Content warning: Naglalaman ang balita ng maselang detalye ng pagpatay.
Lumabas sa paunang autopsy result na brutal ang naging pagpaslang kay Chad Booc, isa sa limang indibidwal na minasaker noong Pebrero 24 sa New Bataan, Davao de Oro. Nagtamo si Booc ng mga malalang pinsala sa bahagi ng tiyan, siko, at gulugod nito, ayon sa preliminary autopsy result na ibinahagi ngayong umaga.
Sa pagtataya sa kalubhaan ng mga tama ng bala, hindi na rin umano mabubuhay pa si Booc kahit agarang pa siyang naisugod sa ospital na may maayos na kagamitan at nakaantabay na mga doktor, ayon kay Dr. Raquel Fortun, ang forensic pathologist na sumuri sa bangkay ni Booc. Dagdag pa nito na maituturing umanong homicide ang naging pagpaslang kay Booc.
Nangyari ang autopsy sa labi ni Booc sa isang punerarya sa Mandaue City, Cebu noong Marso 7, dalawang araw bago ang kanyang libing noong Marso 9 sa Cebu City.
Bagaman namatay si Booc sa malubhang pagdurugo, maaari din umanong ikinamatay nito ang pagkakadurog ng kanyang spinal cord at mga pinsala ng kanyang lamang loob. Hinihinalang high-velocity bullet mula sa isang riple ang ginamit para paslangin si Booc, batay sa narekober na bala ni Fortun sa katawan.
Nakitaan din ang katawan ni Booc ng pamumuo ng dugo na magpapatunay na buhay pa ito nang barilin ng 10th Infantry Battalion (IB) ng Armed Forces of the Philippines. Meron ding tama ang katawan ni Booc sa bahagi ng siko na hindi madaling tamaan ng bala, ayon kay Fortun.
“Maraming nawawalang detalye sa pagpatay [dahil] walang maayos na sistema sa Pilipinas. This is exactly how they (pulis at militar) get away with murder. Hindi man lang natin alam kung saan sila pinatay. Hindi man lang kayang sabihin ng mga pumatay sa kanila bilang patunay doon sa sinasabi nilang may military encounter. Ito yung setting na naga-allow sa impunity,” ani Fortun.
Sa kabila ng paunang resulta ng pagsusuri, limitado pa rin ang makukuhang detalye mula rito dahil inembalsamo na si Booc at tinahi ang kanyang mga sugat bago ang pagsusuri ni Fortun. Mahirap din umanong tukuyin ang naging paraan ng pagpatay dahil hindi nasuri ang labi ng apat pang pinaslang, at maraming ebidensya, tulad ng damit at maayos na litrato kung saan nangyari ang pagpaslang, ang hindi pa rin inilalabas hanggang sa ngayon.
Nagawa pang makontak ng pamilya ni Elegyn Balonga, isa sa mga pinaslang, ang New Bataan 5 noong Pebrero 23. Subalit, hindi na umano ito sumagot noong Pebrero 24, parehong araw kung kailan sinabi ng militar na naganap ang insidente. Nalaman lamang ng pamilya ang sinapit ng grupo noong Pebrero 25 dahil sa isang press release ng 10th IB.
Nananawagan si Fortun ng malawakang imbestigasyon ukol sa naging insidente. Aniya, awtomatiko na umano dapat na maglunsad ng imbestigasyon tuwing may pinapatay, lalo pa kung mga pwersa ng estado ang mga sangkot.
“[Dapat] automatic na may investigation muna at hindi mo dapat hinuhubaran [ang patay], hindi mo ine-embalm. But in the Philippines, we don’t even have personnel who were even trained to do these things. We don’t have investigators to work independently and objectively. We always start on the premise na sila ay masasamang tao at terorista,” ani Fortun.
Pareho ring nananawagan ng imbestigasyon mula sa Commission on Human Rights, at mga organisasyon at institusyon mula sa ibang bansa si Antonio La Viña, ang abogado ng mga pinaslang, upang makakalap ng kinakailangang impormasyon. Hindi umano kakayanin na mga pribadong grupo lamang sa bansa ang makapag-imbestiga sa insidente gayong patuloy na hinaharang ng mga militar ang mga inisyatiba.
Hinaharang din ang pag-usad ng mga legal na rekurso ng pamilya dahil sa sadyang pagtatago ng katotohanan sa totoong nangyari noong araw ng pagpaslang. “Nahirapan si Dr. Fortun sa pag-autopsy. Di niya ma-pin point kung saan nga ba ang insidente. Mystery pa rin ang pagkamatay ng aking anak [kaya] kailangan pa rin ng investigation sa kanilang pagkamatay,” ani Napoleon Booc, ama ni Chad.
Gayunman, kasalukuyan nang tinitingnan ni La Viña ang posibilidad ng pagsasampa ng kaso sa mga opisyal ng gobyerno na naunang nang-red-tag kina Booc at sa mga pinaslang. Kabilang sa mga pinangalanan sa press conference ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, partikular si Lorraine Badoy na ilang beses na nilagay ang pangalan at mukha ni Booc sa mga Facebook post nito, maging sa araw ng paglabas ng balitang pinatay ito ng mga militar.
“We are exploring the legal side sa besmirching sa mga aktibistang teacher tulad nila Chad and even yung drivers. If the family would want to, we will pursue yung angle na getting accountability mula sa government officials na may lethal consequences,” ani La Viña. ●