Dear Karen,
Gusto ko sanang simulan ang sulat na ito para sa’yo sa pangungumusta. Pero paano nga ba sabihin ang salitang “kumusta” kung walang kasiguraduhang masasagot mo ito? Paano ko masasabing “Sana nasa mabuti kang kalagayan,” kahit na ilang beses nang nabalita sa dyaryo’t telebisyon ang malagim na sinapit ninyo?
Tag-ulan din noon nang makarating sa akin ang balita. Nanlamig ang buong katawan ko. Kung anu-anong mga senaryo ang naglaro sa isip ko noon na pilit kong winaksi. Maya’t maya ang pagte-text ko sa mga kaibigan at kasama natin, umaasa sa isang magandang balita. Limang taon na rin pala ang nakalipas. Hindi ko masabing kay bilis na dumaan ng panahon dahil lagi’t laging kay tagal ang mga paghihintay. Maraming nangyari sa amin dito, at marami rin ang gusto kong ikwento sa iyo: na pansamantalang tumigil ako sa pag-aaral at ngayon ay bumalik na ako sa Diliman, na kay daming mga bagay nang nawaglit, mga pagkakaibigang nabuo’t nasira, mga pangarap na naisantabi. Sa kabila ng lahat, may mga nanatiling hinihintay na masaradong kabanata.
Paumanhin kung naihalintulad ko ang paghihintay namin sa inyo sa mga personal kong isyu. Ngunit alam kong higit pa rito ang sakit at kahulugan nito sa mga matalik mong kaibigan at sa pamilya mo. Naaalala kita nung minsang nagdiskusyon kami ng nanay ko noong napagdesisyunan ko munang iwan ang pag-aaral at magtrabaho. Tinanong niya ako kung kailan ko babalikan ang pag-aaral. “’Pag buo na po ako uli,” pagda-drama ko. “Baket, nawalan ka ba ng braso?” balik sa akin ng nanay ko. Para ngang bahagi ng katawan ang nawala sa akin kasabay ng pagkawala mo: tiwala sa mga tao, pag-asa sa batas at hustisya, at isang kaibigan.
Ibinubukas ko itong liham na para sa iyo sa maraming hindi ka na kilala. Gayunpaman, naikintal na sa mga memorya nilang mga walang alaala mo ang larawan ninyo ni Sherlyn na ipininta sa AS, iyong larawan na dala-dala lagi ni Nanay Coni sa mga rali. Sa kanila, ikaw ay larawan, bilang sa istadistika ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Sa akin ika’y kakilala, kamag-aral, kaibigan, kasama. Kina Nanay Coni at sa marami pang katulad niyang naghahanap, kayo’y mga anak, magulang, asawa, kamag-anak, kapatid, minamahal. At naghihintay kaming lahat sa inyong pagbabalik.
Pero pasibo raw ang paghihintay. Higit dito ang walang patid na paghahanap sa inyo ng inyong pamilya at ng mga kaibigan at kasama natin. Hinahanap nila kayo sa mga presinto, sa mga kampo, sa ospital, sa sementeryo, sa mga piket, sa mga rali. Lagi’t laging umaasa at nagbabakasakali. Dahil ang paghahanap sa inyo ni Sherlyn ay paghahanap din ng katarungan.
Sa katagalan ng panahon, unti-unting umaandap ang pag-asang makita kayong muli. Ngunit ilang araw bago ang anibersaryo ng inyong pagkawala, muli kaming nabuhayan ng loob nang ipag-utos ng Korte Suprema sa militar na kayo’y ilitaw. At ang pag-asang ito ang nagtutulak sa amin para magpatuloy.
Gusto kong ilakip sa pagtatapos ng maikling sulat na ito, ang pag-asang ito, na balang araw malaya mo na rin itong mababasa.
Nagmamahal at nangungulila,
Jayson Fajarda
●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-5 ng Hulyo 2011, gamit ang pamagat na “Kabilang sa mga nawawala*.” Si Jayson D.P. Fajarda ang punong patnugot ng pahayagan noong 2004-2005.