Nagbabadya muli ang multo ng dekada 70. Nakaupo ang isang pahirap na pangulo, may krisis sa langis bunsod ng giyera sa ibang bansa, at nagdurusa ang taumbayan sa gutom at pagdarahop. Mas matindi lamang ngayon lalo’t kasabay ng mga sosyo-ekonomikong suliranin ay krisis sa kalusugan. Gayunman, noon at ngayon, parehas ang reaksyon ng estado: patuloy na pagpapahinuhod sa interes ng iba, sa halaga ng kaginhawaan ng mamamayan.
Mula nang magsimula ang bagong taon, tumaas na ang presyo ng langis sa halagang P20 hanggang P30. Kung tutuusin, dagdag na patong na ito sa inilaki ng presyo ng langis noong nakaraang taon na 10 piso. Pumapalo na sa higit P70 ang presyo ng bawat litro ng langis sa mga gasulinahan; nangangahulugan ito ng mas malaking kaltas sa naiuuwing sahod ng mga tsuper, at inaasahang mararanasan din ng mga konsyumer sa kasunod ding pagsirit ng presyo ng mga bilihin at utilities.
Tinatayang isa ang Pilipinas sa mga bansa sa Asya na pinakamaaapektuhan ng krisis sa langis dulot pa ng paglusob ng Russia sa Ukraine. Bagaman hindi tayo gaano nakikipagkalakal sa kanila, at malayo ang bansa sa giyera, patuloy na tumataas ang pandaigdigang presyo ng langis dahil sa “spillover effects” ng ng mga sanction na ipinataw ng Estados Unidos at iba pang alyado nito sa Russia at ang mga kaakibat nitong dagok sa global na merkado.
Karagdagang pasakit ito para sa mga pamilyang Pilipino: Hindi pa nakakaahon sa pandemya at kawalan ng trabaho, wala silang sapat na ipon at kita para makasabay sa nagtataasang presyo sa merkado. Magpapabagal din ang kawalan ng pambili at panggastos ng madla sa pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas. Sa kabila ng kalunos-lunos na posisyon ng bansa, nananatiling walang malaking hakbang ang gobyerno para tulungan tayo. Tila sinagad na ni Alfredo Cusi, kalihim ng Department of Energy, ang kakayahan ng kanyang ahensya nang ang payo na lang niya sa mga konsyumer: magtipid, at iwasang bumiyahe.
Ipinangangalandakan ng pamahalaan at fiscal planners nito ang subsidyong ibibigay nila sa mga magsasaka, mangingisda, at mga tsuper. Ngunit barya-barya na nga ang mga ito. Sa katunayan, matagal nang nakaprograma sa badyet ng gobyerno sa taong ito ang subsidyong ipinagmamayabang nila. Samakatuwid, walang bago at partikular na tugon ang administrasyon ni Duterte sa sitwasyon ngayon.
Tila lutang at di nakabatay sa kongkretong kalagayan ang desisyon ng palasyo. Noong marami ang nao-ospital at nangangailangan ng ayuda, mas inaatupag nila ang pagpapataas ng credit rating ng bansa. Ngayong wala na halos mabiling pagkain ang maralita, walang maiuwing kita ang mga drayber, ipinagdiriwang pa nila ang malaking buwis na makukuha mula sa mga nagmamahalang bilihin.
Sa halip na suspindihin ang buwis sa langis, ang suhestyon ng Department of Finance, na kagyat namang inaprubahan ni Duterte, ay bigyan ng tig-P200 ayuda ang mga pinakamahihirap kada buwan. Ani Kalihim Carlos Dominguez III, mga mayayamang may kotse lang kasi ang magbebenepisyo sa pagtanggal ng buwis.
Ignorante, kundi man nagbubulag-bulagan, sa kalagayan ng nakararami ang panukala. Mainam naman ang magbigay ng ayuda sa mga mahihirap at pinakanaaapektuhang sektor, ngunit primarya dapat na siguruhing mabilis itong maipapamigay, at higit, sapat sa pangangailangan. Ngunit ilang araw na nga lang ang itinatagal ng maliliit na ayuda mula sa gobyerno, halos buwan pa ang inaabot para makuha ito ng mga pamilya.
Kaya naman ang nananaig na panawagan ngayon ay pagkaltas na ng buwis sa langis at iba pang produktong petrolyo. Mas mabilis itong maipapatupad, at mas agaran din itong mararamdaman ng mga konsyumer at tsuper. Ngunit kung gaano kabilis ipatupad ng estado ang pagtanggal sa buwis ng mayayamang negosyante, siya namang higpit nila kapag tayo na ang nangangailangan ng mas mababang buwis sa mga bilihin.
Naghihirap ang kalakhan ng mga Pilipino dahil sa patuloy na pagpanig ng mga opisyal sa lohika ng merkadong matagal nang napatunayang hindi gumagana: Kung hahayaan lang ang merkado, aayusin nito ang sarili nitong krisis.
Sa matagal na panahon, iniaasa ng gobyerno ang pagsuplay ng langis sa naglalakihang mga korporasyon. Pinaluwang ang mga regulasyon, binabaan ang mga buwis, at binigyan ng iba pang mga insentibo ang mga transnasyunal na kumpanya upang kontrolin ang mga refinery at distribusyon ng produktong petrolyo. Sa halip na serbisyo, tubo ang naging layunin sa distribusyon ng langis. Kaya walang pakundangan sa abang mamimili ang mga korporasyon kung linggo-linggong magtaas ng presyo, basta’t masiguro ang pagkakamal nila ng malaking kita.
At ngayong nahaharap tayo sa matinding krisis, hindi natin maaasahan ang mga negosyante—o maging ang ehekutibo—na magbigay ng konsiderasyon sa ating nagdarahop. Ngunit nasa posisyon ang Kongreso na itama ang pagkakamali ng maraming administrasyon: Ibasura ang Oil Deregulation Law (ODL).
Higit sa pagsuspinde ng buwis, dapat muling magkaroon ng konrtol ang publiko sa industriya ng langis—muling isailalim, halimbawa, ang Petron sa gobyerno, at magkaroon ng sentralisadong pagbili ng imported na langis. Sa ganitong paraan, mas magkakaroon ng kontrol sa presyo ang estado makaraan ang ilang dekadang pagpapahintulot natin sa mga dayuhan at transnasyunal na korporasyon na patakbuhin ang ating industriya ng langis sa ilalim ng ODL. Ang pag-aantay sa imahinaryong panahon na aayusin ng palengke ang sarili nito ay pag-aantay na mamatay na lang tayo sa hirap.
Marapat na magkaroon din ng sariling inisyatiba ang pamahalaang paunlarin ang produksyon ng langis sa bansa, gayong sa 139 milyong bariles na nakadeposito sa bansa, bukod pa sa 11 bilyong bariles sa West Philippine Sea, nasa 37,000 lamang ang nakukuha natin kada taon. Higit na mababa ito sa halos 430,000 bariles na kinokonsumo natin. Ngunit sa pangmatagalan, kailangang igiya ng bansa ang pansin nito sa mas sustenableng alternatibo sa krudo—kasama rito ang pagpapaunlad ng pampublikong transportasyon at mga imprastrukturang nage-engganyo sa alternatibong moda ng paggalaw.
Hindi agarang matatamasa ang mga ito, ngunit mahalagang masimulan na ito ngayon pa lang. Kaya naman esensyal na maging bahagi rin ang usapin ng langis sa mga plataporma ng mga tumatakbong pulitiko.
Kung patuloy na ipagwawalang-bahala ng pamahalaan ang panawagan ng laksang mamamayan, hindi magdadalawang-isip ang taumbayan na kalampagin ang Malacañang, itigil ang pasada, ang mga pabrika’t opisina, muling ipakita ang lakas ng taumbayang nagpatalsik sa isang diktador. Pagkat sa pagkakataong ito, marapat na interes naman ng nakararaming api ang masunod. ●