Hindi lang Araw ng mga Puso ang dapat na ipagdiwang tuwing Pebrero.
Ngayong buwan, magbaliktanaw sa Diliman Commune ng 1971, isang makasaysayang aklasan ng mga iskolar ng bayan upang iprotesta ang pagtaas ng presyo ng krudo at upang labanan ang panghihimasok ng pulis at militar sa loob ng kampus.
Noon at hangggang ngayon, patunay ang Diliman Commune sa mapagpasya at mapagpalayang lakas ng mga kabataa’t estudyante, lalo’t higit kung kabalikat ang mas malawak na hanay ng mamamayan.
BARIKADA
Ni MATEO DIMAGIBA
Unang araw ng Pebrero, taong 1971. Bakante ang kalsada ng University Avenue, kitang-kita ang malawak na agwat na naghahati sa mahabang abenida. Kung ninanais ng mga nagmamaneho, Malaya makapagmamaneho dito nang hindi aabutan ng trapik— ngunit ni isang sasakyan ay hindi nangahas pumasok sa abenida nung araw na iyon.
Hinarang ng makapal na bulto ng mga nagwewelgang mga estudyante at tsuper ang kahabaan ng University Avenue. Ang panawagan namin, “Ibaba ang presyo ng petrolyo!”;“Makiisa sa mga tsuper!”Dahil sa panahon na iyon, nagging talamak ang pagtaas ng presyo ng petrolyo sa ilalim ng diktaduryang Marcos.
Mistulang naging mahabang paradahan ang abenida, ang mga lumahok na mga tsuper ay isinamaang kanilang mga bus at dyip sa hanay ng mga kabataan-estudyante na tangan ang mahabang streamer ng Kabataang Makabayan. Dumarami rin ang mga nakikisimpatiyang mga estudyante at iba’t ibang tao mula sa komunidad ng UP Diliman. Naging matagumpay ang unang araw ng welga.
Sa sumunod na araw, naisara na rin ng barikada ang lagusan patungong Katipunan Avenue. Nabalaho ang mga klase sa araw na iyon. Isa-isang pumaparada ang mga minamanehong sasakyan ng mga tsuper ng dyip at bus. Nauulinig ko na ang sinisigaw nilang lahat ng sabay-sabay: “Mabuhay ang barikada!”
Maya-maya’y may nag-iisang kotseng nagpupumilit pumasok sa loob ng unibersidad. Magkatapat ang barikada na pinamumunuan naming mga estudyante, at ang nag-iisang kotse. Namumukhaan namin ang nagmamaneho ng sasakyan, propesor sa matematika, Campos yata ang apelyido. Di nagtagal, nag-maniobra ang sasakyan at lumayo. Ngunit hindi namin inaasahan na babalik siya na may tangan nang shotgun. Nagulantang kami sa nakaririnding pagsabog ng pulbura. Sunod-sunod ang pagkalabit ng gatilyo. Kumaripas kami ng takbo at dagliang sumilong upang iwasang matamaan nito.
“May tinamaan! May tinamaan!” Narinig ko iyon matapos ang putukan, sumambulat sa amin ang nakahandusay na katawan ng isang kabataan. Unti-unting umaalagwa ang dugong humahalo sa sementadong abenida. Sugatan pa ang ilan sa amin: mayroon namang tinamaan sa pisngi, at isa sa kanang braso.
Waring isang marahas na ihip ng hangin ang dumaan. Sinubukang pumulas ni Campos ngunit hinuli siya ng UP Security Force at inilayo mula sa amin. Maya-maya, sinilaban ang kotse ni Campos; waring babalasa sinumang tutunggali sa amin ang sunog at usok na pumapaimbulong sa abenida.
Kinabukasan, walang nagdaos ng klase, bakante ang lahat ng mga silid aralan. Nilimas ang lahat ng mga upuan. Nakalinya hindi lamang mga estudyante kundi ang mga propesor, kawani at iba pa habang nagpapasahan ng mga upuan upang patibayin ang barikada.
Pinasakan ng mahabang tubo ang mga tangke ng LPG at nagmistulang flamethrower ang mga ito; tumulong ang mga propesor sa Physics at gumawa ng mga Molotov cocktail na hindi na kailangan silaban, bawat gabi inaalukan kami ng mga pagkain habang nagbabantay sa barikada. Sa sandaling iyon naramdaman ko ang pinagsamang lakas ng lahat ng saray sa UP.
Nagsisimulang umalimpuyo ang pagsama ng panahon, hindi para sa amin kundi sa estado. Umaaligid ang amoy ng kaba at takot sa bawat kapulisang matatanaw ang aming barikada, at kung iisipin nilang marupok ito at madaling wasakin, nagkakamali sila.
Hindi ito isang tipong barikada na madaling mabubuwag ng dahas ng estado. Pinatitibay ito ng danas at pananalig ng isang komunidad na hangaring makakita ng maalwas na lipunan—at nagsisilbing pinto ang barikada para sa pangarap na iyon.
“Mabuhay ang Barikada!” ●
PEBRERO DOS
Ni Armin Del Fuego
Halos maamoy ko ang takot sa hangin—pero hindi ito mula sa barikada, hindi mula sa mga galit na estudyante, mga propesor, mga tsuper, at mga residenteng parang may apoy ang mga mata. Ngayong araw pa lang, may dalawa nang estudyante ang nahagip ng aming mga bala: isang binatang tinamaaan sa kaliwang pisngi at isa pang tinamaan naman sa kanang braso. Pero sa halip na masindak sa maaari nilang kahantungan, parang lalo lang lumakas at tumibay ang kanilang depensa.
Bago pa man kami nakarating sa kampus upang tulungan ang iba pang mga pulis na kahapon pa nandito, usap-usapan na ang mga taktika at sandata ng mga aktibista. Hindi ko ikakailang kahanga-hanga ang mga kuwento—mga bundok ng mga upuang nakaharang sa mga lagusang malapit sa University Avenue at Katipunan, mga kwitis na pinapakawalan sa tuktok ng mga gusali upang itaboy ang umaaligid naming mga helicopter, flame-throwers na gawa sa mga tangke ng LPG, mga Molotov na hindi na kailangang sindihan bago ihagis.
Ngunit mas pambihirang masaksihang ang pinagmumulan ng lakas ng Commune—hindi ang kung anumang sandatang inimbento ng mga propesor sa kanilang mga laboratoryo, kundi ang pagkakaisa ng mga aktibista. Habang ang lakas namin ay inuubos ng gutom, pagod, antok,at mga utos mula sa Malacañang, napakadaling mainggit sa aming mga katunggali sa kabilang panig ng mga barikada.
Malimit silang kumanta ng mga awiting kahit ngayon ko lang narinig ay parang madaling sabayan at parang nagpapaalab ng damdamin ng mga kumakanta, tumutugtog, at takapakinig. Kaninang umaga, may mainit pang pan de sal na bigay ng may-ari ng isang maliit na panaderya sa loob ng kampus. Kahit mismong mga opisyal ng UP ay namataan din naming nakikilahok sa mga programang idinaraos sa loob ng Commune.
Samantala, sa aming panig—bagaman armado ng mga baril, truncheon, at ngipin ng batas—ang tanging pampalakas ng aming loob ay poot sa mga aktibista, ang tila kautusang nagdidiktang kaaway namin ang sinuman at lahat ng rebeldeng ituturo ng Palasyo.
Bukas ng umaga, inaasahang darating ang Metrocom at papalibutan ang buong kampus. Ang bagong mga utos sa amin: Lusubin ang mga dormitoryo ng Molave, Yakal, Kamia, at Sampaguita, salakayin ang Vinzons Hall at ang mga pavilion ng AS, huwag mag-atubiling gumamit ng tear gas, tanggihan ang anumang alok na dayalog.
Kung armas ang usapan, kami ang higit na lamang sa labanan. Ito ang gusto kong alalahanin kaysa isiping ang kapangyarihan namin ay hiram lang sa kumpas ng mga hepe’t heneral. Samantala, sa kabilang panig ng barikada, ang anumang maliit na tagumpay na maagaw mula sa amin ay sa kanila at at hindi maaaring angkinin ninuman.
Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa dala kong baril at nagtiim ng bagang. Sa di kalayuan, buong bagsik ang pagbuhos ng sikat ng araw sa estatwa ng Oblation. Hindi ko mapigilan ang kabog sa dibdib kong puno ng pagkamangha—sino ang mag-aakalang may ganitong klase ng lakas ang mga tao upang hamunin kami at ang gobyerno?
Kung sana ay hindi ako duwag, kung ang kapangyarihan ko sana ay hindi lang basta bala at batuta, kung nasa tamang panig lamang akong barikada—kay sarap sigurong maging tulad nila, kay sarap sigurong maging matapang, kaysarap sigurong maging malaya. ●
Unang nailathala sa Kulê noong Pebrero 5, 2014.