Isa sa pinakamatingkad na bahagi ng buhay ko sa UP ay ang Lakbayan ng Pambansang Minorya. Sa taun-taong pagbisita ng pambansang minorya sa pamantasan, napagtanto kong higit pa sa makukulay na kasuotan at tradisyon ang mga katutubong grupo sa ating bansa. Manapa, malayo sa payak na pamumuhay na madalas ipakita sa midya at mga teksbuk sa klase ang kanilang buhay.
Pumutok na parang bulkan sa buong pamantasan ang balita ng pagpaslang sa mga Lumad lider noong panahong iyon. Pinatay nang nakagapos sa loob ng faculty room ng Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (ALCADEV) ang executive director nito na si Datu Bello Sinzo, at sina Dionel Campos at Emerito Samarca naman sa harapan mismo ng kanilang komunidad.
Sa ilalim ng mapaniil na kontrainsurhensyang programang Oplan Bayanihan ni dating Pangulong Noynoy Aquino, pilit pinagkakaitan ng karapatan sa lupang ninuno at sariling pagpapasya ang mga Lumad, istretehiya ng pamahalaan upang magtanim ng kaguluhan sa kanayunan at bigyang-daan ang mga dayuhang korporasyong pakinabangan at pagsamantalahan ang likas na yaman ng bansa.
Binura ng kalunos-lunos na sitwasyon ng mga Lumad at iba pang pambansang minorya ang lahat ng agam-agam ko tungkol sa aktibismo. Sa kanila ko natutuhan ang edukasyong mahigpit na nakatali sa kanilang kabuhayan at tradisyon—malayo sa kinagisnan kong simpleng paghahanda lang sa paglahok sa murang paggawa.
Ito ang dahilan kung bakit ilegal na nanghimasok ang mga pwersa ng estado sa University of San Carlos sa Cebu noong Pebrero 15. Dahil sagka sa interes ng estado, ipinipintang subersyon ang kanilang edukasyon, kaya kinakailangang “sagipin” ang mga batang Lumad. Ngunit malaki itong kasinungalingan, dahil ang estado ang mismong dumarahas sa mga katutubong Lumad at nagtulak sa kanilang maging bakwit.
Kahindik-hindik na tinawag itong “rescue operation” gayong parang kriminal na pinagdarampot ang higit 40 estudyante’t guro. Manapa, mismong si National Security Adviser Hermogenes Esperon na rin ang nagsabing mayroon silang arrest warrant para sa mga Lumad, patunay na hindi “rescue” ang tunay na pakay ng mga militar doon kundi hulihin ang mga nagbabakwit.
Mula noon hanggang ngayon, matindi ang pandarahas sa pambansang minorya, lalo na sa mga Lumad. Pinararatangan silang rebelde at subersibo kaya ipinapasara ang kanilang mga paaralan, ilegal na inaaresto ang mga kabataan, at binobomba ang mga komunidad. Hinaharang din ng mga militar ang mga organisasyong nais maghatid ng tulong sa mga nagbabakwit, malinaw na paglabag sa kanilang karapatang pantao. Lahat ng ito upang bigyang-daan ang mga korporasyon ng pagmimina at pagtotroso sa katutubong lupain.
Ito ang karahasang isinasalegal ng Anti-Terror Law: pinalalakas ang loob ng mga pwersa ng estadong basta na lang manghuli nang walang sapat na batayan, habang nakakatakas sila sa pananagutan ng maling pag-aresto. Kung kinakailangan mang iligtas ang mga Lumad, hindi ito mula sa mga unibersidad at iba’t ibang progresibong organisasyong kumakalinga at sumusuporta sa kanila, kundi sa mapaniil na kamay ng mga pulis at militar na siyang tumutugis at pumapaslang sa kanila.
Subalit mahaba man ang kasaysayan ng pagmamalupit sa mga katutubong minorya, ang hindi magbabago ilan mang siglo ang lumipas ay ang katapangan at tibay ng paninindigan ng mga Lumad sa gitna ng panggigipit at karahasan.
Karapatan sa edukasyon at mapayapang pamumuhay ang pangunahing ipinapanawagan ng mga nagbabakwit, sa Cebu man o dito sa Maynila, at responsibilidad ng estadong tulungan silang makamtan ang mga ito. Kung tutuusin, kapuri-puri ang pag-usbong ng mga paaralang Lumad na lapat sa kanilang pangangailangan at tradisyon, kaya imbis na ipasara, ang dapat gawin ng pamahalaan ay tulungan silang patatagin pa ito.
Kung mayroon man akong pinakamalaking aral na nakuha sa pakikisalamuha sa mga Lumad, iyon ay hindi kailanman magagapi ang kanilang diwang pinanday at patuloy na nililinang ng malaya at mapagpalaya nilang edukasyon. At sa pagkakataong sinasaling ang kanilang kalayaan, alam nilang wala sa gobyerno ang kanilang kaligtasan, kundi nasa kamay nila mismo, kasama ng sambayanang tunay na nakikiisa sa kanilang laban. ●
Unang nailathala noong Pebrero 19, 2021.