Ni IVAN REVERENTE
Miss na kita.
Nitong mga nakaraang buwan, hindi na tayo masyadong nagkikita. Simula nang matanggap ka sa trabaho mo sa production naging bihira na ang ating mga kumustahan at ang mahahabang kwentuhan habang nakatambay sa rooftop namin. Kaya heto ko ngayon at nagpapakasenti habang walang tigil ang buhos ng ulan. Miss na talaga kita.
Naalala ko pa nung bago ka makapasok sa trabaho, marami kang frustrations nun. Nalaman mo noon na hindi pala basta-basta ang buhay pagtapos ng kolehiyo. Hindi katulad ng iniisip ng karamihan, nalaman mo na hindi pala porke’t nagtapos ka sa UP ay makakakuha ka kaagad ng trabaho. Lagi kang malungkot nang mga panahong iyon, binabagabag ng pressure na nabibigay sayo ng mga pangangailangan mong pansarili at ng iyong pamilya.
Marami kang sinubukang pasukan, hanggang sa ikaw na rin ang kusang bumigay. Dumaan ang panahon na parang naghahabol, di mo namalayang matagal-tagal ka na ring palang naghihintay sa mga tawag na hindi na dumating. Unti-unti kang nawalan na ng pag-asa. Sa mga panahong iyon ay aking nasaksihan ang iyong pagluha na maging sa aki’y pumapatay.
Nanatili ako sa tabi mo, ngunit naramdaman kong hindi sapat ang balikat kong pwede mong sandalan. Higit na malalim ang iyong pagdurusa.
Sa mga panahong iyon, hiniling kong sana bumalik na lang tayo sa mga panahong tayo’y high school pa. Kung saan mapupunan na ng yakap ang lahat ng iyong kalungkutan. Sa tagal ng ating pagsasama’y marami kang naituro sa akin. Hindi ko ikakaila kahit sa isang saglit na utang ko sa iyo ang lahat ng tagumpay na nakuha ko. Ikaw ang nagturo sa akin na maniwala sa aking sarili. Ang aking naging takbuhan ko sa tuwing ako’y mabibigo. Tinuruan mo akong mangarap sa ilalim ng mga glow-in the dark stickers na dinikit mo sa dati nating boarding house. Ngunit sa kabila ng lahat, hindi ko magawang tumbasan ang ibinibigay mo. Hindi ko napawi ang iyong kalungkutan.
Dumating ang araw na iyong pinakahihintay, muli kong nakita ang ngiti sa iyong mukha. Masayang masaya tayo nun hanggang sa malaman kong sa Rizal ka pa pala papasok. Dahil na rin sa demand ng iyong trabaho ay kinailangan mong manirahan doon pansamantala. Naisip ko kaagad kung paano tayo magkikita, sa dami ng kailangan mong gawin. Minsan sa isang linggo na lang tayo magkakaroon ng pagkakataong magkita at makapag-usap. Ngunit sa matagal na panahon ay di kita nakitang ganito kasaya, kaya mahirap man, naging masaya na rin ako para sayo.
Sa ngayon, nahihirapan pa rin akong mag-adjust. Nilulunod ko na lang din ang sarili ko sa mga raket at sa lingguhan kong gawain dito sa opisina. Mahirap mang gumalaw kapag ikaw lang ang lagi sa aking isipan, okey lang. Alam kong makakatulong naman ‘yan sa iyo. Marami kang matututunan upang lalo mo pang mapatatag ang iyong sarili. Higit sa lahat nandyan ka na ngayon sa trabahong gusto mo talagang gawin. Sana kayanin natin ito. Hinihiling ko ring maging matatag ako. Alam kong minsan kailangan nating magsakripisyo, tutal sino ba naman ang nagsabing madali ang buhay sa totoong mundo?
Panay pa rin ang buhos ng ulan nitong mga nakaraang linggo. Patuloy pa rin ang pangungulila ko sa’yo. Kung ako man ay tatanungin kung ano ang aking dahilan, sasabihin kong hindi lang dahil sa ulan ... kailangan ko pa bang ulit-ulitin? Mahal na mahal kita. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-1 ng Agosto 2006 gamit ang pamagat na “Senti.”