Sa karaniwang takbo ng buhay, magulang ang nauunang pumanaw bago ang anak. Wala na yatang mas papait pa para sa isang magulang kundi ang ilibing ang batang minsa’y kanilang iniluwal. Ngunit higit pang pasakit kung ang nasa likod mismo ng pagpaslang ay ang dapat na nangangalaga sa kanilang kapakanan.
Masalimuot ang bawat balita ng pagpanaw ng isang sanggol. Hindi na kataka-takang galit at poot ang tugon ng marami sa biglang pagpanaw ni Baby River, Oktubre noong nakaraang taon. Ngunit tila hindi natututo ang pamahalaan pagkat isa na namang sanggol ang naging biktima ng kahindik-hindik nilang pagpapabaya.
Ito ang dahilan kung bakit nagsumite ng resolusyon ang Makabayan bloc upang imbestigahan ng mababang kapulungan ang pagkamatay ng isang buwang sanggol na si Baby Carlen, anak ng mga bilanggong pulitikal na sina Nona Espinosa at Adidas Acero. Tatlong araw na gulang pa lamang si Baby Carlen nang sapilitan siyang ihiniwalay sa kanyang ina. Kabilang sina Espinosa at Acero sa siyam na aktibista-magsasakang hinuli noong Setyembre 20 sa Brgy. Buenavista sa Guihulgan, Negros Oriental, matapos paratangang may matataas na katungkulan sa armadong grupo.
Madaling sabihing bunsod lang ng komplikasyon sa kalusugan ang dahilan ng pagkamatay ni Baby Carlen noong Pebrero. Ngunit hindi maitatatwang estado mismo ang humukay sa kanyang libingan nang pagkaitan siyang makasama ang kanyang ina.
Giit ng mga progresibong grupo’t organisasyon, matinding paglabag sa karapatang pantao ang sinapit ni Baby Carlen. Malinaw na nakasaad sa Republic Act 11148 o “Kalusugan at Nutrisyon ng Magnanay Act” na responsibilidad ng pamahalaang siguruhing malusog at natutugunan ang pangangailangan ng isang sanggol sa unang 1,000 araw ng kanyang buhay, pati na rin ng kanyang ina. Itong karapatan din ang sinisiguro ng UN Bangkok Rules on Women Offenders and Prisoners na natatanggap ng mga babae at bagong panganak na bilanggo.
Sa kaso ni Baby Carlen, hindi pa man napapatid ang kanyang pusod, iwinalay na agad siya sa kanyang ina. Ito ang karahasang malimit na binubuno ng mga bilanggo sa Pilipinas—lantad na isinasantabi at pinababayaan ng estado ang kapakanan nilang mga nasa preso, lalo’t higit ng mga babaeng bilanggong pulitikal na nagdadalang-tao.
Kung naging makatao lamang ang Korte Suprema at pinagbigyan ang petisyong palayain ang mga bulnerableng bilanggong pulitikal, disin sana’y natanggap ni Baby Carlen, at iba pang katulad niya, ang sustansya at kalinga ng kanyang inang importante sa maselan pa niyang resistensya. Hindi tayo nagkulang sa pagpapaalala sa mga mahistrado sa karahasang posibleng idulot ng kawalang-aksyon nito. Sa pagpasa ng desisyong ito sa mga mas mababang korte, nagpakulong ito sa teknikalidad sa pag-aakalang matatakpan nila ang kanilang politikal na pagkiling pabor sa kasalukuyang administrasyon.
Malaon nang pinatunayan ng rehimeng Duterte ang pagkiling nito sa panggigipit sa mga itinuturing nitong kaaway—kaya papataas din ang bilang ng mga bilanggong politikal kahit sa panahon ng pandemya. Lahat, tahasan mang kinakalaban siya’t hindi, posibleng maging biktima ng kanyang dahas—kahit mga walang kamuwang-muwang na batang lumalabag daw sa batas ng kwarantina, pinarurusahang parang kriminal.
Ayon sa tala ng Human Rights Watch noong mga unang linggo ng enhanced community quarantine, limang bata ang isinilid sa kulungan ng aso sa Santa Cruz, Laguna noong Marso 20, habang dalawang bata naman sa Cavite ang ikinulong sa kabaong noong Marso 26 dahil sa paglabag sa curfew. Sapilitan namang pinagupit ang buhok ng pitong batang nahuli sa Binondo sa Maynila noong Marso 19, habang ang isa’y pinauwi ng bahay nang nakahubad.
Kung tunay na may malasakit ang gobyerno sa mga bata, kailangan nitong maintindihang hindi dapat sa pagpapanagot nakasentro ang polisiyang pangkatarungan ng pamahalaan, katulad ng inirerekomenda ng pagbaba ng minimum age of criminal responsibility.
Bagaman magkaiba ang karahasang kinaharap ni Baby Carlen at mga kabataang biktima ng pang-aabuso noong lockdown, nagtatagpo ito sa katotohanang nabigo ang pamahalaang protektahan at ipagtanggol ang mga bata sa panahon ng pandemya. Kaya hindi na nakakagulat kung dito rin dumulo ang imbestigasyon ng Makabayan bloc sa kaso ni Baby Carlen.
Kung gayon, hindi ito ang panahon upang manatiling kimi pagkat kinabukasan ng mga susunod na henerasyon ang nakataya.
Kataka-taka ang tila katahimikang namamayani sa likod ng isa na namang kaso ng pagkamatay ng isang bata, na para bang nakasanayan na natin ang ganitong uri ng balita. Ngunit kahingian sa ating umalpas sa kampanya ng gobyernong normalisahin ang karahasang katulad nito. Hindi mali ang mamuhi, makatwiran ang manawagan ng hustisya sa gitna ng laganap na kawalang-katarungan sa bansa.
Higit lalong mahalagang tiyakin ng pamahalaang hindi nilalabag ang karapatang pantao ng mga bilanggo’t bilanggong pulitikal sa mga piitan, lalo na ng mga kababaihan at mga nagdadalang-tao. Kung tutuusin, hindi na palaisipang dapat na silang palayain.
Sa normal na takbo ng buhay, magkakasama ang mga magulang at ang anak, kapit-bisig at nakikibaka hanggang makamtan ang isang lipunang ligtas para sa mga bata, at malaya sa anumang porma ng pagsasamantala. ●
Unang nalimbag ang artikulo noong ika-1 ng Marso 2021.