Madalas, hinihiling ko sa mundo na sana tumigil muna siya sa pag-ikot. Kung pwede, ipagkaloob muna niya sa akin ang isang saglit para umiyak, umidlip, at magpahinga.
Wala nang bago na inabot na naman ako ng alas-tres ng madaling araw sa trabaho. Sa pagtanggap ko ng iba-ibang katungkulan, tumatak sa isipan ko na wala akong karapatang magreklamo. Kasama na sa tungkulin ko ang paglunok sa mga personal na problema dahil may mga pulong pang padadaluyin. Kung minsan, kailangan ko munang isantabi ang pang-akademikong gawain dahil sa mga suliranin sa org na kailangan ayusin. At kahit said na said na, pupursigihin ko pa ring humarap sa iskrin at kumilos.
Hindi mailalayo sa personal kong problema ang kabuuang danas ng mga estudyante. Mula Pebrero hanggang Hunyo taong 2023, tumaas sa 196 porsyento ang mga kasong kaugnay ng mental health sa tala ng University Health Service (UHS), ayon sa ulat ng Tinig ng Plaridel. Sa parehong ulat, madalas na nag-uugat ang mga problemang kaugnay ng mental health sa mga gawaing pantrabaho at pang-eskwela, ayon kay Genevieve Sadaya, medical officer sa UHS.
Kung pwede lang talikuran ang mga gawaing ito para bumuti ang sariling kalagayan, matagal ko na sigurong ginawa. Marahil katulad din ng mga taong dumadagsa sa UHS, may kanya-kanyang tayong dahilan sa pagbitbit ng bigat hanggang sa di na natin makaya.
Lumaki tayo sa mundong nakasanayan nang magsarili dahil tayo lang naman daw ang makalulutas ng mga problema natin. Sa pagsasarili sa dinaramdam, ibinabaling natin ang pagpapagaan ng loob sa paglayo sa mga kasama at pagtalikod sa gawain. Inaayos nating mag-isa ang problema na para bang hiwalay ang danas sa sitwasyong ginagalawan natin.
Siguro kasalanan ko rin. Sa pagkakalulong sa gawain, nakalimutan kong bahagi rin ako ng kolektibong pinamumunuan ko at hindi ko naman pasan nang mag-isa ang lahat. Kailangan ko ring buksan ang sarili ko sa iba, ibaba ang mga haligi, at magtaguyod ng mapagkalinga na paligid kasama sila.
Madalas, kailangan lang natin ng kaibigang masasandalan matapos ang nakapapagod na araw. Madalas, kailangan ko lang ng kasalo matapos ang mahirap na pagsusulit. Kailangan ko lang malaman na di ako nag-iisa. Pwede naman sigurong magpahinga sa piling ng pakikiramay sa bawat isa.
Madalas kong hinihiling na tumigil ang pag-ikot ng mundo para magkaroon naman ako ng oras magpahinga at pagtuunan ng pansin ang sarili. Ngunit siguro, hindi sa paghinto at pagtalikod sa problema matatagpuan ang pahingang ninanais—nasa kapwa ko ito, na kasama ko sa hirap at kaginhawaan. ●