Makukulay at malalaking mga prutas at gulay ang makikitang nakahilera sa mga supermarket, animo’y hindi totoo at bahagi lamang ng isang “Still Life” painting. Kumpara sa mga binebenta sa mga palengke, mas mahal ang mga ito at kadalasang selyado ng mga kilalang brand. Ngunit liban sa mga ito, mayroon pang mas espesyal at may naiibang tatak: “100% organic.”
Nakahain sa hapag ng iilang maykaya ang mga pagkaing ipinagmamalaking “organic.” Masasabing organic ang isang sangkap o mismong pagkain kung hindi ito ginamitan ng pestisidyo sa pagtatanim o pag-aani. Dahil dito, mas mabuti ang mga pagkaing organic sa katawan ng tao dahil wala itong halong kemikal na makakasama sa makakakonsumo, gayundin sa mismong mga nagtatanim, na maaaring pagmulan ng mga nakamamatay na sakit.
Ngunit kung gaano ang mga ito kasustansya at kaligtas kainin, ganoon din ito kamahal sa merkado—halos doble ng karaniwan. Halimbawa, kung P60 kada kilo ang regular na saging na saba, umaabot naman ang organic sa mahigit P200. Tiyak, hindi ito abot-kaya ng karaniwang mamamayan sa mga lungsod.
Bakit nga ba mailap at mahal ang mga pagkaing organic? Dahil sa patuloy na kawalan ng lupa at subsidiya ng pamahalaan sa mga ginagastos sa pagtatanim, nananatiling mahal ang produksyon ng mga pagkaing organic. Pinaghaharian pa rin hanggang ngayon ng mga pinakamayayamang maylupa ang kalakhan ng mga sakahan at taniman dito sa Pilipinas, habang nananatiling atrasado ang mga kagamitan ng mga magsasaka. Bukod pa ito sa malawakang pangangamkam ng lupa ng malalaking dayuhang korporasyon at mga minahan.
Samakatuwid, iilang magsasaka lamang ang nagsasagawa ng organic farming at sa maliliit na lupain lang. Lumalabas sa pag-aaral ng Philippine Network of Food Security Programmes (PNFSP), isang nongovernment organization, na mangangailangan ang mga magsasaka ng mas malawak na lupain upang tuluyang makapagsaka gamit ang organic farming. Sa ganitong paraan, maaaring mapalaki ang produksyon ng mga produktong organic at mapababa ang presyo nito sa merkado.
Marami nang mga magsasaka mula sa iba’t-ibang parte ng bansa ang nagsasagawa ng organic farming, dahil malaki ang natitipid nila sa ‘di paggamit ng mga pestisidyo at mga produktong agrokemikal na nakakasira sa mismong produkto at sa lupang kanilang pinagtatamnan. Dagdag pa ng PNFSP, napapaloob ang organic farming sa konsepto ng “sustainable agriculture”—malaya sa dikta ng mga panginoong maylupa, ahensya ng pamahalaan, at mga malalaking korporasyong transnasyunal at agrokemikal.
Gaano man kaganda ang anyaya ng organic farming, kung magpapatuloy pa rin ang pagkakait sa mga magsasaka ng sarili nilang lupa, mananatiling para lamang sa iilan ang mga produktong organic. Kung kaya’t kasabay ng organic farming, nananawagan din ang mga magsasaka ng isang tunay na repormang agraryo sa pamamagitan ng libreng pamamahagi ng lupa, na isinusulong ng iba’t ibang sektor sa Genuine Agrarian Reform Bill.
Tunay ngang masustansya ang mga produktong organic. Ngunit mahalagang mabatid na sa likod ng mga produktong ito, nananatili ang mga isyung patuloy na kinahaharap ng mga magsasaka kung kaya marapat silang samahan sa kanilang laban.
Katulad ng larawan ng isang Still Life, sa likod ng rangya at ganda nito, nananatiling naghihirap ang mga kamay na “nagtanim ng papaya at ubas, nagdilig sa dalandan at mansanas*.” ●
*Mula sa tulang “Sa Sinumang Pintor ng Still Life” ni Virgilio Almario. Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-26 ng Oktubre 2017, gamit ang pamagat na “Sustansya at Ganansya.”