Dumagundong ang boses ng taumbayan sa tarangkahan ng Palasyo. Dali-dali ang pag-iimpake sa mga karton ng mga nakaw na yaman—alahas, diyamante’t mamahaling hiyas, limpak-limpak na pera. Nag-alsa-balutan ang pamilyang Marcos. Higit tatlumpu’t anim na taon makalipas, bumalik sila sa Malacañang sa hiyawan ng mga taga-suporta.
Marami nang nasabing maaaring rason at paraan ng panunumbalik ng pamilya ng diktador sa kapangyarihan. Ang kawalang-pangil ng mga sumunod na rehimen sa pagpapanagot sa mga nagkasala sa taumbayan, ang matagal, malawakan, at orkestradong pagpapakalat ng maling impormasyon sa madla, ang pagpapabansot sa edukasyong nagbunga sa mamamayang madaling kumonsumo ng kasinungalingan.
Ngunit marapat nang higitan ang pagpapaliwanag, pagbubutbot sa kung paano tayo humantong sa posisyong ito. Nagtagumpay na si Ferdinand Marcos Jr. na makuha ang pinakamataas na posisyon sa bansa. Nasa antas na tayo ng di na lang pag-alala sa panahon ng diktadura kundi aktibong pakikibaka sa panibagong administrasyong Marcos.
Naging primaryang armas natin laban sa pag-uulit ng malagim na kasaysayan ng Batas Militar ang paggunita. Ang di pagkalimot sa libo-libong nabiktima, silang mga dinahas, kinulong, at nilugmok sa kahirapan, ay susi upang di muling sumailalim sa diktadura ang bansa. Di nagbago ang ating panawagan hanggang tuluyan nang subukan ng mga Marcos na bumalik sa Malacañang.
Umusbong ang maraming proyekto ng pagbabalik-tanaw—mula sa paggawa ng digital na arkibo ng mga nailathalang sulatin, paglulunsad ng mga lakbay-aral na bumibisita sa mga lunan ng paglaban, pakikipanayam sa mismong mga kinulong at tinortyur ng rehimeng Marcos Sr., hanggang sa pag-oorganisa ng mga inisyatibong fact-checking. Tinugunan ng mga progresibo ang bawat kasinungalingan sa pagturo sa nakaraan.
Bagaman mas pinasidhi ang bawat pagpupunyaging panatilihin sa memorya ng bawat Pilipino ang lagim ng Batas Militar, mahirap higitan ang higanteng makinarya ng mga Marcos, lalo ngayong abot-kamay na niya ang bawat institusyon sa bansa.
Malinaw ang layunin ni Marcos Jr. bago pa maupo bilang pangulo: Gumuhit ng kinabukasang normalisado ang presensya at kapangyarihan ng kanilang angkan sa bansa. Para gawin ito, kinakailangan niyang linisin ang latak ng kanyang pamilya sa kasaysayan.
Sinimulan niya ang termino sa pagpapalabas ng propaganda nilang Maid in Malacañang, pelikulang naglalayong ilahad ang naratibong biktima lamang ang pamilyang nag-utos ng pagdukot at pagtortyur sa mga nagtangkang manguwestiyon sa kapangyarihan ni Marcos Sr. Matapos nito, ipinanukalang holiday ang kaarawan ng diktador sa Ilocos Norte.
Idineklara ni Marcos Jr. na ito ang pagkakataon ng “muling pagkasilang” ng bansa, kung saan muling magbabalik ang kanilang angkan di lang sa pamahalaan, kundi tumimo pa sa ating kamalayan at lipunan. Esensyal sa tunguhing ito ang pagbubura sa marahas na imahe nila. Sa ganang ito, tahasang binaligtad ni Marcos Jr. ang kasaysayan: Tinanggi niyang diktador ang kanyang ama, na ang mga abusong nangyari sa ilalim ng Batas Militar ay tipikal, gaya lang ng nagaganap sa kahit anong digma.
Pandudusta sa alaala ng mga nagsakripisyo noong panahon ng Batas Militar ang ginagawang pagbaluktot ng mga Marcos sa katotohanan. Walang paniniil ang di inaalmahan; ang bawat kasinungalingang binubuga ng mga nasa poder ay pilit tinatapatan ng mga nakaligtas sa diktadura at mga progresibo. Patuloy ang pakikipagtunggali sa pamamagitan ng memorya.
Hindi maikakaila ang kahalagahan ng pag-alala. Anupa’t inaaral natin ang kasaysayan upang maintindihan ang ating kasalukuyang kondisyon. Ngunit hindi ito ang tanging maaasahang magtutulak sa atin sa gusto nating paroonan. Namumuhay tayo sa kasalukuyan, hindi batay sa nakaraan, kundi ayon sa pulitikal na hangganang gusto nating kahantungan sa hinaharap.
Instrumento ang pag-alala o nostalgia, nagiging positibo o negatibo batay sa pinaggagamitan. Kung paanong pinakinabangan ito ng kampo ni Marcos para manalo sa eleksyon sa pamamagitan ng pantasya ng Golden Age, ginagamit din ito ng mga progresibo upang ilahad ang paghihirap at karahasan sa ilalim ng Batas Militar.
Ipinakita ng nagdaang halalan kaninong bersyon ng pag-alala ang mas pumukaw sa marami. Sa pagtatanim sa memorya ng bulaang Golden Age—habang tinatabunan ang mga karahasan—noong dekada 70, tila nag-aalok ng karangyaan ang mga Marcos para sa milyon-milyong naghihikahos.
Ang pag-alala ng kampo ni Marcos ay nagsilbing paraan upang makuha nila ang tunay nilang layunin—manormalisa ang kontrol nila sa kapangyarihan. Ngunit para sa ating hanay, nananatili tayo sa antas ng pagbabalik-tanaw, na lalong nagiging mahirap ibahagi sa ordinaryong mamamayan ngayong kontrolado ng rehimeng Marcos-Duterte ang pamahalaan.
Ang paggamit sa nostalgia pareho ng mga Marcos at mga progresibo ay replektibo sa pananabik natin sa nakaraan. Para sa mga Marcos at kanilang taga-suporta, iyon ang pantasya ng Golden Age. Para sa ating mga progresibo, iyon ang masikhay at nagkakaisang pagkilos ng marami laban sa diktadura. Ngunit nag-iiba ang kondisyon at, sa gayon, ang kahingian ng bawat henerasyon—ang nananatiling totoo ay ang kakayahan ng taumbayang lumikha ng sarili nitong memorya, lapat sa kanilang sariling karanasan ngayon.
Mahalaga, kung gayon, na ang ating kampanya laban sa ikalawang administrasyong Marcos ay di na lamang nakukulong sa pagpapaalala, bagkus nakabatay sa kasalukuyan nating hinaharap.
Hindi nagkukulang ang rehimeng Marcos sa mga rason kung bakit dapat itong lansagin. Sa bawat araw na patuloy ang kanyang pamumuno, lalong nagiging malinaw ang kawalan niya ng kakayahang gawin ang mandatong magsilbi sa taumbayan.
Magarbo ang mga inilatag niyang mithiin para sa bansa sa kanyang unang State of the Nation Address, gayundin ang inilabas niyang 8-point economic agenda. Ngunit mahirap paniwalaan ang abilidad niyang tagpuin ang mga ito gayong wala siyang sinasabing plano paano maisasakatuparan ang mga agenda.
Kung ano pa man, bumabalikwas sa mga layunin niya ang kanyang mismong ikinikilos. Hindi niya maaabot ang planong masawata ang COVID-19 gayong hanggang ngayon ay wala siyang kalihim para sa Kagawaran ng Kalusugan. Imposible ring masiguro niya ang kakayahang bumili ng ordinaryong Pilipino ng mga batayang pangangailangan gayong wala siyang ginagawang malaking hakbang para tugunan ang sumisirit na presyo ng bilihin, langis at pamasahe.
Nasa kasalukuyan ang pakikibaka, lalo’t umiigting ang mga krisis. Ang bawat araw na walang ginagawa si Marcos Jr. para tugunan ang mga nagpapahirap sa atin ay sapat nang dahilan upang pumiglas, kilalaning di hawak ng sinumang nakaupo ang solusyon sa ating mga problema. Kung may ginto mang aral mula sa pag-alala sa mga kaganapan noong panahon ng diktadura, ito ay may kapangyarihan ang taumbayang lagutin mismo ang kanilang paghihirap. Nananatili itong totoo hanggang ngayon, at esensyal sa pagtamasa ng gusto nating hinaharap.
Ngayong ika-50 taon ng paggunita sa Batas Militar, minamarkahan natin ang ating pagsulong. Ang pananatili ni Marcos Jr. sa pwesto ay lalong pagpapaigting ng dahilan nating patalsikin ang rehimeng Marcos sa ikalawang pagkakataon.
Dadagundong ang boses ng taumbayang sawa na sa paghihirap at pagpapahirap. Sa pagkakataong ito, hindi tayo makukuntentong magpalayas lamang ng mga Marcos. Itatakwil din natin ang kanilang mga kasapakat, at lahat ng nag-aanak ng mga kagaya nila. ●