By J.D. FAJARDA
“Memory is a territory no parliament has claimed. Soon bulldozers will come, and our stories will bleed through the porous edges of the remembered world.” – Eric Gamalinda, The Remembered World
Hindi sumasapat sa atin ang alaala. Madalas, kinakailangan natin ng materyal na katumbas ng pangyayaring ginugunita natin—regalo sa birthday, souvenir T-shirt mula sa bakasyon sa Baguio, bulaklak tuwing undas, mga peklat ng ating kabataan, larawan ng reunion ng barkada, graduation song noong hayskul. Patunay na naganap ang mga pangyayaring nasa memorya natin at hindi kathang-isip lang ang mga bagay na ating nakikita, naaamoy, nasasalat at naririnig.
Sa paggunita ng US, at ng buong mundo, sa anibersaryo ng pag-atake sa mga simbolo ng kapangyarihan ng self-proclaimed na superpower sa Setyembre 11, 2011, na mas kilala sa tawag na 9/11, iba’t ibang mga bagay ang nililikha bilang paraan ng pag-alala: monumento ng Twin Towers sa Israel, pagsasapelikula ng 9/11-themed na nobelang Extremely Loud and Incredibly Close ni Jonathan Safran Foer, at mga symposium at publikasyon sa loob at labas ng akademya na tumatalakay sa epekto ng 9/11 sa daigdig natin ngayon.
Para sa pamahalaang US, ang pinaka-espesyal na paraan para bigyang parangal hindi lamang ang alaala ng mga biktima ng pag-atake kundi mas lalong higit ang ego nitong niyurakan ay ang bangkay ni Osama bin Laden na itinapon sa dagat. Ilang buwan bago ang ika-10 taon ng 9/11, napaslang si bin Laden sa operasyong militar sa Abbotabad, Pakistan.
Nais ibalik ng mga bagay na ito sa gunita natin ang imahe ng pagsalpok ng eroplano sa Twin Towers isang malagim na umaga ng Martes, Setyembre 11, 2001, sa pusod ng New York City.
“Because you divide us from our history...*”
Sa panahon ng global media, ang atake sa Twin Towers ay namalas sa iba’t ibang panig ng mundo, bagay na nagpalawak at nagpatindi sa epekto ng 9/11. Bitbit ang ispektakulo ng mga imahe ng 9/11, naging instrumental ang midya para siguraduhing hindi natin malilimutan ang malagim na pag-atakeng kumitil sa may 3,000 katao.
Sa pamamagitan ng tribute songs para sa mga biktima, mga eksibisyon ng mga larawang kuha mula sa Ground Zero, mga monumento, tula, nobela at pelikula, naikikintal sa kamalayan natin ang gimbal ng 9/11. Nililikha nito ang tinatawag na “social memory,” kung saan ang midya at iba pang institusyon ang gumagawa ng gunitang ipinupunla sa memorya ng mga mamamayan. Sa ganitong paraan, naididikta ng midya kung ano at paano dapat alalahanin ang isang spectacular na pangyayari tulad ng 9/11.
Bilang paggunita sa ika-limang anibersaryo ng 9/11 noong 2006, itinanghal ang mga pelikulang United 93 ni Paul Greengrass at World Trade Center ni Oliver Stone. Kapwa tinalakay ng dalawang pelikula ang kabayanihan at katatagan ng mga biktima ng 9/11 sa harap ng kamatayan. Ayon sa manunulat na si Joan Didion, sa labis na pagpokus umano ng midya sa pagpaparangal sa kabayanihan ng mga biktima, naisasantabi ang kahulugan at konteksto ng 9/11. Dagdag pa ni Didion, kinakasangkapan ang ganitong paga-idealize sa 9/11 para bigyang katwiran ang isinusulong ng US na “global war on terror” na isa umanong “perpetual war.”
“...and install a thousand checkpoints in between.*”
Hindi ito nalalayo sa pagtingin ng Slovenian na intelektwal na si Slavoj Zizek. Ayon kay Zizek, ang pag-asulto sa atin ng ispektakulo ng 9/11 ay pagsanay sa mamamayan ng mundo sa isang “permanent state of emergency.” Lagi’t laging ipinaaalala sa atin ng midya na nagbago na ang mundong kinagisnan natin bunsod ng 9/11.
Sinasabay natin sa pandesal at kape sa almusal ang balita sa radyo na may dinukot ang Abu Sayyaf na mga turista o dayuhang misyonero. Laman ng mga kuwentuhan sa lunch break ang mga salitang “terorismo” at “terorista.” At kasalo natin sa hapunan ang primetime balita ng pambobomba hindi lamang sa Iraq at Afghanistan, ngunit maging sa London at Barcelona, Mindanao at Maynila. Sa daigdig ng post-9/11, wala nang ligtas na lugar.
Naging normal at katanggap-tanggap na sa atin ang presensya ng Tropang Kano sa Mindanao, ang pangangapkapkap at panghahalughog sa mga dalahin natin sa tuwing pumapasok sa mga establisyimento, sa mga istasyon ng MRT at LRT, at terminal ng bus, sa mga mall at airport. May bigat at sinseridad na kapag binibitiwan natin ang salitang “ingat” sa tuwing nagpapaalam sa mga kamag-anak at kaibigan. Tila ang 9/11 ay isang hakbang lang paglabas ng bahay.
Indikasyon ang ganitong paranoia sa pang-araw-araw na gawain na nakamit ang layunin ng terorismo na maghasik ng takot. Ngunit makikitang ang estado ang nakikinabang sa takot na ito. Ang pangambang maulit ang nangyari sa 9/11 ang nagtulak sa mabilis na pagsasabatas ng US Congress ng Patriot Act gayong maraming probisyon ng batas na ito ang lalabag sa mga karapatang pantao. Isinasantabi ng batas na ito ang mga karapatang sibil, partikular ng mga migranteng pinagsusupetsahang terorista kahit na walang sapat na batayan.
Ang takot ng iba pang mga bansa na matulad sa sinapit ng New York ang humimok sa mga gobyerno na gumawa ng mga kawangis na batas o programang kontrainsurhensya na pinagtitibay ng mga korte. Pinahihintulutan ng mga ito, halimbawa, ang paniniktik at paglabag sa privacy ng mga indibidwal. Nagagamit rin ang mga palisiyang ito para sikilin ang karapatan maging ng mga grupong lehitimong nagsusulong ng pagbabago.
“[T]he world is fertile with remembering, subversive with desire...*”
Samantala, dahil nilikha lamang ang namamayaning memorya ng 9/11, maaaring hamunin ang alaalang ito. Sa dokumentaryo ni Michael Moore na Fahrenheit 9/11, inilantad niya ang paggamit ng administrasyong Bush sa gunita ng 9/11 para isulong ang digmaan sa Gitnang Silangan para makontrol ang industriya ng langis sa rehiyon.
Tugma ito sa sinabi ni Didion na desidido na raw lusubin ng US ang Iraq para puksain si Saddam Hussein bago pa maganap ang 9/11. Ayon naman sa yumaong manunulat na si Susan Sontag, hindi atake sa “free world” ang 9/11. Sa halip, konsekwensya umano ang 9/11 ng pangkalahatang palisiyang panlabas ng US partikular sa Gitnang Silangan.
Sa kabilang banda, ang mga imahe ng mga biktima ng “global war on terror” ang ikinukubling gunita sa nakaraang dekada. Umaabot na sa halos isang milyon ang mga nasawi sa gera sa Afghanistan at Iraq.
Bahid naman sa imahe ng US bilang tagapagtaguyod ng demokrasya ang patuloy na pag-iral ng US military prison sa Guatanamo Bay kung saan talamak ang tortyur at ang paglabag sa karapatang pantao ng mga suspek pa lamang na mga terorista. Samantala, tinatayang aabot sa $2 hanggang 5 trilyon ang naging halaga ng gyera kontra-terorismo, at sinasabing ugat ng kasalukuyang krisis sa utang ng US.
Sa Setyembre 11, ibubudyong na parang medalya ang mga ipinanagumpayan ng gyera kontra terorismo. Samantala, sa iba’t ibang sulok ng mundo, nagpapatuloy ang karahasang ipinunla ng gunita ng digma. ●
*mula sa tulang Amigo Warfare ni Eric Gamalinda, Pilipinong manunulat na naka-base sa New York City. Unang inilathala ang artikulo sa isyu ng Kulê noong ika-8 ng Setyembre 2011, gamit ang pamagat na “Ground Zero ng Memorya.”