Ilang buwan pa man bago ang martsa, naghanda na kaagad si Henry* at ang kanyang pamilya para sa pagtatapos ngayong taon. Mula pa kasi sa Mindanao ang angkan ni Henry, maiging maaga ang pagpaplano lalo na’t nagmamahal ang gastusin sa byahe pa lamang. Maging gamit at damit para sa nalalapit na pagtatapos ay nagmamahal dahil sa graduation season. Nakapag-photoshoot na rin si Henry at nakabili na ng Sablay na isusuot ngayong Hulyo.
Ngunit tila nabalewala ang lahat ng preparasyon nang malaman ni Henry na kabilang siya sa mga estudyanteng maaaring hindi makapagtapos ngayong semestre. Isa si Henry, 23, mula sa Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya, sa 118 estudyanteng nanawagan sa University Council hinggil sa pagkredit ng mga kurso upang makapagtapos ngayong taon.
Hindi makakapagtapos si Henry dahil hindi makekredit ang kursong kinuha niya mula sa College of Social Work and Community Development (CSWCD) dahil hindi niya kinuha ang corequisite na kurso rito, ayon sa student records evaluator ng kanyang kolehiyo. Ngunit, ayon sa CSWCD, hindi kailangang kunin ang corequisite sa kurso kung hindi taga-CSWCD ang estudyante.
Bawat akademikong taon ay nagiging problema na ang pag-akredito ng kurso ng mga estudyanteng magsisipagtapos. Nitong nakaraang taon, umapila rin ang mga estudyante mula sa Department of Mining, Metallurgical, and Materials Engineering hinggil sa pagkredit ng mga kinuhang MatE at MetE na kurso nang hindi kinukuha ang prerequisite ng mga ito.
Tulad ng mga kapwa estudyante niyang nakatanggap ng masalimuot na balita sa hindi pagtatapos, nagsimula si Henry humingi ng tulong. Nagpadala siya ng email sa kanyang adviser, kumausap ng dating mag-aaral na kumuha rin ng kursong hindi ikekredit. Nakakilala si Henry ng kapwa niya mag-aaral na biktima rin ng hindi maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga kolehiyo. Dito nagsimula na silang magsama-sama at humingi ng tulong sa mga organisasyon at kolehiyo para sa kanilang kaso.
Ngunit kahit gaano pa man kalaki ang suporta ng mga kolehiyo at konseho ng mag-aaral, ang administrasyon ng UP Diliman pa rin ang mapagpasya. Sa punto ng paghihintay, nagsisimula nang mabigo si Henry. Kahit gaano pa man kaaga ang pagsumite nila ng apila, hindi pa rin kontrolado ng mga mag-aaral ang oras ng paglabas ng resulta.
Hindi nila hawak ang oras, kaya tumigil na muna sa paghahanda si Henry at ang kanyang pamilya. Hindi na muna nag-book ng flight ang magulang, hindi na muna bumili ng kasuotan. Kailangang masiguro muna dahil kasama ang pera sa usapan. Ngunit ang bawat pag-aalinlangan, kahit gaano man kasalimuot, ay may posibilidad pa rin ng tagumpay—iyan ang pinanghawakan ni Henry, dahil sa tibay ng suporta ng mga kaibigan at kapwa niya mag-aaral.
Noong ika-24 ng Hulyo, inaprubahan na ng University Council ang apila ng 118 estudyanteng magsisipapagtapos. Ngayong Hulyo 30, tiyak na si Henry na kasama siya sa mga magmamartsa, may karangalan pa. Bagaman wagi pa rin sa kinalabasan ng apila, naglaho ang masaya sanang selebrasyon kasama ang buong pamilya.
Tatay na lamang ni Henry ang makakapunta sa kanyang pagtatapos. Hindi na kinaya ng mga magulang ni Henry ang gastos para sa dalawang tiket dahil nagmahal na ang presyo sa nalalapit na petsa ng alis. Masayang tagpo pa rin naman sa kanyang buhay ang darating na pagtatapos, ngunit lalong espesyal sana ito kung buong pamilya nilang maipagdiriwang ang kanyang pagmartsa sa UP.
Sa bawat hakbang ng huling pagtapak ni Henry sa UP, iisa lang ang kahilingan niya—hindi na sana estudyante ang magbabayad sa pagkukulang ng sistema. Higit pa sa simpatya at suporta, hinihiling ni Henry ang maayos, malinaw, at mabilis na sistema ng edukasyon. ●
*Hindi tunay na pangalan.