Namayapa si Bai Bibyaon Ligkayan Bigkay, lider ng katutubong Manobo, sa piling ng kanyang mga minamahal noong Nobyembre 20. Bilang paggalang sa kanyang kahilingan, isinapribado ng mga kaanak ang lokasyon kung saan inilibing si Bai.
Hindi tiyak ang edad at araw ng kapanganakan ni Bai. Gayunpaman, ang buong-buhay na pag-alay ni Bai para sa kasarinlan ng mga katutubo ang tiyak na maiuukit sa kasaysayan ng mga Manobo.
Ang pagpapatuloy sa paglaban ng mga katutubo para sa kanilang ganap na paglaya ang iniwang habilin ni Bai sa kanyang pagpanaw, ayon sa anunsyo ng Sabokahan IP Women nitong Miyerkules.
Isinilang at tumanda sa Pantaron Mountain Range sa Mindanao si Bai. Dito, buong tapang na inilaan ni Bai ang buhay upang ipagtanggol ang kanyang lupang ninuno, ang kinabukasan ng mga kabataang Lumad, at ang kalikasan na bumibigkis sa kanilang identidad at kultura.
Mababakas sa mga tagpo ng pagpupunyagi ng mga Lumad ang paggabay ni Bai bilang isang pinuno. Taong 1994, pinangunahan at naipanalo ni Bai ang isang pangyaw, o giyerang pang-katutubo, laban sa dayuhang kumpanya na Alcantara and Sons Timber Company.
Liban sa angking tapang upang gapiin ang mga dayuhang kaaway na humahamak sa kanilang lupang ninuno, masugid na ipinamulat ni Bai sa kanyang komunidad ang lakas ng pagkakaisa ng mga katutubo upang ipaglaban ang ganap nilang pagsasarili.
Pinatunayan ni Bai sa kanyang pamumuno na maaaring makamit ang isang mapagpalayang edukasyon. Bilang tagapagtaguyod ng konseho ng Salugpungan Ta Tanu Igkanugon, organisasyon ng mga Manobo sa Talaingod, Davao del Norte, pinasinayaan ni Bai ang pagpapatayo ng mga paaralang Lumad sa iba-ibang komunidad ng mga katutubo sa Mindanao.
Itinuro ni Bai sa mga paaralang Lumad ang kahalagahan ng edukasyon bilang kanilang sandata upang maipagtanggol ang kanilang komunidad. Liban sa pagtuturo upang mapaunlad ang kultura at agrikulturang kinamulatan, naging espasyo rin ang mga paaralang Lumad upang maituro sa mga Lumad ang kanilang karapatan para sa sariling ahensya na patuloy na ipinagkakait ng estado at mapangsikil na dayuhang korporasyon.
Mula 1990s hanggang 2000s, nagpatuloy ang rebolusyonaryong pagkilos ni Bai upang ipagbuklod ang malawak na hanay ng mga katutubo sa Mindanao. Taong 2003, naging tagapagtaguyod at tagapangulo rin ng Sabokahan Unity of Lumad Women si Bai na naglayong ma-organisa ang kababaihang Lumad upang magsilbi bilang lider sa mga sariling komunidad.
Ipinagpatuloy ni Bai ang pakikipaglaban maging sa kanyang paglisan sa Pantaron, bunsod ng tumitinding militarisasyon at pagpaslang ng mga militar at paramilitar sa mga Lumad.
Umagapay si Bai sa Manilakbayan ng Mindanao noong 2015, isang malawakang kilos protesta ng mga Lumad na dumadagundong maging sa labas ng bansa. Sa kabila ng walang humpay na banta at pandarahas ng estado sa kanya, nanaig kay Bai ang patuloy na pakikibaka para sa mga Lumad. Dito, nakapagkamit ng maraming parangal si Bai bilang tagapagtanggol ng karapatang pantao, kababaihan, at kalikasan.
Taong 2017, iginawad ng UP Diliman Kolehiyo ng Gawaing Panlipunan at Pagpapaunlad ng Pamayanan kay Bai ang ikatlong Gawad Tandang Sora award bilang pagkilala sa rebolusyonaryong paglaban ni Bai para sa mga katutubo.
Noong nakaraang taon din, nakamit ni Bai ang Ginetta Sagan Award ng Amnesty International, parangal bilang pagkilala sa malaking kontribusyon ng pinuno para sa karapatan ng kababaihan at karapatang pantao.
Gayunpaman, higit sa mga parangal, ang pag-alala sa kanyang legasiya bilang gabay at pagpapatuloy sa laban sinimulan ni Bai ang mga aral na bibitbitin ng kasalukuyan at maging ng mga susunod na henerasyon ng mga katutubo.
“Mahaba ang pasensya niya. Kahit kailan, maging sa pananatili namin sa Maynila, hindi namin siya narinig magreklamo—mahabang panahon niyang pinangunahan ang paglaban [ng mga Lumad],” ani ni Kat Dalon sa wikang Cebuano, isang kabataang Lumad na nagsilbing tagapag-salin ni Bai sa bakwit school sa Maynila, sa artikulo ng Davao Today.
Hanggang sa mga huling araw ng mga bakwit school sa Maynila, araw-araw na inilaan ni Bai ang kanyang panahon sa paggawa ng mga palamuting beads para sa mga batang Lumad. Pagpapatunay ang pananatiling buhay ng kultura at tradisyon ng mga katutubo sa hindi nagmamaliw na laban ng mga katutubo para sa ganap nilang pagsasarili, ayon kay Bai sa isang panayam taong 2021.
“Ito ang pinagmulan namin…tanda ito upang makilala kami bilang mga katutubo,” aniya.
Tangan ang mabigat na tungkulin bilang pinuno ng mga katutubong Manobo, nabuhay bilang ina sa maraming kabataang Lumad si Bai. Hanggang sa kanyang huling sandali, ginugol ni Bai—o Ino Bai para sa mga nagmamahal sa kanya—ang kanyang buong lakas upang maibahagi sa nakararami ang kahalagahan ng patuloy na paglaban para sa ganap na kalayaan. ●
Para sa mga nais magpaabot ng tulong sa Sabokahan IP Women, organisasyong itinatag ni Bai Bibyaon Ligkayan Bigkay, maaaring sumanggunit sa post na ito o magpadala ng donasyon sa GCash account na ito: 09369281931.