Ang mahirap sa panahon ngayon, sapat na ang simpleng pagtanggi at pagsisinungaling ng awtoridad upang paniwalaan ng mga tao na ang mga biktima ang siyang kaaway. Kaya hindi agad naniwala ang Papa ko na inosente ang 93 magsasaka, aktibista, at mamamahayag nang arestuhin sila sa gitna ng bungkalan sa Hacienda Tinang sa Tarlac noong Hunyo.
Sa katunayan, sabi ko sa kanya, mayroon namang titulo o certificate of land ownership award (CLOA) ang mga pesante—may kalayaan silang gawin ang gusto nila sa lupang pagmamay-ari nila. Kung meron mang nanggugulo sa bungkalan, iyon ang mga pulis at nagbabantang mayor na si Noel Villanueva, na mula sa angkan ng may pinakamalaking parte sa kooperatiba ng Tinang. Taong 1995 pa nang igawad ang titulo sa 230 nagbubungkal ng lupa bilang bahagi ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na isinabatas noong 1988.
Ngunit hindi nakumbinsi si papa. Aniya, “Hindi pa rin sa kanila ang tubuhan, ayun yung sabi ng mga pulis.” Walang respeto sa ligal na dokumentong ang estado mismo ang lumikha, ang naratibong ipinakalat ng Concepcion Municipal Police Station ay iligal na nagtipon ang mga magsasaka upang manira ng lupa.
Para sa lupong nanumpang magsisilbi sa estado, kapulisan ang nangunguna sa paglabag sa mga batas na ang pamahalaan din ang nagpanukala. Pahirapan at minsan pang humahantong sa patayan bago makuha ng mga magsasaka ang kanilang titulo, pero walang pakundangan na lang itinapon sa hangin ng kapulisan ang kredibilidad ng mga titulong ito nang pinaghuhuli nila ang mga magsasaka.
Ngunit ang ganitong karanasan ng mga pesante sa Tinang ay di lang partikular sa kanila. Nangyayari rin ito sa maraming sakahan sa bansa, sa mga magsasakang di pa rin nabibigyan ng sariling lupa, o di kaya’y di makontrol ang lupang pinagkaloob na sa kanila ng batas.
Ang tuluyang pagkakaroon ng sariling lupang sakahan ang pinoposturang pangako ng CARP para sa mga magsasaka, ngunit napatunayan nang di napaunlad ng batas ang buhay ng mga mambubukid. Paano’y bago maipamahagi sa isang magsasaka ang kanyang lupa, kinakailangan muna silang mabigyan ng CLOA at magbayad ng mataas na amortisasyon sa lupa sa loob ng 30 taon.
Makumpleto man ang dalawang rekisito, marami pa ring mapanghamak na probisyon ang CARP. Dahil patuloy pa rin ang exemption at land conversion, maraming lupa ang di na nasasaklaw ng CARP. Nagreresulta ito sa di pagkilala sa maraming magsasaka bilang benepisyaryo ng batas. Nauuwi rin ang maraming magsasaka sa pagbebenta ng mga hawak na CLOA dulot ng pagkalugi sa sakahan—dahil sa mahal na bayarin sa pagsasaka at pandarahas sa kamay ng mayayamang asyendero.
Isa sa mga paraan ng mga asyendero upang di maipamahagi sa mga pesante ang lupain ay gawin itong kooperatiba. At dahil walang probisyon upang matigil ang ganitong iskema, nananatiling kolateral ang mga CLOA ng mga pesante sa oras na mabaon sila sa utang. Sa patuloy nilang pagkasadlak sa hirap dahil sa ipinagkakait na subsidiya at suporta ng pamahalaan, napapasakamay muli ng iilang prominenteng pamilya ang kalakhan ng lupain.
Angkan ng mga Villanueva ang may pinakamalaking stocks sa kooperatiba ng Tinang—isa rin sila sa komite nito. Kaya klaro kung saan nakapanalig ang interes at posisyong hawak ni Noel Villanueva nang siya mismo ang nagtungo sa Brgy. Tinang at nagbanta na ipapaaresto ang mga lider-magsasaka na naglunsad ng bungkalan.
Kinilala na ng hukom na ang mga magsasaka ang may-ari ng lupa sa asyenda, at ibinasura ang ikinasong malicious mischief at illegal assembly sa Tinang 83. Ngunit nakabinbin pa rin ang mga reklamo ng pulisya ng Concepcion na usurpation of real property rights, disobedience to person of authority, at bagong mga kaso ng obstruction of justice, human trafficking, at child exploitation. Habang patuloy na ipinapanawagan ang pagbabasura sa mga kaso ng Tinang 83, naghanda na rin ang kanilang kampo upang magsampa ng reklamo laban sa hepe at mga tauhan ng Concepcion PNP.
Sumibol ang bungkalan sa Tinang bilang produkto ng mas humihinang bisa ng CARP sa paggiit na ang lupa ay dapat sa mga magsasakang benepisyaryo nito. Di na ito nakakagulat, gayong ang lumikha ng batas ay asyendera rin. Sa kasalukuyan, muling ipinasa ng Makabayan Bloc sa Kongreso ang House Bill 1161 o Genuine Agrarian Reform Bill, upang libreng maipamahagi ang lupa sa lahat ng magsasaka sa bansa. Inaasahang mas magiging epektibo ito sa pagsisigurong makakamtan ng mga pesante ang kanilang karapatan, at nang di nakalulusot ang interes ng panginoong maylupa.
Sa patuloy na pagpapalaganap ng mga bungkalan, walang maliw na pagsuporta at pag-oorganisa kasama ang mga magsasaka, naniniwala akong mananaig din ang katotohanang ang lupang pinaglaanan nila ng buhay upang palaguin ay marapat na mapasakanila. Alam kong inosente lang din ang aking ama sa patuloy na pagbabaluktot ng mga kasinungalingang pumapaligid sa kanya. Kaya ang iniisip ko ngayon, at pinagsisikapang pagbutihin, ay kung papaano pa makikibahagi sa pagsulong sa kamalayang kinikilala ang kapasidad ng mga pesanteng paunlarin ang ating mga buhay—gamit ang sariling ahensya at solusyong sila mismo ang magbabalangkas at magpapanukala. ●