Ni KAT DALON
Mas maganda sanang ipinagdiwang ang Buwan ng Katutubo kung totoong kinikilala ang karapatan at pakikibaka namin sa aming lupang ninuno. Noon pa man, mula sa henerasyon ng aming mga ninuno papunta sa mga bagong sibol, nananalaytay ang pagdepensa sa lupang ninuno.
Kung para sa iba, selebrasyon lamang ang Pandaigdigang Buwan ng mga Katutubo, para sa amin, paggunita ito at paniningil ng hustisya para sa lahat ng mga katutubong pinaslang ng estado. Sa pagkakataong ito, nais naming bigyan ng pinakamataas na pagpupugay ang lahat ng bayaning katutubo. Nais kong magpasalamat sa pag-alay nila ng kanilang buhay para sa pagdepensa sa lupang ninuno. Utang namin sa inyo ang lahat ng meron kami sa kasalukuyan.
Ang Buwan ng Katutubo ay mas pagpapatingkad ng aming pakikibaka sa pagdepensa sa lupang ninuno at ng aming mga panawagan, dahil sa mga ganitong pagkakataon lamang kami narerekognisa at naaalala. Ipinagdiriwang ang mayaman naming kultura, sinusuot at ibinabalandra ang makukulay na mga disenyo, tela at damit, ngunit hindi ang aming marahas kalagayan. Hindi ang pandarambong sa aming lupa. Hindi ang pagpapasara sa aming mga paaralan. Hindi ang militarisasyon sa aming mga komunidad. Ginagawa lamang kaming palamuti.
Kaakibat ng makukulay naming mga damit, mayaman na sining, kultura at tradisyon ay ang pamamasista mula sa estado. Kung gaano kakulay ang kultura ng mga katutubo, ganoon din kasalimuot ang pang-araw-araw naming buhay. Kung ang mga tao ay nasisiyahan sa ganda at yaman ng lupang ninuno, kami ay nangangamba. Nakakatakot isipin na ipinagdiriwang ng illan ang Buwan ng mga Katutubo nang di nakikiisa sa pagdepensa sa lupang pangako.
Marahil ay isang sumpa ang maging isang katutubo sa lipunang walang pagpapahalaga sa kalikasan, lupa, at buhay. Sa lipunang mas matimbang ang pagpatay kaysa pagkilala at pagpapahalaga. Sa lipunang naghahari ang ganid. Ika nga ni Kim Falyao, katambal ng aming pagiging katutubo ang habambuhay na danas nang pandarahas. Pagkalunod ang mamuhay sa lipunang ito.
Lumaki ako sa komunidad na matindi ang militarisasyon. Sa aming komunidad, ang paaralan namin sa kinder ay Manobo ang guro, Manobo ang wikang panturo at ang lahat ng mga halimbawa ng alpabeto ay nakasulat sa aming dayalekto. Tuwing magtatapos ay nakasuot lahat ng minonuvo o kinaraan. Buhay na buhay ang kultura. Tuwing may aktibidad ang komunidad ay nagtatanghal ng mga pangkultural na sayaw at awitin.
Noong nag-aaral na ako sa sekondarya sa paaralang Lumad, doon mas napaunlad ang aking kaalaman at praktika ng aming kultura. Nakita kung gaano kayaman ang aming kultura, tradisyon at sining. Sa Lumad na paaralan, araw-araw pinatutunayan na kayang-kaya naming mamuhay sa aming lupa nang walang manghihimasok na mga kumpanya ng mina, logging concession, dam at plantasyon. Habang umuunlad sila sa pandarambong sa aming lupang ninuno, siya ring unti-unting paglagot ng aming mga hininga.
Habang palala nang palala ang militarisasyon ay unti-unti ring namamatay ang aming kultura. Nakatayo pa rin hanggang ngayon ang paaralan ko noong kinder, kahit matindi ang red-tagging na dinaranas. Ngunit ang mga awitin na tungkol sa pagdepensa sa lupang ninuno ay bawal nang awitin, dahil ito raw ay awit ng New People’s Army (NPA). Ang mga sayaw na may taas-kamao, bawal. Kapag may suot kang bracelet na beads, rebelde. Pinapatay ng estadong ito ang aming kultura. Ipinagbabawal ang maging Lumad sa sariling lupa.
Matingkad pa rin ngayon sa marami na ang aming paaralan ay “breeding ground” ng mga NPA o di kaya’y nauto kami ng mga NPA.
Lagi kong ipagmamalaki na sa anim na taon ng aking buhay ay naging mag-aaral ako sa paaralang Lumad. Hindi kailanman matutumbasan ng kahit anong bagay ang mga natutuhan at karanasan ko sa aming paaralan. Itinuturing kong mahalagang yugto ng kasaysayan ng aking buhay ang maging mag-aaral sa paaralan na makamasa, makabayan at may siyentipikong edukasyon. Noong Grade 8 nga ako, paborito ko ang asignaturang math, values, araling panlipunan at agrikultura. (Bagaman kalaunan, inawayawan ko rin ang math.)
Noong nag-aaral pa ako sa paaralang Lumad, alas-kwatro ng madaling araw maingay na ang kusina, gising na ang mga bata, nakaligo at handa nang gawin ang mga nakalatag na gawain. Magwawalis na sa paligid ng dorm, admin, sa mga silid-aralan at sa AP park. Maraming dahon kasi maraming puno. Magpapakain ng mga alagang hayop na kalabaw, baboy, isda, pato at manok. Yung ibang grupo, mangunguha ng panggatong na kahoy, at nasa sakahan o farm, magdidilig ng mga pananim na gulay at lagutmon (kamote, kamoteng kahoy), pati na rin mga bulaklak. (Mahalaga ang bulaklak sa sakahan upang mahalina ang mga peste sa amoy nito at hindi atakihin ang mga gulay.) Minsan naman, naglilinis din ng mga damo at nagtatanim. Pero sa hapon, pagkatapos ng klase, nasa sakahan ang lahat pati ang mga guro.
Dahil walang ospital na malapit sa aming komunidad, lumalabas kami para magpa-check up, magpabunot ng ngipin, magpatuli at minsan magpa-opera ng cyst. Ginagawa rin naming ang mga kailangang gamot mula sa mga halaman. Itong serbisyong medikal ang pangunahing pangangailangan sa aming mga komunidad na kahit kailan ay hindi natugunan ng estado.
Ito ang ginagawa namin sa loob ng paaralang Lumad. Laging inilalapat ang teorya sa praktika sa lahat ng gawain. Sa klase namin sa asignaturang agrikultura, may isang oras para sa teorya at isang oras sa praktika. Kaya maunlad ang aming paaralan at ang mga estudyante dahil isinasapraktika lahat ng mga natutuhan. Gayundin sa asignaturang english, math, at science.
Hindi kailanman matatakpan ng pakitang-taong pagsusuot ni Sara Duterte sa aming kasoutan ang maraming buhay na ninakaw at minasaker ng kanyang ama sa anim na taon nitong paghahari. Si Sara at Rodrigo Duterte ay parehas na nagpasara ng mahigit isandaang paaralan sa Southern Mindanao Region at sa iba pang rehiyon sa Mindanao. Kung kaya wala siyang karapatan magsuot ng aming damit sa rasong mahilig siya sa “tribal stuff.”
Pinatay kami ng administrasyon. Ang kanilang pangre-red-tag sa aming mga Lumad at sa aming guro ay kumikitil sa amin. Matagal na ipinagkait ang karapatan naming sa edukasyon, at nang gumawa kami ng sariling paaralan, pinasara ito—ninakawan ulit kami ng edukasyon.
Kung kaya anong karapatan ni Sara Duterte na magsuot ng aming kasuotan? Ang bawat hibla ng kinaraan na suot nila ay may mantsa ng dugo, binabastos ang aming kultura.
Ang lupa ay buhay.
Mula sa kultura, pamumuhay, wika at ang aming buhay mismo ay nakaangkla sa lupa. Nakakawing lagi sa lupa ang araw-araw namin na buhay, ang aming kinabukasan, at buhay ng susunod na salinlahi.
Tuwing lumalala ang karahasan na natatamasa namin mula sa estado ay binabalikan namin ang pakiramdam na mamuhay sa loob ng lupang ninuno. Minsan sa buhay namin, naranasan namin ang kolektibong pamumuhay. Nasaksihan namin kung gaano kaganda, at katulad ng bahaghari, makulay ang aming sining at kultura. Minsan sa buhay namin, naranasan naming tumakbo sa damuhan, umakyat ng puno at pumitas ng mga prutas, lumangoy sa ilog at magkaroon ng magandang paaralan.
Pangarap namin na maranasan ulit ito at patuloy na matamasa ng susunod na salinlahi. Hindi kami papayag na mananatiling pangarap lamang ito. Matutupad ito. Titindig ang mga nadapa, kaya’t hihilom din ang mga sugat na tinamaan ng malakas na kidlat. Makakaapak din ang mga paa sa naiwang lupang pamana. Ngunit kung hindi tayo kikilos para baguhin ang lipunan, kailan ma’y di na hihilom ang mga sugat na tinamaan ng malakas na kidlat. ‘Di na rin makakaapak ang mga paa sa naiwang lupang pamana. ●
Si Kat Dalon ay kasalukuyang kumukuha ng Associate in Arts in Malikhaing Pagsulat sa Filipino. Bilang unang Lumad na nahalal sa UP Diliman University Student Council, pinangungunahan niya ang People's Struggles Committee.