Ngayong buwan ng Nobyembre, ginugunita ng bansa ang kultura ng kawalang-pananagutan; inaalala ang lahat ng minasaker, dinakip at sapilitang iwinala. Sa buwan ding ito, hinatulang may sala ng Sandiganbayan sa kasong graft si Imelda Marcos, ang mukha ng kalabisan sa ilalim ng Batas Militar.
Gamit ang pekeng pangalan na Jane Ryan, nakalikha si Imelda ng pitong account sa Swiss Bank na pinaglagakan ng malaking pera ng bayan sa loob ng dalawang dekadang diktadura ng kanyang asawang si Ferdinand Marcos. Mabunying tagumpay ang hatol para sa mga naulila ng libo-libong buhay na kinitil ng Batas Militar, at sa kasalukuyang henerasyong patuloy na pumapasan sa mga utang at bagsak na ekonomiyang iniwan ng mga Marcos.
Subalit gaya ng iba pang napatunayang nagnakaw sa kaban ng bayan, binigyan din si Imelda ng pagkakataong pansamantalang magpiyansa sa halagang P150,000—baryang maituturing sa mamahalin niyang mga sapatos at alahas, at sa higit P170 bilyong ninakaw niya at ng kanyang pamilya. Higit pa, kinokonsidera rin ng hukuman ang edad ni Imelda gaya ni Juan Ponce Enrile, na siyang dating kanang-kamay ng diktador. Samantala, ang mga matatanda ring katulad ni Imelda Hayahay, na ina ng isang guro ng mga Lumad, ay basta-basta na lamang dinadakip dahil sa walang basehang paratang ng rebelyon.
Hindi ito ang unang beses na nakalaya si Imelda mula sa pagkakapiit. Taong 1991 nang una siyang napatunayang may-sala sa parehong kaso ng graft, subalit nakapagpiyansa rin hanggang ibasura ng Korte Suprema ang kaso noong 1998. Ang pagbibigay ng labis-labis at maling konsiderasyon ay patunay ng kahinaan, kung ‘di man kabulukan, ng batas at mga tagapagpaganap nito.
Bukod sa pinakahuling hatol kay Imelda, ilang beses nang napatunayan ng hukuman ang iba’t ibang uri ng kalapastangan ng mga Marcos, ngunit walang pagkakataong nakita ng sambayanan ang ni isa sa kanila sa bilangguan. Nananatili ring mabagal ang pag-usad ng pagbawi sa nakaw nilang yaman—repleksyon ng malalim at lalo pang pinalalawak na impluwensya ng mga Marcos sa pamahalaan higit sa ilalim ng umaasta ring diktador na si Pangulong Rodrigo Duterte.
Malinaw ang ugnayan sa pagitan ng mga Marcos at ni Duterte, na buong-pagmamalaking umiidolo sa diktador na nahihimlay ngayon sa Libingan ng mga Bayani. Gayundin, dahil sa piyansa, malaya pang makakatakbo sa pagka-gobernador si Imelda sa Ilocos Norte, kapalit ng kanyang anak na si Imee na nagnanais maging senador sa suporta ng partido ni Duterte.
Samakatuwid, hindi makakamit ang tunay na hustisya hangga’t nananatili ang sistemang nagluwal at nagbibigay-laya sa mga Marcos: ang kultura ng karahasan, paglimot, at kawalang-pananagutan na pinatitindi ng kasalukuyang administrasyon.
Hindi kagulat-gulat kung hindi pa rin hahantong sa selda si Imelda sa pagkakataong ito, kaya’t lalo itong dahilan upang pag-alabin ang pagmumulat sa lahat ng posibleng lunsaran, pag-oorganisa sa iba’t ibang espasyo, at pagkilos sa lansangan upang panagutin ang mga Marcos at pigilan ang anumang bantang ibalik ang diktadura sa bansa.
Dahil sa huli, higit sa piitan ang sasapitin ng sinumang sumusubok sa ating pagkakapoot, sa marapat nating ‘di paglimot. ●
Unang nailimbag sa Kulê noong Nobyembre 30, 2018.