Kakaunting palamuti lang ang makikita sa pasikot-sikot na eskinita ng Pook Malinis ngayong Disyembre. Dati, puno ng nagdiriwang na mga residente at maliwanag na parol ang kalsada. Ngayon, imbis na maging abala sa pagdidisenyo ng bahay at pagluluto ng handa, pinili na lang ng iba na lumabas at magtrabaho para sa kanilang pamilya.
Isa si Nanay Amalia, 41, at residente sa Pook Malinis, sa mga kumakayod pa rin sa panahong nagsasaya at nagpapahinga na ang karamihan. Kailangan niya pa ring mangalakal para mairaos ang mga pangangailangan nila. Ngunit kaiba sa mga nagdaang Paskong ginugol niya ring kumakayod sa kalsada, maraming kinatatakutan si Nanay Amalia ngayon tuwing lalabas. Hindi na lang kasi ang banta ng COVID-19 ang haharap sa kanya sa kalsada, kundi maging ang mga awtoridad na laging marahas sa tulad niyang maralita.
Palaging nasa bingit ng demolisyon ang mga residente ng Pook Malinis, ito sa kabila ng pandemya. Nariyan palagi ang posibilidad na tibagin ng mga naka-uniporme ang mga inuuwian nilang bahay. Sa mata kasi ng mga opisyal ng unibersidad, sagabal sila sa Master Development Plan (MDP), ang pinaplanong pagpapatayo ng mas marami at bagong gusali sa UP Diliman (UPD). Simula nang isinulong ang MDP, mas dumalas ang pagharap ng mga komunidad sa loob ng UPD sa banta ng demolisyon.
Dahil dito, ngayong Pasko, payak mang sinalubong ng pamilya ni Nanay Amalia ang pagsilang ni Hesukristo, hindi natitibag ang hiling niyang magkaroon ng disenteng bahay at malayo sa karahasan at demolisyon. Kung iisipin, simple lang ang gusto ni Nanay Amalia: ang mamuhay sa ligtas at masayang komunidad. Ngunit, kailangan niya pang ipaglaban ito, at isang beses, nakulong pa dahil dito.
Sa kabila kasi ng paggiit nila sa karapatan nila, hinaharas pa ang mga maralita ng awtoridad. Nang ma-red-tag si Nanay Amalia, kinailangan niyang magtago sa mga pulis. Minsan na rin siyang nakulong at napilitang magbayad ng P7,500, malaking halagang maituturing para sa manggagawang tulad niya. Bukod pa rito, madalas ding minamanmanan ang komunidad nila lalo na’t palakas nang palakas ang pagtutol nila sa pagsira sa mga bahay nila.
Ngayong magdadalawang taon na ang pandemya, labis na napag-iiwanan ang mga maralitang pamilya sa paggaling ng bansa. Mula sa pagsalanta ng bagyo, gutom, pagod, hanggang sa karahasan, sinisikmura ng mga katulad ni Nanay Amalia itong lahat. Gayunman, may pinasasalamatan pa rin si Nanay Amalia ngayong Pasko: ang pagsanib ng mga sektor upang matulungan ang komunidad nila. Aniya, hindi gobyerno kundi mga tao ang tumutulong at nagpapalakas ng loob sa kanilang mga maralita.
Alam ni Nanay Amalia na hindi sila maaaring mapanghinaan ng loob. Sa kabila ng sinisikmurang hirap, pawang hiling nila na ibigay sa kanila ang seguridad sa kanilang tahanan at komunidad upang maipagdiwang muli nila ang Pasko na may tunay na pananabik–ang makasabit muli ng mga dekorasyon at parol sa kanya-kanyang bahay. ●