By BONG LAYADOR
Bubulaga na lang sa’yo ang kanilang mga pahayag. Minsan, matatagpuan mong nakasulat sa itim na titik, sa mga pintuan at haligi ng banyo, “Mabuhay ang KM!” Sa ibang pagkakataon naman, sa pamamagitan ng mas mapangahas na pulang pintura, “Kabataan, sumapi sa NPA!” ang mababasa mo sa mga marurungis na pader habang nakasakay ka sa dyip.
Marahil, gasgas na para sa karamihan ang ganitong mga panghihikayat na sumapi sa armadong kilusan upang magsulong ng pagbabago. Nagmimistula na lang itong bahid sa malinis na pagkakapinta ng mga gusali. Ngunit kung susuriin ang kasaysayan ng Kabataang Makabayan (KM), na siyang nasa likod ng mga nabanggit na pahayag, higit pa sa panghihimok ang dala ng mga humihiyaw na mensahe. Patunay lang ang mga ito sa sumisiglang kilusang kabataan para sa pagbabagong lipunan.
Unti-unting pagningas
Habang naglikha ng hysteria ang musika ng Beatles noong dekada ‘60, malaking bilang naman ng kabataan ang sumasayaw sa kakaibang tugtugin. Sa pag-igting ng rebolusyon sa Vietnam, nahati ang mundo sa pagitan liberal na demokrasya ng Estados Unidos at komunismo ng Russia at Tsina. Sa Pilipinas, kung saan damang-dama ang malakas na kontrol ng US sa pulitika, ekonomiya, at kultura, kapansin-pansin ang mga hakbang na isinasagawa ng pamahalaan upang mapigilan ang paglawak ng impluwensya ng kaisipang sosyalismo sa Timog-Silangang Asya. Mahigpit na binantayan ng gobyerno ang paglitaw ng taliwas na ideolohiya.
Sa pangunguna ng Student Cultural Association of the University of the Philippines (SCAUP), binasag ng mga intelektwal ang konserbatismong namamayani sa loob at labas ng pamantasan. Naging gabay nila ang makabayang sulatin nina Claro M. Recto, Teodoro Agoncillo, at Renato Constantino, at mga progresibong aklat nina Marx, Engels at Lenin, sa pagsusuri ng lipunang Pilipino. Dahil dito, unang tinarget ng pamahalaang Macapagal ang akademyang pugad diumano ng mga guro at estudyanteng nagsusulong ng makabayan, progresibo’t, kung minsan, maka-kaliwang kaisipan.
Natakot ang pamahalaan sa diumano’y pag-usbong ng rebelyon sa hanay ng mga intelektwal. Tinangka nila itong apulain sa pamamagitan ng malawakang witch-hunt na isinagawa ng Commission on Anti-Filipino Activities sa mga inakusahang subersibong propesor at mag-aaral.
Upang ipakita ang pagtutol sa ganitong uri ng panggigipit ng pamahalaan sa kalayaang akademiko ng pamantasan, binuo ng SCAUP ang alyansa ng mga organisasyon, sorority, at fraternity na nagsagawa ng malawakang protesta noong Marso 1961 sa harap ng Kongreso kung saan unang nasaksihan ng bansa ang pagbuhos ng higit 5,000 animo’y walang muwang na mag-aaral sa lansangan.
Mula sa mobilisasyong ito, nahimok ang mas malaking bilang ng kabataan mula sa mga pamantasan, pabrika, at komunidad sa pagtuligsa sa gobyernong binansagan nilang kontra-mamamayan. Dinaluhan ng 84 lider-estudyante mula sa UP, Lyceum of the Philippines, Philippine College of Commerce (ngayo’y Polytechnic University of the Philippines) at mga kabataang kasapi ng Lapiang Manggagawa ang unang kongreso ng KM sa Young Men’s Christian Association Youth Forum Hall. Inihalal na unang tagapangulo si Jose Maria Sison.
Pag-apoy
Sa talumpati ni Sison sa pagkatatag ng KM noong Nobyembre 30, 1964, ipinaliwanag niyang hindi lamang napipinsala ang kabataan kasabay ng iba pang sektor ng pagiging atrasado ng lipunan, kundi sila mismo ang unang tinatamaan nito. Pinatitingkad ng katotohanang ito ang responsibilidad ng kabataan na manguna sa mga pagkilos tungo sa pagbabago.
Paglalahad ni Sison, “nasa isang daigdig na tayo na ang lumang mga katotohanan at lumang mga istruktura ay target ng mga aksyong masa ng kabataan at mamamayan.” Ibinahagi niya ang kabayanihan ng mga kabataang Tsino na kinilala bilang Red Guards dahil sa kanilang pagpapabagsak sa bulok na sistema ng edukasyon at pagsama sa masa sa paglantad sa katiwalian ng pamahalaan.
“Dapat kilalanin na mas madaling tumanggap ng mga bagay na bago at progresibo ang kabataan kaysa mga nakatatanda,” ani Sison. Malaki ang maidudulot ng ganitong katangian ng bagong henerasyon upang wakasin ang lumang sistema ng lipunang Pilipinong inilarawan bilang malapyudal at malakolonyal. Sa ganitong lipunan, namamayani ang impluwensya ng US sa pulitika at ekonomiya ng bansa, habang hawak ng mga panginoong maylupa ang kalakhan ng mga pag-aari ng bansa.
Dagdag niya, magbubunga ng rehimeng sumusuporta sa pinagsasamantalahang paggawa at di makatarungang digmaan ang isang daigdig na ang kabataan ay kimi at walang-pakialam. Gayundin, nanganganib ang isang rebolusyonaryong kilusang walang matatag na hanay ng kabataan.
Taglay ng mga kabataan ang sigasig na iwasto ang mga nakikitang kamalian sa kanilang ginagalawang lipunan. May sigla silang kikilos upang itaguyod ang pagkakamit ng makatarungan, makatao at maunlad na lipunang sa huli ay mamanahin nila. “Tanging sa militanteng pakikibaka lamang lilitaw ang pinakamahusay sa kabataan. Tanging sa pakikibaka lamang patuloy na mapapanariwa ang panlabang pwersa ng walang hanggang pagdaloy ng bagong dugo,” ani Sison.
Pagsiklab
Matapos idiin ang papel ng kabataan sa pagbabago, binalangkas sa pagtitipon ang oryentasyon ng KM. Sininsin sa pagtitipon ang tungkulin ng KM bilang tagapagtaguyod ng gawaing pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos sa hanay ng mga kabataan mula sa iba’t ibang saray ng lipunan. Nilatag din dito ang tunguhin ng KM na maglingkod at makipagkaisa sa mga masang manggagawa at magsasaka.
Bitbit ng KM ang pambansang demokratikong linya na may sosyalistang perspektiba at ginagabayan ng mga kaisipan ng mga rebolusyonaryong sina Marx, Lenin, at Mao. Nilinaw na rin sa unang kongreso ng KM ang layon ng kanilang pakikibaka—pambansang industriyalisasyon at repormang agraryo.
Paglaon, sa saliw ng tugtugin ng pambansang demokratikong rebolusyon, mapusok na naglunsad ang KM ng mga demonstrasyon upang tumangan ng mga isyung lumiligalig sa buong bansa sa pagpasok ng dekada ‘70. Nang ihayag ni dating pangulong Ferdinand Marcos ang kanyang state of the nation address sa Batasang Pambansa noong Enero 26, 1970, pinangunahan ng KM ang mobilisasyong kinabilangan ng may 50,000 mamamayan. Nauwi ang pakilos sa isang marahas na dispersal na isinagawa ng mga pulis.
Ito ang nagsilbing mitsa ng First Quarter Storm na kinatampukan ng sunud-sunod na pagkilos ng iba’t ibang sektor sa Kamaynilaan. Sa pangunguna ng mga estudyante, isinagawa ang serye ng mga pagkilos malapit sa Malacanang at Kongreso—mga sentro ng kapangyarihan. Gawa ng marahas na pagtataboy ng mga pulis at sundalo, nauwi ito sa pagkamatay ng anim na kabataan.
Pinangunahan din ng KM ang Diliman Commune kung saan tinutulan ng mga mag-aaral ng UP ang pagtaas ng dalawang sentimo sa presyo ng langis. Binarikadahan nila ang University Avenue gamit ang mga silyang inilabas mula sa mga silid-aralan upang hindi makapagdaos ng mga klase. Ginawa nila ito upang maipahayag ang kanilang maigting na pagkundena sa kawalang solusyon ng pamahalaang Marcos sa tumitinding krisis.
Dagdag dito, naging mahalaga ang papel ng ilang kasapi ng KM sa muling pagkakatatag at pagpapalakas ng Partido Komunista ng Pilipinas sa pangunguna ni Sison. Sa mga panahong ito, malaking kasapian ng KM ang sumanib sa Bagong Hukbong Bayan, armadong katuwang ng Partido upang isulong ang armadong pakikibaka na itinuturing nitong pangunahing sagot upang mailunsad ang ganap na pagsulong ng lipunang Pilipino. Mula sa simpleng pag-uusisa sa kalagayan ng lipunan, nagsimulang makipaglaro sa apoy ang KM.
Upang mapatahimik ang sunud-sunod na mga pagkilos, sinuspinde ni Marcos ang writ of habeas corpus bago niya tuluyang ideklara ang Martial Law, tinugis ang kasapian ng KM na napilitang mag-underground dahil sa panganib na dala ng militaristikong gobyerno.
Pag-andap-andap
Bagaman patagong kumikilos, nagkamit ng maraming tagumpay ang KM. Tinutukan ng grupo ang mga isyung kinakaharap ng mga kabataang estudyante at masang manggagawa at magsasaka. Upang kondenahin ang nagtataasang matrikula, nanguna ang KM sa pagsasagawa ng boykot sa 62 paaralan sa buong bansa na nilahukan ng may 200,000 estudyante. Pinaigting nito ang militansya at pinaunlad ang kamalayan ng mga mag-aaral sa paglulunsad ng mga talakayan tungkol sa kolonyal, komerysal, at mapaniil na edukasyon sa bansa. Ito diumano ang dahilan kung bakit palaging tumataas ang matrikula at maraming kabataan ang hindi nakakapag-aral.
Nang mapatalsik ang diktadurang Marcos noong gitnang bahagi ng dekada ‘80, nagsagawa ang mga mag-aaral ng sunud-sunod na pagkilos upang ipaglaban ang mga karapatang pang-estudyante at sibil na ipinagkait ng Batas Militar. Napagwagian ng kilusang kabataan ang pagbabalik ng konsehong pangkampus, pagdedemilitarisa sa kampus, pagbabawal sa pakikialam at pandarahas ng militar sa mga protesta sa paaralan at pampublikong lugar, pagsasaayos ng mga pasilidad at pagro-rollback ng matrikula.
Ngunit bunsod ng preokupasyon ng KM sa mga usapin ng kabataan, panandaliang humiwalay ang KM sa mga isyu ng ibang sektor sa lipunan na patuloy pa ring nakabaon sa kahirapan sa kasagsagan ng rehimeng Aquino. Bumaba ang kasapian nito at nakupot ang mga bitbit na isyu sa loob ng pamantasan. Sa kabila nito, nabuksan ang daan sa pagwawastong ibayo pang nagpaunlad sa KM.
Tinatanganan nito ang mga suliranin ng manggagawa sa pagpapataas ng antas ng kanilang kamalayan ukol sa makatarungang sahod at benepisyo at wastong kondisyon sa pagawaan. Sa pananawagan ng boykot at pagpipiket laban sa mga kumpanyang mapagsamantala, kabilang sa mga iwinawagayway ang puting telang may tatsulok na may alibatang titik “K” na siyang bandila ng samahan.
Paglagablab
Sa tuwing may isyung lumiligalig sa bansa, parating may pahayag ang KM lalong lalo na sa hanay ng kabataan na patuloy nitong pinakikilos. Tampok sa mga kamakailang pagkilos ng kilusang kabataan ang pagdagsa ng libu-libong kabataan, kasama ang iba’t ibang sektor, sa EDSA noong 2001 upang tuligsahin ang korupsyon ng rehimeng Estrada. Tuluyang tinulak ng pagkilos na ito ang pagbitiw ng dating pangulong Joseph Estrada sa kanyang posisyon. Dito, ramdam na ramdam ang patuloy na kasiglahan ng kilusan para sa pagbabago. Kung sa pagkakataong ito rehimen ang nagbago, sa kalaunan buong lipunan ang tatangkahing baguhin ng KM kasama ang iba pang sektor na masinsin pa ring naglulunsad sa rebolusyon.
Hanggang sa kasalukuyan, nananatiling underground na organisasyon ang KM dahil sa patuloy na pagtugis dito ng pamahalaan. Sa ilang dekadang pagsusulong sa demokratikong karapatan ng mamamayan at pagsisilbi sa masang kabataan, magsasaka, at manggagawa, halos tatlong dekada na ring nakikipagtaguan ang KM.
Mapangahas ngang maituturing ang landas na tinatahak nito. Sa palagiang pagtanaw sa kanilang mga pahayag at panawagan, patuloy na nabibigyang-hubog ang kanilang pag-iral sa kasaysayan. Higit sa pagiging mga dumi sa dingding, ang mga pahayag na ito ay panawagang makiramdam, mamulat, at makiisa sa kanilang pakikibakang nananatiling buhay, at umiigting hanggang makamit ang isang makatwirang lipunan.
Sanggunian:
Sison, Jose Maria. Makibaka para sa Pambansang Demokrasya. 2001
Rosca, Ninotchka. At Home in the World, a Portrait of a Revolutionary. 2004
Rubio, Vincent Jan Cruz. “Taliba: 36 na Taon ng Kabataang Makabayan.” Philippine Collegian. 2000
Iniltathala sa isyu ng Kulê noong ika-2 ng Disyembre 2004, gamit ang pamagat na “Laro sa Bago: Apat na Dekadang Pag-alab ng Kabataang Makabayan.”
Itinatag ni Jose Maria Sison ang Partido Komunista ng Pilipinas taong 1968, gamit ang patnubay ng teoryang Marxism-Leninism-Maoism to Philippine history sa pagbuo ng sosyalistang perspektiba ng partido sa pambansang demokrasiya. Yumao matapos ng dalawang linggo sa hospital si Sison sa edad na 83, Disyembre 17, 2022, sa Utrecht, Netherlands.