Tila bumalik tayo sa panahon ng diktadura kung saan nakabalandra sa mga pahina ng ilang pahayagan ang pagpupugay sa mga Marcos, sa kabila ng mga problemang kinakaharap ng bansa—walang humpay na pagtaas ng bilihin at pandurukot sa mga kritikong naninindigan para sa karapatan.
Sa libreng tabloid na inilathala ng pamahalaan, kung saan bida ang mga programa’t proyekto ni Marcos, nakalagay sa malalaking letra ang pahayag: “PINAS NUMERO UNO SA 2023 GDP FORECAST SA ASYA.” Ang totoo’y pangatlo lang naman talaga ang bansa sa listahan ayon sa International Monetary Fund.
Kalakhan ng mga Pilipino ay kumukuha ng balita sa tabloid dahil sa mura nitong presyo at agaw-atensyon na istilo ng pag-uulat, ayon sa sarbey ng Nielsen Co noong 2017. Kung kaya lantaran ang pagpapakalat ng disimpormasyon sa plataporma upang magmistulang kapani-paniwala ang anumang itinutulak na naratibo ng mga Marcos.
Liban sa paglalathala ng maling impormasyon, mahalagang suriin ang pagtitimbang ng isang pahayagan sa mga itinatampok nitong balita, ayon sa isang pag-aaral ng Center for Media Freedom and Responsibility. Nang muling lumitaw ang kontrobersiya sa utang ng mga Marcos bago ang eleksyon, dinepensahan ng ilang pahayagan ang pamilya Marcos na ibinida pa sila sa front page ng mga dyaryo. Mas pinili pang itampok ng mga pahayagan ang kampo ng mga kaalyado ni Marcos sa kabila ng mga ebidensya at hatol ng korte laban sa kanila.
Napapanatili ang makinarya ng disimpormasyon dahil kaalyado ng gobyerno ang may-ari ng ilang pahayagan, kung di man tuwirang kumikiling sa pabor ng pamilya ang mga kumpanya. Halimbawa, ang dyaryong People’s Journal na pagmamay-ari ng pamilya Romualdez, malapit na kaanak ni Marcos, ay kilala sa paglalathala ng mga balitang pabor sa imahe ng mga Marcos. Minsan nang sinampahan ng kasong cyberlibel ang pahayagan kasunod ng paglabas ng mga gawa-gawang kwento laban kay Leni Robredo noong panahon ng eleksyon.
Sa ganitong lagay, kinakailangan ang patuloy na paglalathala ng mga balitang nakasandig sa katotohanan upang sugpuin ang ibinibidang naratibo ng mga Marcos sa mga kontrolado nitong pahayagan. Esensyal itong tunguhin upang tuluyang tuligsain ang taktikang malaon nang kinakasangkapan ng pamilya Marcos. ●