Kung hindi ipinagkakait, ninanakaw ng estado ang lahat sa atin—mula sa oras, mga batayang karapatan, pondo, at maski buhay. Karahasan ang batayan ng administrasyon sa pamumuno nito, at ang pagdukot ng kung anong kaya nilang makuha para sa sariling ganansya ay pagpapatunay nito.
Malakas ang loob ni Duterte sa kanyang unang State of the Nation Address na bubuwagin niya ang korapsyon sa gobyerno sa ilalim ng kanyang termino. Ngunit sa nalalabi niyang panahon bilang pangulo, bukod sa hindi pa nareresolba ang mga isyu ng korapsyon, nadaragdagan pa ang mga maanumalyang aktibidad ng kanyang gabinete at iba pang ahensya, sa panahon pang humaharap sa krisis pang-ekonomiya’t pangkalusugan ang bansa.
Habang ilang milyon ang nawalan ng hanapbuhay, habang nagkukumahog ang mga pamilyang mabayaran ang malalaki nilang gastusin sa ospital at sa pang-araw-araw, bilyon-bilyong piso ang hindi napapakinabangan ng mamamayan dahil sa mga katiwalian at di-makatwirang paggastos sa pondo ng pamahalaan.
Inilabas ng Commission on Audit (COA) noong nakaraang buwan ang ulat nito ukol sa mga ahensyang di buong nagagamit ang kanilang pondo, o di kaya’y bumibili ng mga kagamitang doble o triple sa karaniwan nilang presyo.
Hindi nagamit, halimbawa, ng Department of Education ang higit P20 bilyon sa badyet nito gayong maraming estudyante ang hirap na punan ang kanilang pangangailangan para sa remote learning. Hindi rin nakakuha ng tulong ang mga manggagawang benepisyaryo ng mga ayuda sa ilalim ng Department of Labor and Employment; kung may natanggap man, ito ay mas mababa kumpara sa P5,000 o P10,000 na dapat nilang makuha.
Mismong Department of Health (DOH), na primaryang ahensyang tumutugon sa COVID-19, ay nakakitaang nagwaldas ng pondo para sa mga di-esensyal na kagamitan, gaya ng face shield. Natuklasan ding gumastos nang labis ang ahensya sa pagbili ng mga dapat ay murang mga kagamitan mula sa isang korporasyong konektado kay Michael Yang, dating economic adviser ni Duterte.
Napansin ng mga mambabatas ang kahina-hinalang pagkapanalo ng Pharmally sa bilyon-bilyong halaga ng kontrata para magsuplay ng mga medikal na kagamitan, gayong bagong tayo lamang ito at maliit pa lamang ang kapital. Natuklasang tinutugis din sa Taiwan ang ilang opisyal sa kumpanya dahil sa iba’t ibang mga kaso.
Nagawa ng pamahalaang gumasta at mangutang para sa overpriced na mga kagamitan sa gitna ng sunud-sunod na protesta ng mga manggagawang medikal na hindi nakatanggap ng sapat na kompensasyon o kakarampot ang nakuhang hazard pay at iba pang allowance.
Ang ulat ng COA ay hindi ang unang nagbunyag ng katiwalian sa gobyerno sa paggamit nito ng pondo para sa COVID-19. Hanggang ngayon, hindi pa nakukumpleto ng PhilHealth ang pag-liquidate nito sa nawawalang P15 bilyon mula sa “interim reimbursement mechanism,” isang iskema diumano ng cash advance. Noong 2020, sa kasagsagan ng pandemya, nagdulot ang kontrobersyang ito ng galit ng publiko. Hirap ang mga ospital noon, at maging ngayon, na panatilihin ang kanilang mga operasyon dahil sa di pa nababayarang utang ng PhilHealth, buhat ng di-kagyat na pagproseso nito sa mga claim ng mga ospital. Anupa’t ilang pangkalusugang pasilidad na nga ang nagsara sa gitna ng muling pagdami ng kaso ng Delta variant.
“One whiff of corruption, you’re out,” deklarasyon ni Duterte sa mga kawani ng gobyerno noong 2016. Ngunit napatunayan na ng mag-aanim na taon niyang pamamalakad ang kabalintunaan ng kanyang mga salita. Ito ang partikular, ang nagpapaiba’t nagpapasahol sa burukrasya ni Duterte kumpara sa mga naunang administrasyon: ang hilig niyang muling simutin ang mga personalidad na isinusuka na ng taumbayan.
Maaalala ang impluwensya ni Duterte sa pagpapawalang-sala sa pandarambong ni Gloria Macapagal-Arroyo, ilang buwan lang mula nang mahalal siya bilang pangulo. Bago matapos ang taong 2020, itinalaga niya si Arroyo bilang presidential adviser sa mga proyekto sa Clark, Pampanga. Kasama sa mga proyektong inaasahang papagpasyahan ni Arroyo ang mga establisimyento ng Philippine Offshore Gaming Operations, gayundin ang mga negosyo sa real estate na ipapatayo ni Michael Yang sa Clark Freeport Zone.
Taong 2017 naman nang matuklasang may kinalaman si Nicanor Faeldon sa pagpuslit ng bilyon-bilyong halaga ng shabu sa Bureau of Customs na pinamumunuan niya. Ngunit namanata pa si Duterte sa katapatan ni Faeldon sa halip na sibakin at ipakulong ito. Inilipat niya si Faeldon sa Office of Civil Defense, at matapos nito’y itinalaga naman ang huli bilang director-general ng Bureau of Corrections, kung saan pinasimunuan ni Faeldon ang maagang pagpapalaya sa mga nakakulong kapalit ng sandamakmak na salapi.
Ngayon, lantad ang proteksyon ni Duterte kay Francisco Duque III, sekretarya ng DOH, at maging kay Michael Yang at sa iba pang namumuno sa mga dayuhang korporasyong nadadawit sa isyu ng korapsyon.
Hindi lamang mga magnanakaw at mandarambong ang binibigyang-proteksyon ni Duterte. Paulit-ulit ding ibinabalik at pinananatili sa pwesto silang mga mersenaryo ng estado at mukha ng kawalang katarungan sa bansa.
Si Debold Sinas, na nagpa-birthday party at sumuway sa quarantine protocol, ay naging pinuno ng pulisya. Sa kanyang anim na buwang termino rito, inilunsad niya ang madugong crackdown na kumitil sa siyam na aktibista sa Calabarzon noong Marso. Nagretiro man sa puwesto, ibinabalik siya ni Duterte ngayon bilang undersecretary sa Malacañang.
Si Antonio Parlade, na naging tagapagsalita ng National Task Force To End Local Communist Armed Conflict at tahasang nang-red-tag sa mga progresibo bilang mga komunista, ngayo’y kanang kamay ni Hermogenes Esperon sa National Security Council, ang ahensyang lumilikha ng mga polisiya ukol sa sinumang pinaniniwalaang banta sa kaligtasan ng estado.
Higit sa pagiging matapat sa kanyang mga kasapakat, sinisiguro ni Duterte ang suporta ng kanyang mga tauhan, ang pagpigil sa tuluyang paglagas ng kanyang paksyon, upang manatili sa pwesto. Habang ibinibigay niya ang buong suporta sa mga kakampi’t kroni, gayon naman ang pag-usig niya sa mga nangunguwestiyon at nag-iimbestiga sa mga ito.
Binantaan ni Duterte na ipapa-audit niya ang Philippine Red Cross na pinamumunuan ni Richard Gordon, nangungunang senador na nagi-imbestiga kay Duque. Ang Office of the Ombudsman naman, na dapat ay nag-iimbestiga sa mga korap na opisyal, ay sumunod sa kumpas ni Duterte at nagbantang ipakukulong ang sinumang magkumento sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth ng mga opisyal ng gobyerno.
Hayag ang pagbatay ng estado sa karahasan para palakasin ang kapit sa kapangyarihan at pangalagaan ang kanilang sariling interes. Walang pagtatangi nitong hahayaan ang mga manggagawang medikal na maghirap sa kakarampot na sahod at benepisyo. Pababayaan nitong nagugutom ang milyon-milyong mahihirap upang patabain ang sarili nilang mga bulsa. Karahasan ang pagnanakaw, ang pagkakait mula sa mga batayang sektor ng mga serbisyong dapat ay nakakamtan nila, dahil ang kawalan ng suporta at tulong sa kanila ay usapin ng buhay at kamatayan, lalo sa panahong ito.
Sukdulan ang pagkaganid at pagiging gahaman ni Duterte, na ultimo ilan sa mga nakasama niyang may-kapangyarihan noong una ay unti-unting tumatalikod na sa kanya. Pinalala pa ito ng proklamasyon niyang tumakbong bise-presidente sa susunod na pambansang halalan. Ang labis niyang pagnanais sa yaman at kapangyarihan ang lumilikha ng mga paksyon sa loob ng lipon nilang may-kapangyarihan.
Para sa ating naghihirap, ang unti-unting pagbiyak ng naghaharing uri ay signos ng perpektong tiyempo upang tuluyan nang patalsikin ang dahilan ng ating pagdurusa. Pumupunto ito sa pagkakataong magkaroon ng mas buong kaisahan laban kay Duterte, at sa marahas niyang pamumuno.
Sa gayon, pinakamadali nang makumbinsi ang malawak na hanay ng masa na lagutin ang marahas niyang pamumuno, ‘pagkat ngayon, wala nang mawawala sa ating ninakaw ang lahat-lahat na. ●