Ni PRISTINE TIANGO
Walang iisang bersyon ang kasaysayan.
Ang ambush attempt kay Juan Ponce Enrile noong 1972, halimbawa, ay may tatlong bersyon mula mismo kay Enrile. Ilang taon pagkalipas ng tangkang pag-ambush sa kanya, na naging dahilan sa pagdedeklara ng Martial Law, ay inamin niyang gawa-gawa lamang ang kuwento—roleplaying kumbaga, at planado ang lahat ng naganap.
Ngunit nang inilathala ang kanyang biography, muling nag-iba ang kanyang salaysay: totoo umano at hindi huwad ang tangkang pagkitil sa kanyang buhay. Ano ba talaga?
Nagbabagong Naratibo
Madalas, malalagim na imahen ang iniuugnay sa Martial Law. Noon, maaaring hulihin ng pulis at militar ang kahit na sinong mapagkakamalan nilang basag-ulo o rebelde. Makanti mo lang sa kahit pinakapayak na paraan si Marcos, mawawalang katiyakan ang pananatili mo sa mundo—libo-libo ang ipinapatay at sapilitang dinukot noong panahong iyon.
Gayunman, hindi lahat ay magsasabing tunay ngang malagim ang paghahari ng diktador. Sa isang panayam kay Roberto Ongpin, dating trade secretary ni Marcos, sinabi niyang si Marcos talaga ang nagwagi noong 1986 presidential elections kahit na hindi rito naniniwala ang mga Pilipinong nakibahagi sa unang People Power.
Kung tatanungin naman ang mga taga-Ilocos Norte, ang bayang kinalakhan ni Marcos, sasabihin ng marami sa kanilang maunlad ang buhay noong kapanahunan ng dating presidente. Ani nga ni Senador Bongbong Marcos, kung hindi napatalsik ang kanyang ama’y baka sing-unlad na ng Singapore ang Pilipinas ngayon.
Dahil dito, may mga nagpapanukala na magsulat ng iisang depinitibong tala ng Martial Law, na siyang ituturo sa mga paaralan. Isa si Pangulong Benigno Aquino III sa mga naniniwalang sa dami ng posibleng bersyon, marapat umanong may iisang naratibong maglilinaw sa mga karahasang naganap sa bahaging ito ng kasaysayan.
Bagaman hindi maaaring isama ang lahat ng panig sa iisang tala, mahalaga ang pagkakaroon ng iisang naratibo na ipalalaganap sa mga Pilipino. Sapagkat ang kasaysayan ay isang paraan ng pagtatakda ng pagkakakilanlan ng isang bayan, at instrumento ito upang hubugin ang kaisipan ng mamamayan.
Ngunit hindi isang neutral na proseso ang pagsulat ng kasaysayan. Sa pagsulat nito at sa pagbibigay identidad sa isang bayan, isang mahalaga’t mapagpasyang salik kung sino at anong lente ang gagamitin sa pagtala ng mga kaganapan.
Saysay ng Salaysay
Naniniwala ang pilosopong si Plato na kung sino ang nagsulat ng kasaysayan ay siya ring may hawak ng kapangyarihan. Sa konteksto ng Pilipinas, mamamalas ito kung paanong ikubli sa atin ng mga banyagang historyador ang mayaman nating kasaysayan, at ang mga karahasang inihasik nila sa ating bayan.
Sadyang ipinasunog ng mga Kastila noon ang lahat ng tala ukol sa mitolohikal nating mga paniniwala. Ipinabago nila ang pangalan at hitsura ng ating mga diyos at diyosa, at ipinostura sila bilang kahindik-hindik na mga nilalang, gaya ng kapre at bakulaw.
Samantala, sa pagtatakda ng mga Amerikanong historyador sa kung sino ang ituturing nating mga bayani noong panahon ng pananakop ng Kastila at Amerikano, ay pailalim nilang kinundisyon ang kaisipan ng mga Pilipino. Sadyang ginawa nilang pambansang bayani si Jose Rizal, halimbawa, dahil mas pasibo ang ginawa nitong paglaban kumpara sa agresibo’t armadong pakikibakang pinamunuan ni Andres Bonifacio.
Tuwing tinatalakay naman ang Martial Law, lagi itong nakakulong sa iilang mga tauhan: ang mga Marcos, ang kanyang mga crony, si Ninoy Aquino, at ang asawa niyang si Cory. Hindi nabibigyang-diin sa mga textbook ng elementarya at hayskul ang iba pang mga lider na nanguna sa paglaban sa diktadura. At higit sa lahat, hindi rin nabibigyang-pugay ang libo-libong ordinaryong Pilipinong lumaban para dito.
Hindi rin naitatampok ang ilang mga tauhan na instrumental sa pagsibol, paghari, at pagbagsak ng rehimeng Marcos. Bibihirang nababanggit ang impluwensiya ng Estados Unidos (US) sa lahat ng naganap, at hindi naililinaw ang konteksto kung bakit marami ang nagbansag kay Marcos bilang “papet” at “tuta.” Kasabay ng paglakas ng kampanya kontra-Marcos noong 1986 ang pag-atras ng suporta ng US sa pangulo.
Ang kawalan ng malinaw at malalim sa konteksto sa ating kasaysayan ang siya ring nagiging dahilan sa kawalan natin ng malalimang pagsusuri at pagkaunawa sa kasalukuyan nating kalagayan.
Tiyak na Tala
Mistula mang laganap ang nosyon na kurakot ang mga Marcos, at naging taksil sila sa bayan noong dekada 70 hanggang 80, kapansin pansin kung paano sila muling tinanggap at iniluklok sa mga posisyon sa gobyerno. Kasalukuyang kongresista si Imelda Marcos, samantalang senador si Bongbong at gubernador si Imee.
Kung aaralin ang mga pagbabago’t pag-unlad ng maraming salik—impluwensiya ng mga Marcos, depiksyon ng media, estado ng pulitikal na espasyo sa bansa— mauugat at higit na maipaliliwanag kung paano nauunawaan ng mga Pilipino sa kasalukuyan ang mga naganap sa nakaraan.
At kung may kailangan mang piliing lente ang mga historyador—dahil selektibo ang proseso ng pagsulat ng kasaysayan—marapat lamang na suriin nito ang mga kaganapan mula sa perspektiba ng pinakamaraming Pilipino. Dahil kung may tunay man na sasalamin sa kalagayan ng bansa, noon hanggang ngayon, ay ang mga karanasan hindi ng mga nasa tuktok ng kapangyarihan kundi ng payak na mamamayan.
Sa pagsuri sa nakaraan, lagi’t laging may pangangailangang suriin kung paano umusad ang kolektibong kamalayan ng mga Pilipino sa anumang bahagi ng kasaysayan. Sa pagbabalik tanaw sa Martial Law, halimbawa, mahalagang umigpaw sa mga kilalang pulitikal na personalidad at ituon ang pansin sa kung paano namulat at nagpasyang kumilos ang malaking bahagi ng populasyon na nagpasyang itigil ang diktadura.
Marapat ding balikan kung sa paanong paraan nakundisyon ang mamamayan sa ilalim ng pamumuno ni Corazon Aquino at ng mga sumunod pang mga pinuno. Sa huli, nananatili ang kahingian na salaminin ng mga makasaysayang tala ang danas at pag-unawa ng nakararami, dahil sila, at hindi ang iilang makapangyarihan, ang tunay na mapagpasya sa paghubog ng kasaysayan. ●
Unang inilathala sa isyu ng Kulê noong ika-7 ng Marso 2013, gamit ang pamagat na “Saysay ng Kasaysayan.”