa ba ang aking isinusulat, kung may kabuluhan pa ba ang lahat kahit binabaliw na tayo ng mga problema. Pilit kong inaalala kung bakit pinili kong magsulat: Nagsusulat ako dahil pagod na ako sa kalagayan ko. Nagsusulat ako dahil maraming kailangang isulat, suriin, ipaliwanag, at ipaunawa. Nagsusulat ako dahil maraming kailangang mapanagot buhat ng kanilang paglikha at pananatili ng ating kasalukuyang kaayusan.
Sa susunod na linggo, sisiguruhin kong gugugulin ko ang oras para magpahinga. Uuwi ako sa probinsya, magpapaka-main character sa mga sandaling naroroon. Hindi ko man maipapangakong mas magiging matalas ang aking isusulat buhat ng pahingang nakuha ko, pero sisiguruhin kong susubukan kong isulat ang mga dapat isulat. ●