Mga magsasaka ang magpupunla ng kinabukasang may sapat na pagkaing yari sa sariling bayan. Ngunit sa pihit ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nananatiling pinagkakaitan ang mga pesante ng karapatang ariin ang sariling lupa at mapasakamay ang kontrol sa produksyon ng pagkain sa bansa.
Nangunguna na ang Pilipinas sa pagiging importer ng bigas sa buong mundo, ayon sa ulat ng United States Department of Agriculture nitong Setyembre. Ngunit bigo ang labis-labis na importasyon ng bansa na tugunan ang kagutuman gayong tayo rin ang may pinakamataas na bilang ng mamamayang walang regular na akses sa ligtas at masustansyang pagkain sa Timog Silangang Asya, batay sa Food and Agriculture Organization nitong Oktubre.
Anumang pagtatangka para sa seguridad sa pagkain nang di naka-ugat sa pagpapasibol ng soberanya sa pagkain ay mabibigo. Tulad ng dispalinghadong price ceiling sa bigas, pinaigting na importasyon, at ipatutupad na food stamp program, patuloy na nabibigo ang mga palisiya ng administrasyon dahil pawang panakip-butas lang ang mga ito sa matagal nang krisis sa agrikultura. Higit, tinatanggihan ng estadong sagutin ang dati pang daing ng mga pesante sa kawalan ng kalayaan na patakbuhin ang produksyon ng agrikultura at gawin itong nakatitindig at sustenable para sa bansa.
Sa paglobo ng presyo ng mga bilihin at paglubha ng kasalatan sa pagkain, kagyat na kahingian ang pagwasto sa depektibong sistema ng produksyon. Gayunpaman, ang mga patakaran sa lupa ni Marcos ay puno pa rin ng mga mekanismong sa kalauna’y lumulundo sa konsentrasyon ng lupa sa ilang pamilya.
Bumubuntot sa bansot na legasiya ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ang National Land Use Act at New Agrarian Emancipation Act ni Marcos. Dahil limitado ang saklaw na tinukoy ng CARP, naka-angkla ang mga batas sa mga umiiral na kaluwagan ng CARP sa mga hacienderong tinatakasan ang pagpapamahagi ng lupa sa pamamagitan ng pagpapakipot sa mga probisyon na kumikilala sa mga lupang agrikultural sa bansa.
Nakaiiwas ang mga panginoong maylupa mula sa pananagutan na ibalik sa mga magsasaka ang lupang sila ang tunay na nagmamay-ari sa bisa ng reklasipikasyon o pagpapalit-gamit ng lupa. Ang ganitong iskema ay nagpapatatag sa kapit ng mga malalapit kay Marcos sa libo-libong ektaryang kalupaan ng bansa tulad ni Ramon Ang ng San Miguel Corporation, pamilyang Villar ng Vista Land Inc., mga Ayala-Zobel ng Hacienda Zobel, at Consunji ng DMCI-Consunji.
Gayundin, lumalagos hanggang sa mga dayuhan ang pagpapabor ni Marcos sa mga patakaran sa produksyon. Sinasagkaan ng pangingibabaw ng dayuhang kontrol sa kalakalan ang kakayahan ng mga lokal na prodyuser na sustentuhan ang pangangailangan ng bansa sa sapat na pagkain.
Taliwas sa pangako ng free trade agreements tulad ng Regional Comprehensive Economic Partnership, pinipilay ng ganitong kasunduan ang kapasidad ng bansang palakasin ang produksyon nito. Dahil walang kapangyarihan sa sariling lupa at salat sa suporta ng gobyerno, sa simula pa lang ng kompetisyon ng merkado ay dehado na ang lokal na magsasaka. Sa katunayan, patuloy na humihina ang sektor ng agrikultura nitong mga nagdaang taon sa kabila ng pagtaas ng dayuhang kapital na inilalagak dito.
Sa pagtutulak ng estado sa iskema ng pagpapanukala ng mga polisiyang kumikiling sa dayuhang interes, nagdulot ito ng pinakamataas na pagdami ng inaangkat ng bansa sa agrikultura higit sa ine-export nito noong 2022. Dito, nababangkarote ang mga magsasaka at pinagkakaitan ang mga konsumer ng sapat at murang suplay ng pagkain. Ang tanging ganansya ay nasa pamahalaan: pagpapatupad ng kaluwagan sa mga dayuhang korporasyon upang pondohan ang mga programa ng administrasyong batbat ng korapsyon, tulad ng sandamakmak na proyektong pang-imprastrakturang nakaasa sa dayuhang pangungutang.
Ang matagal nang kahingian para sa pagpapasa ng Genuine Agrarian Reform Bill, patakarang magpapamahagi ng libreng lupa sa mga magsasaka, ang hakbang pasulong upang paunlarin ang agrikultura ng bansa. Gayundin, matatamo ang nakasasapat na pagkaing abot-kaya sa lahat sa pagkakataong makalaya ang bansa mula sa di pantay na patakarang pumapabor sa mga lokal at dayuhang kasabwat ng estado.
Aanihin lamang ang seguridad sa pagkain kapag natamo na ng bansa ang soberanya sa produksyon ng pagkain. Sa pagtalunton dito, mga pesante mismo ang tatabas sa paghahari ng estadong humaharang sa pagsasakatuparan ng tunguhing ito. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-20 ng Oktubre 2023.