Ni PENNY LANE
Noong huli tayong nag-usap, tinanong mo ako kung pwede mo ba akong makakwentuhan. Libre ka noong araw na iyon, bilang free week noong nakaraang linggo at walang espasyo sa likod ng dyaryo na kailangan mong punan ng panibago mong mga hinaing sa buhay.
Sa totoo lang, nagulat ako—ikaw kasi yung tipo ng tao na hindi magsasalita tungkol sa mga personal na bagay kung hindi tatanungin, kahit marami sa opisina ang nagsasabing madaldal ka sa ibang mga bagay. Kahit nga mga kainuman mo, saksi sa iyong kadaldalan kapag lasing ka.
Hindi na rin mabilang ang mga nakasagutan mo sa tuwing napapag-usapan ang mga librong binabasa mo, ang mga bagong bandang nadidiskubre mo, ang mga isyung panlipunan, at ang mga pelikula ni Wong Kar-wai. Hinding-hindi ka mawawalan ng kadebate rito sa Kulê, at karamihan sa mga usaping ito ay nangyayari sa ilalim ng belo ng mga bituin sa Vinzons rooftop kung saan paborito mong tumambay. At magyosi.
Halos paalis na ang lahat sa opisina ng hapong iyon. Tinabihan kita sa bintana at inabutan mo ako ng isang stick ng Marlboro Red. Pang-ilang yosi mo na ito ngayong araw, sabi mo. Binalaan ka na ng doktor mo na maghinay-hinay muna sa paghihithit ng nikotina.
Nabigla na naman ako nang sinabi mong sukang-suka ka nang mag-aral. Sa pagkakakilala ko sa iyo sa ating maikling pagsasama sa trabaho, hindi ikaw ang klase ng taong aayawan ang bagong kaalaman. Palabasa ka’t mahilig sa mga diskurso, kaya’t nabigla ako nang sinabi mong ayaw mo nang mag-aral.
Kailangan mo nang mag-drop ng tatlong subjects kasi hindi ka na makapasok. Siguro kasi wala ka nang motibasyon para gumising at harapin ang mahabang araw. Muntik ka nang mag-LOA pero syempre, pinigilan ka ng mga tao dito sa opisina.
Naisip ko na baka tinamad ka na lang. Kung tutuusin, maraming pagkukulang ang sistema ng edukasyon sa bansa na hindi kayang ikubli ng tambak na readings at midterm exams. Nabalitaan ko rin mula sa isang photographer sa Kulê na hindi mo na pinasukan ang isang klase matapos mong salungatin ang isang propesor na pro-STFAP. Naikwento mo ang iba mong mga kaklase na ayaw mag-drop kasi sayang ang ipinambayad, at idadaan na lang sa dasal at pakiusap ang kaniyang kapalaran.
Ewan ko ba sa’yo kung bakit bigla mong binuhos sa akin ang iyong mga angas sa buhay bilang isang non-major, sa iyong pamilya na wala nang magawa kundi pilitin kang sumunod sa yapak ng iyong mga nakatatandang kapatid, at maging sa bagong babaeng natitipuhan mo na, gaya mo, ay mahilig ding magbasa ng mga gawa ni Saramago.
Lalong gumaganda ang singkit mong mga mata nang bigla kang nanahimik. Marahil ay iniisip mo na naman siya. Unti-unting lumabas ang isang ngiti na bihira naming makita sa iyo ngayon. Marami sa mga babae sa opisina ang nagsasabing lalo kang pumupogi kapag nakangiti.
Paupos na ang pangalawa kong yosi nang bigla kong naisip na sana—sana lang talaga—ako na lang ang dahilan ng ngiting iyan. ●
Unang nailathala sa Kulê noong Setyembre 26, 2013.