Sa darating na eleksyon, tiyak ang tagumpay ng kandidatong makakapagpuno sa sikmura ng mga botanteng sadlak sa gutom. Kung sa paraan ito ng isang panunuhol o sa pagpresenta ng praktikal na platapormang lulutas sa kagutuman ay di mahalaga. Dahil sa panahong ito, iisa ang hinahanap ng mamamayan, lalo ng mga pesanteng nakabulid sa pagkagutom—ang papansin at tutugon sa kumakalam nilang tiyan ngayon.
Sa tala ng Food and Agriculture Organization, umakyat sa 46.1 milyong Pilipino ang nakaranas ng moderate o severe food insecurity sa taong 2018 hanggang 2020, mula sa 42.1 milyon noong 2014 hanggang 2016. Tinataya namang 956,300 mga pesante ang hindi nakakakuha ng sapat na pagkain ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Hindi nakakagulat, kung tutuusin, na nakakaranas ng matinding kagutuman ang mga mismong prodyuser ng pagkain. Sa matagal na panahon, ang mga pesante ang nakapagtatala ng pinakamataas na poverty incidence kumpara sa ibang mga sektor, patunay na hindi halos nagbabago ang kanilang kalagayan.
Sa kawalan ng sapat na kita, lalong nahihirapan ang mga pesanteng magkaroon ng akses sa pagkain. Kasabay nito ang mabilis na pagtaas naman ng presyo ng mga pagkain. Bunsod ito ng kakulangan ng suplay, anang pamahalaan, kaya walang patumanggang itinulak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aangkat ng mas maraming dayuhang produkto sa bansa.
Ang pagbubukas ng lokal na merkado ng agrikultura sa mga dayuhan ang iiwang pamana ng administrasyong Duterte sa mga pesante. Sa loob ng limang taong pamumuno, sa halip na suportahan ang lokal na mga prodyuser, mas binigyang importansya ng pamahalaan ang interes ng mga banyaga. Lantad ito sa malaking pagtaas ng import dependency ratio ng bansa sa mga nakalipas na taon.
Noong 2019, 20.2 porsyento ng bigas sa bansa ang imported, malaking pagtalon mula sa limang porsyento lamang noong 2016, dahil sa Rice Tarrification Law (RTL), na nagtatanggal ng restriksyon sa dami ng bigas na ipinapasok ng mga dayuhan. Gaya ng mga magsasaka, sa halip na bigyang subsidyo ang mga lokal na prodyuser ng baboy na naapektuhan ng African Swine Fever, pinili ng gobyernong mag-import na lamang ng tone-toneladang karne sa bisa ng Executive Order 133.
Hindi lang karne, maski galunggong ay ini-import na rin. Bago maupo si Duterte sa pwesto, wala pa sa isang porsyento ng nasabing isda ang ini-import ng Pilipinas, ngunit noong 2019, dalawa sa sampung galunggong sa palengke ay mula na sa ibang bansa.
Nagresulta ang pagpasok ng mas maraming imported na produkto sa bansa sa higit dalawang bilyong dolyar na trade deficit sa ikalawang kwarto ng taong ito. Ang unti-unting dominasyon ng mga imported na produkto ay nagpapakipot ng oportunidad para linangin ng Pilipinas ang sarili nitong produksyon. Napipilitan ang mga pesanteng lalong ibaba ang farmgate na presyo ng kanilang mga ani at huli para makasabay sa presyo ng mga inaangkat na produkto.
Idinaing na nga ng magsasaka ang masyadong mababang bentahe ng kanilang produkto kumpara sa gastos nila sa pagtatanim. Nasa 12 piso kada kilo ang ginagastos ng mga magsasaka ng palay, ngunit naibebenta lamang ito sa ilang probinsya sa halagang 12 hanggang 15 piso kada kilo.
Kung hindi binabalewala ng gobyerno ang krisis sa kanayunan, ang mga polisiya namang ipinapatupad nito ang nakakasakit pa sa mga pesante, di lang sa kanilang bulsa kundi maging sa kanilang kaligtasan. Dahil binabarat na nga sa mga palengke, ang mga magsasaka pa ang pinagbubuntunan ng karahasan ng estado.
Mula nang maupo si Duterte sa pwesto, nakapagtala ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ng 336 na pagpatay sa mga magsasaka. Ilang mga pesanteng aktibista at progresibo rin ang nakulong sa Bicol, Negros, at Samar dahil sa Memorandum Order 32, na nagdedestino ng mas maraming sundalo sa mga nasabing probinsya. Iba’t ibang operasyon din ang ibinunga ng Executive Order 70, na naglulunsad ng whole-of-nation approach sa kontrainsurhensiya.
Orkestrado ng pamahalaan ang ganitong mga atake. Sa katunayan, kinikilala ng PAN Asia Pacific (PANAP) ang Pilipinas bilang pinakamarahas na bansa para sa mga pesante. Bahagi ang bansa sa muwestra ng pandaigdigang karahasan kontra-pesante, gayong nakapagtala ang PANAP ng 128 kaso ng paglabag sa karapatang pantao ng sektor sa buong mundo noong 2018.
Global at sistematiko ang pagpapanatili sa mga pesante sa laylayan, anupa’t ang kanilang paglaya at pag-unlad ay pagtuldok sa mapang-aping sistemang pang-ekonomiko. Dahil paano babaratin ng naglalakihang mga kumpanya ang mga magsasaka kung ang huli ang may kontrol sa produksyon?
Sinasadya ng lupon ng mga dambuhalang interes, gaya ng United Food Systems Summit (UNFSS), na bumuo ng mga programang lumpo—ang pagbuo, halimbawa, ng koalisyon sa pagitan ng mga multilateral na institusyon at organisasyon upang tugunan ang krisis sa pagkain ng mundo. Iniitsa-puwera ng programa ng UNFSS, sa pinakabuod, ang mismong mga magsasaka sa kanilang pagkilos at batayang panawagan.
Hindi rin sagot ang lalo pang paglaki ng global na produksyon ng pagkain lalo’t nakabatay ito sa sistema ng monopolyo at tubo. Iilang mga transnasyunal na korporasyon ang nagmamay-ari ng mga kinokonsumo natin, at sa pagkontrol nila sa merkado ng pagkain, sila ang nagdidikta ng produksyon at presyo nito. Hindi maitanim ng ating magsasaka ang mga produktong pinaka-kailangan ng sambayanan gayong dinidiktahan ng mga panginoong maylupa ang dapat na anihin ayon sa kahingian ng mga malalaking kumpanyang komprador.
Naging kasangga ng mga nasabing interes ang administrasyong Duterte sa loob ng limang taon. Kasapakat ng pangulo ang mga gaya ni Ramon Ang, Cynthia Villar, at kahit ang anak niyang si Sara Duterte, na nagmamay-ari ng mga lupain sa bansa. Pinapaboran ang mga panginoong maylupa ng mga polisiya, pinapadali ang proseso ng pagpapalayas sa mga lokal na residente, o di kaya ng reklamasyon ng mga ilog, para lamang makapagtayo ng negosyo ang mga ito.
Umiiral at napananatali ang kahirapan sa kanayunan sa pamamagitan ng pagkakait sa mga mambubukid ng sariling lupa—sa gayon kontrol sa kanilang produksyon—at panghuhuli’t pagpaslang naman sa kanilang mga susubok na ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Mananatiling huwad at walang bisa ang anumang programang sumasagot sa krisis sa pagkain kung hindi nito tutugunan ang primaryang problema ng mga prodyuser—ang kawalan ng lupa ng mga magsasaka, ang pagkasaid ng mga pesante sa karukhaan at walang-tigil na pag-uusig.
Kahingian ngayon sa mga nagnanais na palitan si Duterte na tugunan ang ugat na suliranin sa sektor ng agrikultura, na likha hindi lang ng kasalukuyang administrasyon bagkus ng ilang dekadang pananamantala.
Ang suporta sa mga pesante ay sumasaklaw mula sa pagbibigay ng ayuda at subsidyo para sa kanilang produksyon hanggang sa paniniguro na magkakaroon ng sariling lupa ang mga magsasaka. Ilang mga polisiya ang marapat na lansagin at mga pampulitikang tradisyon na dapat nang basagin, gaya ng palagiang pambabansot sa badyet ng agrikultura, pagbubukas ng merkado sa mga dayuhan, at pagpapairal ng mga huwad na repormang agraryo.
Magiging patunay ng dedikasyon sa pagbabago ng mga tumatakbong pulitiko ang plataporma nila sa agraryo, gayong instrumental ang pagpapalaya sa mga pesante upang maiangat ang bayan mula sa laylayan. Ngunit pumalya man ang sinumang pumalit kay Duterte na tugunan ang daing ng mga magsasaka, handa ang sambayanang gutom na itulak ang laban sa sarili nitong lakas at pamamaraan. ●