Isa si Ka Danilo Ramos sa mga mambubukid na maagang namulat sa pagsasaka bago pa ipatupad ng yumaong diktador na si Marcos ang Batas Militar. Higit tatlong dekada matapos mapatalsik si Marcos, nagbabadyang bumalik sa Malacañang ang kanyang angkan, at kasabay nito, ang posibilidad na lalong malugmok ang mga pesante sa bansa.
Sa darating na eleksyon, panawagan ng mga magsasakang gaya ni Ka Danilo sa mga kumakandidato ay pahalagahan ang mga nagpapakain sa buong bansa; bigyan sila ng ayuda, tulungang paunlarin ang kanilang produksyon.
*
Kulê: Maaari ba ninyong ibahagi sa amin ang inyong karanasan sa pagsasaka sa ilalim ng Batas Militar?
Ka Danilo: Bago ipatupad yung Batas Militar, laganap ang batarisan sa aming sakahan. Nagpapahiraman ng mga kalabaw at nagtutulungan kaming mga magsasaka upang linangin ang aming mga pananim. Ang mga kadalasang itinatanim din namin ay mga tradisyunal na binhi, minsan nga lang kami mag-ani sa isang taon pero hindi kami kinakapos sa bigas. Sapat pa rin ang aming mga pananim at pagkain.
Ngunit sa ilalim ng batas militar, kinapos kaming mga magsasaka. Nawala yung sustainable agriculture sa bansa at mas tinangkilik ng pamahalaan yung iba’t ibang uri ng bigas. Noong naunang mga taon ng diktadura, akala namin mapagpapatuloy namin ang pagtatanim ng Miracle Rice na isa sa mga high-yielding variety na bigas, dahil libre o mura lamang ang farm inputs.
Hanggang sa noong mga sumunod na taon, nagtaasan na ang presyo ng mga fertilizer, binhi, pestisidyo. Natatandaan ko, ang presyo ng isang bag na abono ay katumbas ng isang kaban ng palay. ang presyo ng palay, mayroon lamang na P800 hanggang P900 kada kaban. Nahirapan kaming i-maintain yung pagtatanim ng Miracle Rice dahil wala rin kaming maayos na irigasyon ng tubig sa sakahan, iyon pa naman ang isa sa mga pinakapangunahing pangangailangan nito.
Kulang na nga ang kitang bumabalik sa amin dahil maraming kakumpitensyang imported goods sa merkado, nagkaroon pa kami ng napakaraming utang dahil ang karamihan sa amin hindi makapagbayad ng upa sa kanilang lupang sinasaka. Kulang din ang aming kita pambili ng mga binhing nagmahalan din.
Kulê: Bilang magsasaka na kayo noong panahon pa ng Batas Militar, ano ang inyong pananaw sa kandidatura ng anak ng dating diktador sa pagka-presidente?
Ka Danilo: Noong panahon ni Ferdinand Marcos Sr., in-impose yung Coco Levy funds. Ito yung buwis na kinuha sa mga magsasaka ng niyugan sa buong kapuluan, na ang nakubra noon ay mga P96 bilyon mula sa small coconut farmers. Nag-accumulate ito hanggang ngayon at umaabot na ito sa mahigit P200 billion including assets at mga interest nito. Ang masama, patuloy itong ipinagkait ng Duterte administration sa small coconut farmers. Namatay na yung ilang mga magsasaka ng niyog, ngunit hindi pa rin naibabalik sa kanilang mga pamilya yung ninakaw ng mga Marcos.
Hindi rin nakaligtas ang mga kapwa ko magsasaka sa panghuhuli at pantotortyur noong panahon ng Batas Militar, kahit pa lehitimo naman ang aming mga ipinananawagan—suporta ng pamahalaan sa aming pagsasaka at pagtingkilik sana sa aming mga produkto. Hanggang ngayon, sa ilalim ng administrasyong Duterte, bihasang-bihasa ang pwersa ng estado sa paghahalughog sa tirahan ng mga magsasaka, panre-red-tag, pagsampa ng mga gawa-gawang kaso, at pagtatanim ng mga ebidensya sa aming mga kasamahan.
Kung mapahihintulutan muli na mapaupo sa pwesto ang tambalang Marcos-Duterte, mas lalong magiging mahirap ang sitwasyon ng mga magsasaka sa pinansya, at manganganib pa ang karapatang pantao ng mamamayan.
Kulê: Ngayong papalapit na eleksyon, ano ang nais niyong ipaalala sa mga kapwa natin botante?
Ka Danilo: Maging mapanuri sa mga iboboto, dahil sa panahon lamang ng eleksyon nagkakapareho ang mayaman at mahirap. Bakit? Dahil isang boto lamang para sa mayaman, at isang boto para sa mahirap. Kaya huwag nating sayangin ang ating sagradong karapatan sa pagboto, gamitin po natin ito sa maayos. Dapat ay makikinabang ang karamihan, hindi lamang ang iilan. Narinig ko, sabi nga sa wikang banyaga na ang hopelessness ay kalaban ng justice. Kaya dapat maniwala tayo na may magagawa ang lakas ng masa.
Kulê: Ano ang inyong panawagan sa mga kandidatong tumatakbo ngayong Halalan 2022?
Ka Danilo: Mayroon po kaming tinatawag na “omnibus.” Inihapag naman na po namin ito sa mga tumatakbong kandidato, babanggitin ko na lamang po ang mga ito: Ipatupad ang tunay na reporma sa lupa at pangisdaan, ibasura ang iba’t ibang iskema na nagkakait sa mga karapatan ng mga mambubukid sa lupa. Kagyat na subsidya sa mga magsasaka na tulong para sa pagpapaunlad sa produksyon tulad ng P15,000 production subsidy. Itaas ang sahod ng mga manggagawa sa agrikultura at mga manggagawang bukid, mahalaga po ito dahil kulang na kulang po ang P537 kada araw.
Sabi nga po ng IBON Foundation, P1,082 ang daily cost of living kaya po mahalagaang maitaas itong minimum wage. Ibasura ang patakarang liberalisasyon sa agrikultura, at tiyakin ang kasapatan sa pagkain. Paunlarin natin ang lokal na produksyon ng pagkain, at huwag iasa sa importasyon. At higit sa lahat, ibalik ang mga ninakaw, huwag ang mga magnanakaw. ●