Ni MELANE A. MANALO
Hindi tunay na mabigat ang pinag-uusapan namin ng aking 13-taong kapatid nang sabihin ko ito: “Huwag ka ngang magpapaniwala basta-basta sa sinasabi sa iyo. Pagdating ng araw na malalaman mong mali pala ang mga iyan, at paniwalang-paniwala ka na, ikaw rin ang pinakamahihirapang hindi na maniwala.”
Dalawang oras at kalahati at P146 ang magugugol kung uuwi ako sa amin sa Batangas mula rito sa Maynila. Maswerte ang Batangas, patuloy ang pag-unlad nito. Lagi itong kasama sa limang nangungunang lalawigan sa Pilipinas sa human development index ng UN, dahil marami umano ang batang nakapag-aaral dito; mataas ang kita nito kung itatambal sa kanyang malaking populasyon, at mahaba ang buhay ng mga tao.
Ngunit sa lahat ng ikinapalad ng Batangas, wala nang mas ikapagpapasalamat pa kaysa sa tila paglampas dito ng matinding pananalanta ng kalikasan. O baka ang Bulkang Taal ang tanging hinihintay nito, na may kakayanang bumura sa mga karatig-bayan anumang oras? Ang totoo, iba pala ang anyo ng lava na unti-unting nagbabaon sa panutsa, kapeng barako, at balisong.
Sa bandang kanluran, naroon ang Hacienda Looc, na gaya sa ibang malalawak na pataniman ay hindi patas ang ugnayan ng may-ari at mga magsasaka. Hindi naman tiyak ang relokasyon sa mamamayan ng ilang barangay sa Lipa na masasakop ng proyektong riles ng tren. Buo na umano ang planong magtayo ng mga komersyal na panirahan sa paligid ng mismong Lawa ng Taal. Malaon na rin palang nagaganap sa lalawigan ang hindi maipaliwanag na pagkawala at pagpatay sa namumuno sa mga mangingisda at magsasaka, at pananakot ng militar sa mga komunidad.
Sa pagkaalam nito isang linggo pa lamang, nahihirapan akong tanggaping nalinlang ako ng ilusyon ng kapayapaan at kaunlaran na siyang pagkakakilala ko sa aming lalawigan. Higit pa rito, muli kong naisip na hindi ko makakaharap ang mga taga-Batangas na nagbahagi ukol sa kanilang kalagayan kung hindi ako sumama sa dalaw doon ng Philippine Collegian—kung hindi ako sumali sa Collegian bilang manunulat ng balita, at sa dulo, kung hindi ko piniling sa UP mag-aral.
Dito sa UP, sampung taon ng pag-aaral sa mababa at mataas na paaralan ang kalaban ng apat o limang taon, na binubuo ng mga babasahin, sulatin, at pananaliksik sa loob at labas ng aklatan. Kaya nga, pinakamahirap ang unang taon dito. Nakakapagod at nakalilito ang pagharap sa maraming mapagpipiliang paniniwala at pagtingin sa tao at kanyang kapaligiran. Dumating ang araw na natuklasan nating marami, kung hindi man lahat, sa inaakalang unawa at alam na natin ang hindi pa pala.
Gaya ng karangalan ang paggamit ng Filipino, sa kabila ng pagpapakilala sa Ingles bilang wikang higit na dapat matutunan. Na hindi regalo ng ibang bansa ang hanapbuhay sa call center kundi paraan upang makatipid sila sa pasahod sa manggagawa. Na walang balitang makasasabing “panig sa katotohanan” dahil maraming paraan ng paglalahad nito. Na ang mga tunay na bayani ay ang hindi natin gaanong kilala. Na nakasandig sa mayayaman at makakapangyarihan ang mga pinaniniwalaan natin, gaya ng batas at katarungan, relihiyon, estetika, at tama o mali.
Sa isang banda, maituturing nating mapalad tayong nasa UP, na nabibigyan ng pagkakataong lumagpas sa nakasanayan, lumabas sa pagkakulong ng kaisipan sa silid-aralan, tumimbang sa mga nangyayari sa lipunan, at makisama sa nakararaming mamamayan. Ngunit nagkakamali tayo kung iisipin nating sapat na para rito ang pagpasok araw-araw at pagkakita sa Oblation. Nasa pagpili natin ito ng pagkakaabalahang gawain at kasasangkutang samahan dito sa pamantasan.
Lalo na sa mga bago sa UP, susubukan mo rin bang sumali sa Collegian, o iba pang pahayagang pang-mag-aaral, at sumulat ukol sa kababayang hindi nabibigyang-pansin? Sa mga samahang nagsusulong ng karapatan ng kabataan, kababaihan, mahihirap, at kapwa mag-aaral? Sa nagsasagawa ng mga pag-aaral ukol sa ikagagaan ng pamumuhay sa ating bansa?
O sa mga samahang walang pinaninindigan at naglalayon lamang ng pagkita at kasiyahan? O mag-aral lamang?
Sabi nga, may panganib anuman ang gawin natin. Ngunit pinakamapanganib sa lahat ang piliing manatili sa sulok, tanggapin kaagad ang mga katotohanang inihaharap sa atin, at hindi kumawala sa pansariling mga suliranin, na bahagi ng higit na malaking kasiraan sa lipunan. Taglay ang bukas na kaisipan at matalinong pagpapasiya, tutugon tayo sa aktibong pakikisangkot na hinihingi ng ating panahon. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-13 ng Hunyo 2007, gamit ang pamagat na “Balisong.”