Sampung taon nang nagtitinda ng street food si Jen Perez, 38, kasama ang kanyang asawa sa loob ng UP Diliman. Bukod sa mga estudyante, pangunahin niyang mamimili ang joggers na pumapalibot sa kampus.
Ngunit mula Oktubre, umunti ang tao sa kampus dahil sa sunod-sunod na bagyo, tulad ng mga bagyong Kristine, Nika, at Pepito. Sa mga panahong tulad nito, napipilitan si Perez na isara ang kanyang kiosk.
“Pag bumagyo kasi, wala kaming income. Kasi syempre pag maulan, walang taong tatakbo dito sa oval. So wala kaming mapagkukunan ng income namin,” ayon kay Perez.
Kasama ang kanyang asawa, nagtitinda si Perez ng kwek-kwek, pancit canton, at iba pang street food malapit sa Melchor Hall. (Sidney Fernando/Philippine Collegian)
Bagaman bawat taon ay tinatamaan ang Pilipinas ng higit-kumulang 20 bagyo, sa paglipas ng mga taon naging mas malakas at halos sunod-sunod na ang mga ito. Bukod sa pinsalang hatid nito sa iba-ibang bahagi ng bansa, isa rin sa nagiging biktima ang kabuhayan ng mga manininda sa UP.
Kawalan ng Kita
Naghahatid ng pagkain at serbisyo sa abot-kayang presyo ang mga manininda ng UP hindi lamang sa mga estudyante kundi pati na rin sa ibang miyembro ng komunidad. Ngunit kapag bilang lamang ang tao sa kampus dulot ng bagyo, madalas silang nagigipit.
Bukod sa nawawalan ng baon sa eskwelahan ang apat na anak ni Perez kapag hindi siya nakapagtitinda, nababawasan din ang kanilang pambayad ng matrikula.
“Siyempre, no choice [kami] kundi mangutang. Ganoon naman lang yung solusyon namin doon pag wala talaga kaming [mabenta] dito sa UP. Isa yun sa pinakamahirap para sa amin,” ani Perez.
May ibang pagkakakitaan naman ang ilang manininda sa panahong nawawalan ng pasok, ayon kay Narry Hernandez, tagapangulo ng Samahang Manininda sa UP Campus. Aniya, mas laganap ito noong pandemya kung saan namamasukan ang mga manininda sa konstruksyon, paglalaba, o iba pang trabaho dahil sa kawalan ng face-to-face classes.
Ngunit gustuhin man ng ilang manininda na maghanap ng ibang pagkakakitaan, mahirap na talikuran ang hanapbuhay na ilang taon o dekada na nilang tinatahak sa UP. Nagiging hadlang din sa paghahanap ng bagong trabaho ang edad at problema sa kalusugan.
Ganito ang kaso kay Roberto Paguinto, isang magtataho na nagtitinda malapit sa Institute of Mathematics at sa Academic Oval. Dahil dati siyang na-stroke at patuloy siyang umiinom ng gamot para rito, limitado ang mapapasukan niyang trabaho.
“Kasi matanda na ako, hindi ko na kayang maghanapbuhay ng iba, kasi ito lang alam ko, taho lang. Hindi ko na kaya yung konstruksyon … kahit [saan] hindi ako matatanggap,” ani Paguinto.