Ginugol, at patuloy na ginugugol, ni Dennise Velasco ang buong lakas, talino, at buhay bilang isang masikhay na unyonista at aktibista. Noong estudyante pa lang sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, aktibo na siyang nakikipaglaban para sa karapatang pantao. Malaki ang ginampanan niyang papel sa pagmulat at pagpapalakas ng kilusang kabataan noong panahon ng administrasyong Estrada at Arroyo, kung saan laganap ang matinding korapsyon at pagpatay sa bansa.
Mabigat man ang bitbit na responsibilidad at trabaho, mga kuwento bilang masayahin at kwelang kasama ang naaalala sa kanya ng mga nakasama sa loob ng kilusan. Ayon kay Mong Palatino, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) Metro Manila, sa kanyang artikulo sa Bulatlat, kilala si Dennise sa kanyang pagpapatawa na lagi niyang ginagamit upang pagaanin ang pag-uusap tungkol sa pulitika. Malaki ang kanilang natutunan sa talino at mga ideyang ibinahagi ni Velasco lalo na sa sitwasyong pulitikal ng bansa, at ang dapat na tunguhin ng kanilang kampanya.
Sa isang Facebook post ng Free Dennise Velasco Network, isinalaysay ni April, kapatid ni Dennise, kung paano siya sinurpresa ng kuya nang bumisita ito sa Camp Karingal. Sa tulong ng kanyang asawa, ginawang espesyal ni Dennise ang kaarawan ng kapatid nang padalhan niya ng cake ito sa kanyang bahay. Bago pa maluha si April, agad siyang biniro ng kuya na huwag masyadong matuwa sa matatanggap na cake dahil ito’y hindi kamahalan. Bagaman mahirap para kay April, ipinangako niyang patuloy siyang lalaban para sa agarang paglaya ni Velasco. Tuloy ang laban para kay April, bagay na natutunan niya sa kanyang kuya.
Nagbago man ang panahon at namamahala, nanatili at mas lalong tumindi ang dinanas na hirap ng mga Pilipino. Hindi natinag, bagkus ay lalong ipinagpatuloy, ni Velasco ang pakikipaglaban kasama ng mamamayan laban sa mapaniil na pamamalakad ng estado.
Bilang kasapi ng Defend Jobs Philippines, kinikilala ang kanyang pangangampanya at paglaban sa kontraktwalisasyon sa bansa. At bago ang kanyang pagka-aresto, nanguna si Velasco sa pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo sa Marikina, at pag-oorganisa ng community-based network na naglalayong mapanagot ang mabagal na pagresponde ng pamahalaan sa mga naging biktima ng bagyo.
Sa kanyang pagsisikap na tulungan at sumapi sa laban ng manggagawang Pilipino, isa siya sa mga itinuturing na kaaway ng administrasyong Duterte. Noong madaling araw ng ika-10 ng Disyembre ng nakaraang taon, inaresto si Velasco sa kanyang tahanan sa Quezon City. Bagaman malinaw na tanim-ebidensya ang nangyari, sinampahan si Velasco ng gawa-gawang kaso at inakusahan siyang miyembro ng isang “criminal gang.”
Bilang lider-manggagawa, inilaan ni Velasco ang trabaho sa adbokasiyang wakasan ang paglabag ng malalaking korporasyon sa karapatan ng maraming manggagawa sa bansa. Kasagsagan ng eleksyon noong 2019, naglunsad ng Labor Vote Bus ang Defend Jobs Philippines upang ikampanya ang panawagan para sa mas maayos na sahod at ligtas na trabaho at trato sa mga manggagawa.
Kumasa rin laban sa madugong tokhang police operation sa Caloocan si Velasco kahit na siya'y nagseserbisyo sa Valenzuela. Tumulong siya sa pagtatag ng Caloocan chapter ng BAYAN Metro Manila, at nakiisa sa maraming lokal na grupo sa Caloocan laban sa tokhang at pang-aabuso sa karapatang pantao nang magsimula ang giyera kontra droga.
Para kay Dianne Zapata, kabiyak ni Velasco, ang pagsuporta sa pagpapalakas ng kampanya, at pagtuon sa mga isyung panlipunang ipinaglalaban ng asawa ang lalong bubuhay sa pag-asa at paglaban ng kasalukuyang bilanggong pulitikal. Panawagan niya nga sa isang webinar, “To honor their work is to take on ‘yong battles nila … Patunayan natin na hindi krimen ang maging aktibista.” ●