Ni DOMINICK NOWELL DANAO
Hindi na sana ako kikibo, pare. Hindi ko gustong maging kontrabida o killjoy. Ayoko ring magmukhang masungit kaya hihintayin ko na lang sanang may kumibong iba. Kumbaga sa sugal, ‘iwas-pusoy.’ Mahirap ding malagay sa alanganin.
Pero hindi ako mapakali. Dahil sa aking nakikita (at alam kong nakikita mo rin), mahirap magbulag-bulagan. Paano kung walang kumibo? Paano kung ang lahat ay “umiwas-pusoy?”
Ayokong sagutin ng “bahala na sila at Diyos na lang ang bahala.”
Sabi mo, noong tayo’y magrerebolusyon sa EDSA, nanalo na tayo. Umalis na ang diktador at napalitan na ng “ating” kandidato, na ayon sa’yo ay may ginintuang puso at siyang magliligtas sa 20 taong kapahamakang dinanas ng bayan. Ito na, ‘ika mo, ang “tunay na bagong lipunan.” Sinumbatan mo pa nga ako dahil hindi kita sinamahan sa kasiyahan para sa unang kaarawan ng tinatawag mong “rebolusyon.”
Maniwala ka, pare, nais kong makisayaw noon sa kalye. Pero hindi ko talaga magawa. Marami pang tanong ang bumabagabag sa akin.
Unang-una, paano nga ba tayo nanalo, at sino bang tayo ang iyong binabanggit?
Hindi ba, kapag sinabi mong nanalo na tayo, magkakaroon na ng ganap na kalayaan at kapayapaan? Hindi lang ang sariling kalayaan kundi pambansang kalayaan, pare. Ang mamuhay nang matiwasay na walang dayuhang control sa ekonomiya, pulitika at kultura. Wala pa ito sa atin, pare ko.
Alam kong nariyan pa rin ang mga naglalakihang kumpanyang multinasyonal at ang kaakibat nitong di-parehas na pang-ekonomikong relasyon at mapanupil na realasyon sa paggawa na anak ng mga ito. Alam ko ring mananagot pa rin tayo sa dambuhalang utang na winaldas ng diktador.
Pag-usapan pa natin, pare, na nandito pa rin ang base-militar na siyang tagapagtanggol ng dayuhang interes. Na patuloy pa ring nakikialam ang Amerika sa pulitika natin. Na sina Raphael, Perry at Fowler ay padala lamang dito upang isabotahe ang pamahalaan. Na nariyan pa rin ang maraming PIlipinang umaasa sa Kano sa pamamagitan ng pagpuputa. At, pare, hindi ako maniniwala na pumunta dito si Armacost para dumaan lang at mamasyal. Hindi ko kumpirmado ang kanyang tungo pero alam mo naman na sa ating kasaysayan, may kababalaghang nangyayari sa mga pabisi-bisitang iyan.
Akala ko noon, pag sinabi mong “nanalo tayo,” ang ibig mong sabihin ay ang mga manggagawa, magsasaka at iba pang aping sector ng lipunan. Iyon pala’y hindi. At nagulat ako na ang tinutukoy mo ay ang may apelyidong Cojuangco, Laurel, Aquino, Ongpin at iba pang pangalang may “kinang.”
Nakalulungkot at hindi mo naalala ang mga “ordinaryong tao” na noon pa man ay lumalaban na sa buktot na pamamaraan. Sila, pare, noong hindi pa man ay nangangamatay dahil sa pakikibaka para sa kapwa nila “ordinaryong tao” na bagaman hindi matikaw ang tindig at marungis ang damit ay tapat sa kapwa nila.
Hindi sila kilala, pare. Pero marami pa rin sila at hindi pa nila gaanong naramdaman ang epekto ng sabi mong “rebolusyon.” Sila ngayo’y mga evacuees galing sa Leyte, mga manggagawang nagwewelga, mga magsasakang minsan lang magawi sa Maynila ay babarilin pa, mga iskwater na patuloy sinisona at mga bangkay na di mo na makikilala.
Nagdamdam ka sa akin noong hindi kita nasamahan sa anibersaryo sa EDSA at patuloy kong pinupuna ang pamahalaan. Ang totoo, pare, ako ang dapat magdamdam sa iyo. Hindi naman kaila sa iyo na mahigit 80 porsiyento pa rin ang nakalubog sa poverty line. Sabi mo, bakit hindi ako makapaghintay? Alam mo, kung kinayang taasan ni Cory ang presyo ng langis (na pawing hawak ng dayuhang korporasyon), bakit hindi niya maitaas ang sahod ng manggagawa? At noong may “revolutionary powers” pa siya, hindi niya kaagad pinirmahan ang batas reporma sa lupa.
Nagdamdam ka sa akin nang hindi ko sinuportahan ang kampanya nila para sa Senado at Kongreso. Paano naman kasi, alam kong hindi lahat sa kanila at para sa akin at kapwa ko karaniwang tao. Nakaligtaan mo na, pare, na sa atin ang rosas ay rosas. Hindi na kailangan ang kung anu-ano pang retorika. Hindi natin nais ang mga sosyalang pabalat-bunga. Malayo tayo sa nagkikislapang kamera, mikropono at panayam ng mga diyarista. Pasensya ka na, pare, pero ’ika nga: I can’t feel it.
Unawain mo ako, pare. Sa kalaunan, ang pamahalaan ay wala ring magagawa at mapipilitan lamang na kumilos sa nakatakdang limitasyon ng isang maling sistemang ekonomiko at pulitikal.
Alam ko na ang masa pa rin ang gagawa ng pagbabago. Kung kaya, patuloy akong makikisama sa kanilang pagkilos.
At huwag mong kalimutan na hindi pag-uudyok ng mga komunista ang mga welga at rali. Ganyan din ang palaging sinasabi ng diktador, hindi ba? Huwag na huwag kang makaisip na laos na ang pakikibaka. Hinding-hindi. Makikita mo rin iyon, pare. At sa mga indikasyon, marami pang laban ang darating. Ang sinabi mong lumang lipunang napabagsak ay namahinga lang sandal at nagpalit ng dilaw na damit. Narito pa rin, kasama ang mga bagong kontradiksyong ipinanganak ng pinilit at limitadong pagbabago.
Hindi na sana ako, kikibo, pare. Pero mahirap talagang magbulag-bulagan. At may mangyayari pang labanan. Sa pagkakataong ito, kasama na natin ipagpapaalam at pababasbasan sa dayuhan ang ating rebolusyon. Dala lang natin ay makauring interes at di lang bulaklak.
Hindi na sana ako kikibo, pare. Pero maingay, hindi ako makatulog. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-10 ng Nobyembre 1987.