Muling masusubok sa susunod na buwan ang kapangyarihan ng taumbayang magluklok ng pinunong diringgin sila. Gayundin, makikita natin ang kakayahan at hangganan ng halalan na baguhin ang mga kondisyong nagsasadlak sa atin sa hirap, at tugunan ang pinaka-kagyat nating mga pangangailangan
Malaon nang pinatunayan ng ilang nagdaang halalan na di madaling makuha ang mga istruktural na pagbabagong tagibang sa ating interes sa pamamagitan ng pagboto isang beses kada anim na taon. Iba-ibang mukha ngunit pare-parehong retorika ng pagbabago ang dumaan, ngunit nananatili ang mga sakit ng lipunan. Lantad ito sa administrasyon ni Rodrigo Duterte sa tahasan niyang pagtalikod sa lahat ng naging plataporma niya—lumala ang sitwasyon ng mga manggagawa sa pananatili ng kontraktwalisasyon, lalong nagpaka-alipin ang kanyang rehimen sa Estados Unidos at Tsina sa kabila ng pangako niyang ibabasura ang Visiting Forces Agreement at pagpapalayas sa Tsina sa ating mga karagatan.
Sa pagtatapos ng termino ni Duterte, nakita natin paanong ang kandidatong nangakong susugpuin ang kahirapan, krimen, adiksyon sa ilegal na droga, at iba pang sakit ng lipunan, ay mismong naging kanser sa bansa.
Sa ilang beses na pagbabago ng nakaupo ngunit pananatili ng kalakhang Pilipino sa lusak, nakikita natin ang hangganan ng mga eleksyon. Tototong hindi halalan ang puno’t dulo ng pagkamit natin ng pananagutan at katarungan, ngunit sinasamantala natin ang lahat ng tsansang magbago ang pagpapatakbo sa bansa. Hindi man perpekto, kinikilala natin na may oportunidad na binubuksan ang darating na halalan upang kahit papaano’y magkaroon tayo ng ginhawa, makahinga, mag-ipon ng lakas at saka patuloy na itulak ang pagbabagong gusto natin.
Kaya naman mahalaga na ang piliin natin sa darating na eleksyon ay iyong babasag sa tinataguriang Duterte legacy—siyang magbabasura sa mga pahirap na palisiya at proyekto ng kasalukuyang administrasyon. Bumubuo tayo ngayon ng malawak na pagkakaisa, at masugid na sinusuportahan silang may pinakamalaking tsansang tatalo sa pambato ng rehimen na sina Ferindand “Bongbong” Marcos Jr. at Sara Duterte, na hindi malayong ipagpapatuloy lang ang di-makataong pamamalakad ni Duterte.
Dahil ang kagyat na pangangailangan ng mamamayan ay kaginhawaan mula sa malubhang ekonomiya at paglabag sa karapatang pantao, umiikot din dito ang batayan ng ating pagkakaisang ihalal ang kandidatong alam nating tatanganan.
Masugid nating kinukumbinsi ang mga kaibigang piliin ang mga tumatakbong matagal nang ipinaglalaban ang karapatan natin sa nakabubuhay na sahod at ayuda, nakasama natin sa paniningil para sa karampatang hustisya sa biktima ng karahasan ng estado, at silang nakasama ang masa kaya’t tunay na kilala ang kanilang mga pangangailangan.
Ang pagkakaroon ng pamahalaang tunay na pinanghahawakan ang interes ng pinagsisilbihan nito ay unang hakbang sa pagkamit natin ng mas maalwang kinabukasan. Mahalaga ang pagkakaisa ng sambayanang ipanalo ang tumatakbong oposisyon sa naghaharing rehimen upang maibalik sa atin ang kalayaang iprotesta ang ating mga hinaing, at panagutin ang mga nagkakasalang opisyal ng gobyerno—bagay na ipinagkait sa atin ni Duterte matapos niyang i-red-tag ang lahat ng dumadaing sa kanyang pamumuno. Matapos nito, saka natin maitutulak ang bagong administrasyong magpasa ng mga batas na mas naglalagay ng primarya sa atin.
Gayong sinuportahan sila ng mamamayan, marapat lamang na magserbisyo ang mga tumatakbong kandidato para sa mas nakararami. Malay ang maraming madaling baliin ng nananalong pulitiko ang kanyang mga pangako noong kampanya kaya mananatiling nakasubaybay ang taumbayan kung tunay na maglilingkod sa kanila ang bagong uupo. At sa pagkakataong tahasan nilang talikuran ang kanilang mga pangako hinggil sa pangunahin nating mga pangangailangan at panawagan, asahan nilang dadaluyong ang laksa-laksa para sila naman ay panagutin.
Babawiin natin ang lahat ng ninakaw ng administrasyong ito sa pagkakaroon ng bagong pamunuan. Ngunit ang pag-asang mangyari ito, ang pagkakaroon ng tsansa ng nagpapakilalang oposisyong itama at ayusin ang pamamalakad sa bansa, ay nakadepende sa taumbayan. ●