Mahirap nang magkaroon ng maayos na diskusyon sa internet ngayon—toxic, ika nga. Dahil sa bawat post, bago mo matunton ang matinong mga komento, dadaan ka muna sa pahayag na puro mura, pagbabanta at pambabalahura.
Iisa ang pakay ng mga troll sa sandaling i-type na nila ang mga salita: galitin ka, makuha kang sumagot. Matutulak kang makipag-away, tapatan ang kanilang kabastusan ng matalinong argumento. Pero sa huli, uuwi kang talo. Hindi sila napariyan upang makipag-diskurso. Walang bisa ang anomang sasabihin mo sa troll na inaatake na ang iyong pagkatao, at matigas ang dedikasyong ipagtanggol ang kaniyang paniniwala.
Minsan, ginagawa na lang katatawanan, lalo ng may mga napag-aralan, ang mga komento at fake news na nagkalat sa social media. Ngunit hindi mabuting maliitin ang kilos ng mga troll dahil napatunayan nang may kakayahan itong pihitin ang pampublikong opinyon, at gawing ganap na mailuklok at mapalakas ang pamumuno ng isang diktador.
Ad Hominem
Nagsimula ang industriya ng trolls sa Pilipinas nang gamitin ito sa pangangampanya ni Duterte noong eleksyon, taong 2016. Di tulad ng mga kalaban niya sa pagka-pangulo gaya nina Mar Roxas o Grace Poe na matagal nang kilala sa entablado ng pambansang politika, kilala lang si Duterte sa Davao kung saan siya nanungkulan bilang mayor.
Kinailangang palawakin ang impluwensya ni Duterte, kaya agad niyang kinuha ang serbisyo ng mga artista, o mga influencer, gaya ni Mocha Uson, upang paingayin ang kampanya sa social media. Kumuha rin sila ng mga micro-influencer na naging epektibo dahil sa kanilang pagiging personal. Bilang ordinaryong Pilipino, kaya nilang makipag-usap sa masa, nang sa gayon mas nagiging makatotohanan ang kanilang mga pahayag, ayon kay Prop. Jonathan Ong ng University of Massachusetts Amherst.
Napapalakas ng kasalukuyang kondisyon ng bansa, partikular ang kawalan ng sapat na sahod, ang industriya ng pangto-troll. Sa pag-aaral nina Jason Cabañes ng University of Leeds at Jayeel Cornelio ng Ateneo, maaaring makakuha ang isang troll ng P3,000 kada araw.
Kumpara sa minimum na sahod, mas nakakaakit ngang maging troll. Sa pagkakataon din kasing maharap ka sa banta ng pagkagutom dahil sa kahirapan, luho na ang pagkakaroon ng pagpipilian, ang pagsusuri kung ayon ba sa’yong prinsipyo ang inaalok na mapagkakakitaan.
Nakatulong rin ang limitadong akses ng mga tao sa internet upang mas pahirapan ang publikong basahin ang isang buong artikulo. Mabuksan man ito, kinakailangan ng maiging pagkilatis upang makumpirma ang katotohanan ng balita dahil may pagkakataong may katotohanan naman sa sinasabi nito; sadyang pili at binawasan lang ang detalye ayon sa nais na iparating. Ang problema, hindi lahat ay may sapat na kaalaman upang aktibong magsuri sa kanilang nababasa.
Plakado ang angulo ng fake news; tinitiyak na makakabig ang emosyon upang makalagpas sa mapanuring mata ng mambabasa. Kung swak ang balita para sa kanya, ibabahagi niya ito sa iba. Kaya naman primaryang naging biktima ng fake news at propaganda ni Duterte ang mga Overseas Filipino Workers na walang ibang mapagkukunan ng balita sa Pilipinas kundi Facebook, at naghahanap ng mga kwentong emosyonal mula sa pinanggalingang bayan.
Ang paggamit sa mga cyber troop upang impluwensyahan ang opinyon ng publiko ay di lamang nararanasan sa Pilipinas, bagkus sa marami pang mga bansa, ayon sa pag-aaral nina Samantha Bradshaw at Philip Howard ng University of Oxford. Patunay lamang ito na ang pag-usbong ng mga troll ay organisado at sistematiko sa global na antas. At senyales ang malaking pago-organisa nito ng mas malalim pang layunin ng mga troll—higit pa sa pagiging makinarya tuwing eleksyon.
Fake Account
Hindi natatapos ang trabaho ng troll sa pagkaluklok ng kinakampanya nitong politiko sa pwesto. Nananatili sila para pagtibayin ang pagkakaupo ng isang administrasyon, pigilan ang paglaganap ng ideyang kalabanin ito.
Sa halip na tahasang pagbawalan ang mga tao sa pagpapahayag, gamit halimbawa ang mga batas ng censorship, ginamit ng mga administrasyon ang malayang espasyo ng internet para sa sarili nilang ganansya, ayon sa abogado ng pangkarapatang pantao na si Carly Nyst. Malaya ang sinomang magpahayag ng opinyon, ngunit kung taliwas ito sa estado, asahan ang pagdagsa ng mga troll na nagtatago rin sa karapatan nilang magsabi ng kung ano.
Ang malaya at mapang-atakeng pagkilos ng mga troll ay hindi lamang nakatuon sa mga indibidwal, kundi sa mga institusyon din ng pamamahayag sa pamamagitan ng pagpapakalat nila ng fake news. Tinatabunan ng mga troll ng balahurang mga komento ang page ng mainstream na midya, minsan pang ginagamit ang pangalan nito upang maglathala ng mga walang katotohanang mga quote ng mga kilalang tao.
Sinabayan naman ni Duterte ang pagkilos ng mga troll upang tuluyan nang mawala ang tiwala ng mga tao sa mainstream na midya. Pinaratangan niya ang mga mamamahayag na kasabwat sa “ouster plot” laban sa kanya upang masabing may motibasyon ang midya na maglabas ng mga negatibong balita tungkol sa kanyang administrasyon.
Madaling napapabagsak ni Duterte ang target na mainstream na midya dahil sa liberal na katangian ng huli. Bagaman nagsisilbing tagapagmasid ang midya sa kilos ng gobyerno, hindi magiging pantay ang relasyon ng dalawa dahil nasasailalim ang midya sa regulasyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga batas, ayon kay Graeme Burton, isang Ingles na bumibisitang propesor sa University of the West of England. Ito ang katangiang nagpapa-liberal sa larangan—antas progresibo sa pagtugon na kung minsan, hindi pa rin napapatunayan ng nasabing mainstream na midya.
Sa Pilipinas, may kakayahan ang Kongresong bigyan o pagkaitan ng prangkisa ang mga kumpanya, gaya ng nangyari sa ABS-CBN. Sa ilalim ng administrasyong madaling nababaluktot ang mga batas at konstitusyon, hindi mahirap kay Duterte na ipasara at pigilan sa pamamahayag ang mga brodkaster na di niya gusto.
Maaari rin talagang magbangga ang oryentasyon ng kasalukuyang administrasyon sa tipo ng pamamahayag ng mainstream. Kung hindi magbabangga, mainam gawing palabas ang pagganap ni Duterte bilang bukod tanging makapangyarihan na kakayaning magpasara ng dambulahang network. Litanya niya ito sa simula pa lang: change is coming, o di kaya’y, ‘papatayin ko kayong lahat.’
Komplementaryo ang kilos ng pangulo at ng mga troll, sinisigurong lahat ng uri ng pagpapahayag ay napupulis. Ngunit nagagawa nila ito sa ilalim ng kapangyarihan ng lehislatura, pailalim, unti-unti, at sistematiko ang pag-atake sa demokrasya, kaya madali itong nakakalagpas sa ating atensyon.
Deactivate
Marami nang pagsubok na itama ang ideya ng mga trolls; may mga taong hindi napapagod na magpaliwanag sa kanila. Ngunit para kay Asa Wikforss ng Stokholm University, sa pagkakataong maging viral ang isang mensahe, mahirap na itong baguhin. Lumabalas kasi na ang pagtama sa isang impormasyon ay isa lamang paraan ng mga elite o intelektwal na pagtakpan ang katotohanan.
Dahil nanggaling ang bansa sa isang rehimeng minarkahan ng pagiging elitista, kaaya-aya ang pag-usbong ng isang lider na tila sinasabi lang ang nasa isip niya. Di baleng magkamali, ito ay tanda ng pagiging ordinaryo niya. Kaya hindi maiiwasang mas paniniwalaan ng mga tao ang mensaheng nakalahad sa sarili nilang linggwahe kaysa mga pahayag na ang wika ay maiintindihan lamang ng mga aral. Pinalalaganap lamang ng bulok na sistema ng edukasyon ang pagkalat ng maling impormasyon.
Pinahihintulutan din ng malalang ekonomikong kalagayan ang industriya ng mga troll. Dahil karamihan sa kanila ay binabayaran lamang upang manggulo, at sa bansang may limitadong trabaho at maliit na sahod, hindi madaling kumbinsihin ang mga troll na iwan ang ginagawa.
Sistematikong kumikilos ang rehimen, at itinatali nito ang kanyang pagkilos sa ugat na mga problema at malalang kondisyon na mayroon sa bansa. Hindi sasapat ang indibidwalistik na hindi pagpansin sa mga troll o pag-report ng mga pinapakalat nilang fake news dahil hindi nito pinapalaya ang lahat, maging mga troll na biktima lamang.
Ang makapagpapaalis lamang sa fake news at mga troll ay ang pagpapalawak pa ng hanay na mulat sa kasalukuyang kalagayan ng bansa, na sila rin ang tuluyang magpapabagsak sa taong ginagawang instrumento ang kasinungalingan upang manatili sa pwesto. ●
Unang inilathala sa isyu ng Kulê noong Setyembre 21, 2020.