Laging bilin sa akin ng Lola ko noong nabubuhay pa siya, huwag na huwag daw akong maiinggit kaninuman. Lason daw itong walang magandang dulot sa katawan ng tao.
Ngunit kung ako si F. Sionil José, talaga namang maiinggit ako kay Maria Ressa. Matapos mong paniwalain ang sarili sa kalokohang buhay na buhay ang kalayaan sa pamamahayag sa bansa’t ipagkataas-taas ang mamamatay-taong pangulo, bigla-bigla na lang mapupunta sa iba ang gantimpalang pinakaaasam mo sa buhay, ang dahilan kung bakit pinipilit mo pang mabuhay hanggang maaari.*
Sa katunayan, napakataas ng tingin ko dati kay José. Siya ang dahilan kung bakit ko piniling mag-aral ng malikhaing pagsulat, at gusto ko ring makapagsulat ng historikal na nobela, katulad ng kanyang Rosales Saga, tungkol sa aking tinubuang probinsya. Halos paniwalaan ko pa siya nang sabihin niyang ang dahilan ng kababawan ng mga Pilipino ay sa mas pagtangkilik sa sarili nating katutubong sayaw kaysa banyaga. Bumababa rin daw ang kahiligan ng mga Pilipino sa pagbabasa dahil paunti nang paunti ang kita ng bookstore niyang, kung tutuusin, pinondohan pa ng mga Amerikano sa pamamagitan ng Congress for Cultural Freedom.
Ngunit dahil hindi sapat para sa katulad niyang inggit na pumikit na lang, magbabato pa siya ng mga kasinungalingan—mga retorikang madalas ding ibulalas ng kanyang poon sa Malacañang at mga alipores nito.
Aniya, kasalanan ng Kongreso ang pagpapasara sa ABS-CBN, hindi ni Duterte. Lingid sa pumupurol niyang kaalaman, hindi lamang usapin ng kapangyarihan at oligarkiya ang isyu ng pagpapasara ng ABS-CBN, kundi ng pagbusal sa pinakamalaking media outfit sa bansa at pagkawala ng trabaho ng 11,000 manggagawa sa kabila ng pandemya.
Wala rin daw mamamahayag ang nakakulong o nakukulong ngayon, wala raw ipinasasarang dyaryo o estasyon ng radyo, at walang nagaganap na censorship sa mga mamamahayag. Masyado na sigurong mataas ang bakod sa Solidaridad Bookshop para makilala pa niya si Frenchie Mae Cumpio. Hinuli kasama ng apat na iba pang human rights workers at aktibista sa Tacloban noong Pebrero 2020, kinasuhan si Cumpio ng gawa-gawang kaso ng illegal possession of firearms at patuloy na nakakulong hanggang ngayon. Pumapalo na rin sa 19 ang bilang ng mga pinapaslang na mamamahayag sa ilalim ni Duterte, at patuloy ang panggigipit at paniniktik sa mga kritikal na mamamahayag, ayon sa datos ng Philippine Center for Investigative Journalism.
Pero ano nga ba ang pakialam ni Jose sa mga ito? Ligtas siyang nakakakain ng paborito niyang hamburger sa kanyang tahanan, at pensyonado pa buhat ng pribilehiyo ng pagiging pambansang alagad ng sining. Wala rin namang naiaambag sa diskurso sa mga panlipunang usapin ang kanyang mga kolum na isinusulat dahil, ayon nga sa iba, “May nagbabasa pa ba sa kanya?” O sa pabirong, “Buhay pa pala siya?”
Ni minsan sa kanyang mahabang buhay, hindi naman siya natutong kumilos at makibaka kasama ng maralitang malimit na gamitin niyang tauhan sa kanyang mga kwento’t nobela. Hanga man siya sa talento’t sigasig ng pagkilos ng mga Lacaba at iba pang manunulat na nag-armas noong Batas Militar, at naging malapit na kaibigan pa ni Bien Lumbera, hanggang simpatya lang siya sa kilusang kinabibilangan nila, at makalipas ang ilang taon ay kukundenahin din niya.
Mahirap pagsabihan ang bata, ngunit mas mahirap pagsabihan ang mga matatandang walang pinagkatandaan, lalo na ang mga katulad ni José na tahasang nagbubulag-bulagan sa katotohanan. “We have become our worst enemies,” sabi ni José sa kanyang nobelang Ben Singkol (2001), mga salitang palaging ginagamit ni Duterte sa kanyang mga talumpati. Ngunit sa pagkakataong ito, marahil, silang dalawa mismo ang tinutukoy nilang “worst enemy.”
Ito na lang siguro ang papel ni José sa kasalukuyang lipunan—ang ipaalala sa ating hindi kailanman magiging dakila silang nagpupumilit ng kadakilaan para sa kanilang mga sarili. Babala si José, at mga katulad niya, sa mga manunulat na ang tanging layunin ay magsulat lang para sa sariling ganansya. Lumilipas din ang panahon, at unti-unti rin silang nawawalan ng kabuluhan sa lipunan, ilang premyo’t pagkilala man ang matanggap nila sa buhay.
Bagaman malawak pa rin ang pagkilala kay José ng mga manunulat at ilang grupong pangmanunulat, panahon na para ibasura ang kanyang impluwensya’t hayaan siyang hukayin ang sarili niyang libingan nang mag-isa.
Mabuti na lamang at, kaiba sa tindig ng kanilang tagapagtatag, kinundena ng Philippine Center for International PEN ang pagpataw ng pasyang guilty kay Ressa at Rey Santos Jr. sa kasong cyber-libel noong isang taon. Sa pagkapanalo ni Ressa ng Nobel Peace Prize ngayong taon, palatandaan ito di lang ng unti-unting pagbagsak ng mga anti-demokratikong pwersa sa buong daigdig, kundi ng kawalan din ng saysay ni Jose at ng kanyang mga sabi-sabi sa pandaigdigang entablado kung saan niya ipinagpipilitan ang sarili.
Kaya kung ako kay Jose, imbis na mainggit, gagamitin ko ang pagkakataong ito para magnilay at magtika. At siguro, magdasal nang taimtim na sa susunod na taon, dinggin na rin ng Diyos ang kanyang panalangin. Sino ba namang may ayaw ng medalyang ginto, 1.4 milyong dolyar, at pagkakataong makahanay ang mga pinakadakilang nilalang sa buong mundo.
Sa ngayon, katulad ng sinasabi ng mga bata kapag nagkakaasaran na, “Mamatay na ang inggit.” ●
* Nakasaad sa charter ng Nobel Prize na hindi ito pwedeng igawad nang posthumous, ngunit may dalawang pagkakataon sa kasaysayan na iginawad ito makalipas mamatay ang recipient nito.